Errico Malatesta
Sinulat ni: Errico Malatesta;
Inilathala noong: 1884;
Tinagalog ni: “Kabisang Tales” (Arturo Soriano);
Isinalin noong: 1913;
May Paunang Salita ni “Tambuli”;
Pinagmulan: University of Santo Tomas Miguel de Benavides Library;
Na-markup para sa Marxists.org ni: Simoun Magsalin.
Tinagalog ang Dalawang Magbubukid mula sa librong Espanyol Entre Campesinos. Transcription mula sa Unang Pagkalimbag na inilathala ni Limbagang Tagumpay, Maynila.
Sa nasà ng̃ isang pilìng kaibigan at kaadhikâ, na nagpapamagát na “Kabisang Tales,” nagmulâ ang pag-sulat kong ito. Humigit kumulang na sa labingdalawang oras ang nakararaán, sapúl nang ilagay niya sa aking mg̃a makasalanang kamay ang may mg̃a 88 mukhâng limbag na ng̃ saling ito ng̃ sinulat ng̃ anarkistang si Malatesta.
Tutupad ako, bagá ma’t gahol na sa panahon, sa kahiling̃an ng̃ kasama, na ako’y sumulat ng̃ páunang salita, hingil sa aklat na itong kaniyang inihulog sa sariling wikà, na palalabasín sa Unang Araw ng̃ Mayong hinaharap, ayon sa pahiwatig sa akin.
Sa aking pagkaanák-dálitâ, na inianák ng̃â sa kahirapan; nabuhay sa paghihikahós, at nabubuhay sa isang mahigpít na pakikibaka sa kabuhayan, ay walá akong panununtunan búhay na ito, maliban sa mg̃a katotohanan, masaklap ó matimyas man, na nakikita ng̃ aking mg̃a matá at nadadamá ng̃ aking mg̃a kamay. ng̃unì’t sa nangyayaring ito sa aking pagsulat, warì’y nabibihag yaring loob na manampalataya, ng̃ walâng pasubulì, diyan sa isang salawíkaing karaniwan dito atin: “ang pagkakataón daw ay daíg pa ang nagtipan.”
Aywan ko ba, sa mg̃a sandalîng ito, kung anóanóng bagay ang aking maiuulat tungkol sa pagkakasalin sa tagalog ni “Kabiseng Tales,” sa aklat ni Malatesta. ng̃unì’t, ng̃ayon pa ma’y maipagpapauná ko na, bagá ma’t sa mg̃a sandalî ng̃ pagsulat ko nito’y dî pa nalulutas ang pagkakapalimbag, na, ang paglalas niya’y isang mainam na pagkakataón na mg̃a kasalukuyang araw. Ang pagbubukás ng̃ Kaunaunahang kapulung̃an ng̃ mg̃a Manggagawà dito sa atin at ang paglabás nito’y masasabing daíg pa ng̃a ang nagtipán, Anaki ng̃â’y parang pinagdaop na bao ang nangyaring pagkakataón. Sa Kapulung̃ang idaraos natin, ay paguusapan at pasisiyahán ang maraming bagay hingil sa búhay, kabuhayan at kapalaran ng̃ Bayan Manggagawà; samantalang sa aklat na ito’y ipinakikilala na, sa lalòng mabababaw at maliliwanag na pang̃ung̃usap, ang madlâng adhikaín, súliranin, pátakaran, palatuntunan at iba pang mg̃a kaparaanáng dapat sundin ng̃ isang manggagawà sa kaniyang ikatutubos.
May dalawang bahagi ang aklat na ito: ang isa’y kápupulhán ng̃ sino mang anak-pawis ng̃ madlâng pagkukurò at pang̃ang̃atuwiran hingil sa inuusig na karapatán ng̃ mg̃a dukhâ sa harap ng̃ makapangyarihang Puhunan at Pámahalaán; at ang isa nama’y katututuhan natin ng̃ iba’t ibang urì at kapakanán ng̃ mg̃a kapisanang manggagawà, na ng̃ayo’y natatatag sa iba’t ibang bayan ng̃ Sangsinukob.
Hindî parang pagpaparangyâ. Akong itó, na, páano’t páano ma’y namuhunan ng̃ puyat at tiyagâ sa pagaaral ng̃ mg̃a súliraning manggagawà, ay may karapatáng magsabi sa inyo, na, ang aklat na ito’y hindî dapat mawalâ sa sino mang manggagawà, sapagka’t dito natin matatagpuán ang madlâng katuwirang dapat gamitin sa pakikitunggalî sa mg̃a kalaban. Dito ng̃a’y malalaman natin, kung anó ang kahulugán at tinutung̃o niyang madalás nating marinig na, komunismo, sosialismo, kolektibismo, anarkismo at iba pa, na paraparang mabibisà’t maiinam na sandata ng̃ manggagawà sa pakikibaka sa mg̃a makapangyarihan…
Ang tagumpay ay laán lamang sa mg̃a nakikipagbaka. Subalì’t, sa anó mang pakikibaka’y nang̃ang̃a ilang̃ang gumamit ng̃ sadiyâng paraán ó kasangkapan, upang tayo’y magtagumpay. At isa na riyan, ang lalòng mabisà, ay ang paginom sa mg̃a maliliwanag na katotohanang itinuturò ng̃ mg̃a aklat na katulad nito.
¿Anó ang kahulugán ng̃ pakikibaka nating mg̃a manggagawà? Dilì iba, kundî ang pakikibaka sa madlâng kurò’t palatuntunan na ng̃ayo’y pinaiiral ng̃ mg̃a Pinagpala ng̃ Panahong umiinís at nang̃ang̃amkam ng̃ karapatán natin sa búhay at mg̃a biyayàng likás, na dapat nating lasapín. Kung iyan ng̃â’y totoó, ay kinailang̃ang magpakatibay tayo sa tayô sa pamamagitan ng̃ pagaaral ng̃ mg̃a katuwirang dapat kalasagin sa pakikitunggalî, mg̃a katuwirang makakamtan natin sa aklat na itong isinatagalog ng̃ matalino’t mapagtapat na kasama.
Tayo ang bisig na gumawâ at gumagawâ ng̃ lahat na pinakikinabang̃an ng̃ayon ng̃ Sangkatauhan; tayo ang nagpapagalaw sa ikabubuhay ng̃ bawà’t bayan; tayo ang marami, at, sa dahilang ito’y nasa sa atin ang lakas. Ito’y tinatanggap ng̃ lahat. Ng̃unì’t ¿bakit kayâ ang Puhuna’y siyang namamayani’t madalás pang makapangyari sa atin? Ang Puhuna’y hindî malakas dahil sa kaniyang pagkapuhunan, kundî, dahil sa kahinaan ng̃ Manggagawà; kahinàang nagbubuhat sa pagkakatiwalagan natin, na ang sanhî nama’y ang kakulang̃an ng̃ tumpak na mg̃a kaparaanán, na hindî maáaring iwasan sa pakikilaban.
Ang aklat na ito’y siyang nagbibigay sa mg̃a dukhâ ng̃ kasangkapan sa pakikibaka. ¡Huwag kayong magalinlang̃an!
Kayâ’t ako’y umaasa na, ang bawà’t manggagawà’y magsasakbal ng sandatang ito na magagamit natin ng̃ayon, salamat sa walâng maliw na katiyagaán at pagsusumikap ng̃ isa nating kapatid, na may likás at marubdod na pananalig sa ikatutubos, málao’t mádalî, ng̃ Bayang Marálitâ.
TAMBULI.
Tondo, Abril 25, 1913.
Ang pagkakasalin sa tagalog ng̃ maliit na aklat ni Malatestang ito ay nagsimulâ sa nasiràng “Timbulan” noóng 1910. Noóng ito’y lumalabas pa, napalathalà ang mg̃a unang lamán ng̃ unang bahagi ng̃ aklat. Nang mg̃a araw pang yaó’y marami na ang humihiling sa aking mg̃a kapalad na ang “DALAWANG MAGBUBUKID” na ito’y aking ipalimbag, ng̃unì’t ¡anóng magagawâ ng̃ isang manggagawà!… Ako’y walâng mápuhunan sa pagpapalimbag. Dátapuwâ’t ang ilan kong mg̃a kasama, mg̃a karamaydamay sa paghahanap-buhay, ay malugod na nagtipontipon ng̃ mapupuhunan, at siyang ikinabunsod…. ¡Kapag nagkakaisa ng̃â nama’y nagagawâ ang lahat!
Kung anó’t naisipan kong tagalugin ang aklat na ito, ay tila mainam na sumagot ang mg̃a pangyayari kay sa akin. At bahalà nang magpasiyá ang mg̃a paghahakà ng̃ iba, tang̃ì sa pagkukurò ng̃ may páunang salita. Hindî ko maitatatuwâ na ang aklat na iyan ay siyang nagbuyó sa aking magaral nâ pagsasalin sa sariling wikà. Dahil dito’y inaasahan ko sa mangbabasa na hindî hahanapin sa akin ang isang bagay na mahahanap sa isang bihasá na. At gayon din naman ang maáantay ko tungkol sa mg̃a kamalián ng̃ palimbagan na walâng salang katitisuran, sa halimbawà, gaya ng̃ salitâng “kawaní” ay nágawâng “kawanî.”
Kung nápataón, kapalad, ang paglabás ng̃ “DALAWANG MAGBUBUKID” sa pagbubukás ng̃ Unang Kapulung̃an ng̃ mg̃a Manggagawàng Pilipino at sa Unang Araw ng̃ Mayo, ay hindî mapagtatakhán, sapagka’t sa mg̃a araw na iyan nais ko ng̃âng maihandog ang pagkaing ito, sa ibig kumain, at ito’y alay namin sa iyo.
ANG TUMAGALOG.
Sampalok, Abril 26, 1913.
Hosé.—¡Abá! ¡Náririto ka palá?! Ikinatutuwâ ko itong pagkikita natin ng̃ayon, palibhasà’y matagaltagal na ring kita’y napipitang mákapanayám. Horhe! Horhe! ¡Ako’y pinagdaramdam mong labis! Noóng ikaw’y nasa sa bayan, ikaw ang pinakamabait na batà, at ikaw ang pinakaulirán ng̃ iyong mg̃a kapanahón. ¡Ah, kung nabubuhay sa na ang iyong amá!
Horhe.—¡Mang Hosé! ¿bakit pò namán ganyan ang inyong salitâ sa akin? ¿Anó kayâ ang nágawâ kong masamâ, na dî ninyo naiibigan? ¿Ano’t dî masisiyahán sa akin ang amá ko, kung siya may nabubuhay pa?
Hosé.—Huwág mo sanang ipagdamdam ang aking mg̃a pang̃ung̃usap, Horhe; ako’y matandâ na, kung akó ma’y nakapagsalitâ sa iyo, ay dahil din sa iyong kagaling̃an. Tang̃ì sa rito, ako’y naging matalik na kaibigan ni matandâng Andrea, ng̃ iyong amá, kayâ’t sa pagkamasid ko na ikaw’y náliligaw sa kasawián, ay para kang anák na tunay na isinasakit niring kalooban, at lalò pa mandin kung aking mágunitâ ó madilidili ang pagasang sa iyo’y nápalagak, at sakâ ang mg̃a pagsusumakit niyang pinag-tamanán, upang makámana ka lamang ng̃ isang malinis na pang̃alan.
Horhe.—Ng̃unì’t ¿ano ang ibig ninyong sabihin, mang Hosé? ¿sa makatuwid pò ba’y hindî akó isang manggagawàng marang̃al? Kailan ma’y dî pa akó nakakagawâ ng̃ masamâ kahi’t kanino; kayâ’t inyong patawarin kung masabi ko, na ang lagì kong mg̃a nagagawâ’y ang lahat ng̃ aking inaakalang makabubuti sa aking mg̃a kapalad; kung gayo’y ¿ano ang ikahihiyâ sa akin ni Amá? Ginagawâ ko ang lahat na mg̃a kaparaanáng aking ikapapanuto at ikatitiwasay, dinuduláng ko, kasama ng̃ aking mg̃a kaadhikâ, ang ikalulunas ng̃ mg̃a sakít ó kasamán na nagpapatang̃is sa akin, sa inyo at sa lahat. Kayâ, ¿anó pa ang dahil, at akó’y naging sanhî ng̃ inyong mg̃a pagpuná?
Hosé.—¡Ahahá! diyan kitá naiibigan. Natatantô kong labis na ikaw’y gumagawâ, na ikaw’y tumutulong sa iyong kapuwà, na ikaw’y isang batàng kapuripuri; ganyan din ang sabihan ng̃ lahat sa kabayanan. Ng̃unì’t sa kabilâ nitó, ang totoó’y kung makáilan ka na namang mápabilanggô; sinasabing lagì ka na lamang minamatyagán ng̃ mg̃a pulés, at sukat nang makitang kapanabáy mo sa paglakad ang isang tao, upang ito’y maligalig…; marahil, ako ma’y nang̃ang̃anib din sa mg̃a sandalîng itó…, ng̃unì’t alangalang sa kitá’y ginigiliw, ay walâng kailang̃ang tayo’y magpanayám. Kaya, Horhe, pakingan mo sana ang payo ng̃ isang matandâ; bayàan mong mamulítika ang màa ginoó na walâng mangagawâ, at ang isipin mo’y ang gumawâ ng̃ ikapapagalíng. Sa ganitóng paraá’y mabubuhay ka ng̃ tahimik at sa awà pa ng̃ Diyos; kung hindî gayo’y mapapang̃anyayà patí ng̃ iyong katawa’t kaluluwá. Tandaán mo sana ang mg̃a sinasabi ko sa iyo: na iyong lisanin ang mg̃a masasamâ mong kasama, pagka’t dati nang alám na ang mg̃a itó’y siyang nakapagpaparoól sa mg̃a binatà.
Horhe.—Dapat ninyong matantô na ang mg̃a kasama ko’y pawàng mabubuting tao; ang mg̃a isinusubong kanin nila’y kasinghalagá ng̃ mg̃a luhà’t pawis. ¿Bayàang silá’y pakaalipustaín ng̃ mg̃a ginoóng pang̃inoon na walâng pinapang̃arap kundî ang sipsipín patí ng̃ káhulihulihang paták ng̃ ating dugô, at pagkatapos ay tawagin tayong mg̃a tulisán, kapag tayo’y nakátutol, at mabubuting tao pará ipabilangô, kapag tayo’y nagsikap ng̃ kauntî sa ikagiginhawa at ikaliligtas sa kaniláng pangaalipin? Ang aking mg̃a kasama at ako’y nang̃abilanggô ng̃â, at siyang totoó; ng̃unì’t kami’y nang̃abilanggô, dahil sa kadakilàan ng̃ aming layon. Maáarìng kami’y mang̃ápabilanggông mulî, at marahil, lalò pang mapang̃anib sa dati; ng̃unì’t dahil din sa ikagagalíng ng̃ lahat, dahil din sa ikawawasak ng̃ kabuktután at ng̃ masahol na kaimbihán. At kayó, na nakapagpatulò na ng̃ pawis sa tanáng búhay at nakaranas na rin ng̃ gútom, kapag kayó’y hindî na makagawâ ó huminà na sa katandaán, marahil, walâ kayóng kapapatung̃uhan, kundî ang mamatáy sa isang ampunang bahay. Hindî kayó nárarapat makipagútutang dilà sa mg̃a ginoó, ni sa pámahalaán, upang kabakahin ang̃ mg̃a nagsisikap sa ikatutubós ng̃ mg̃a marálitâ.
Hosé.—Anák ko, tunay ng̃â’t nababatid ko rin na ang mundó’y patung̃o sa pagsamâ, at pasamâ ng̃ pasamâ; dátapuwâ’t nasàing ito’y maayos, ay kaparis din ng̃ tuwirín ang lahat ng̃ mg̃a baluktot. Mabuti pa’y hayàan na siyang ganyan at manalang̃in na lamang sa Diyos, nang hindî tayo nagdadahop. Talagang kapagkaraka’y mayroong mayayaman at mahihirap, at tayong ipinang̃anak sa paggawâ, ay nararapat gumawâ at magkasiya na lamang sa biyayàng ipinagkakaloob sa atin ng̃ Diyos; kung hindî gayón ang ating gágawín ay papanawan tayo ng̃ kapayapaán at dang̃ál.
Horhe.—¡Ang dang̃ál na naman! Pagkatapos na tayo’y maagawan ng̃ mg̃a ginoó; pagkatapos na tayo’y mapilit pagawín na parang mg̃a hayop upang makakita lamang ng̃ isáng subòng kanin, samantaláng sila’y nabubuhay ng̃ walâng anó mang kagawâgawâ, sa gitna ng̃ kayamanan at pagsasayá, dahil sa ating mg̃a pinadadaloy na pawis, ay sakâ pa nilá nawiwikà, na pará tayo maging marang̃al na tao, ay kinakailang̃an, dî umanó, na tayo’y mátutong magbatá sa ating kalagayan, sila’y pakapasaníng walâng maliw, gaya ng̃ pagpapatabâ nila sa ating mg̃a likurán na walâ tayong kadaíngdaíng. At kung ating madilidili na tayo ma’y mg̃a tao rin, na kung sino ang gumawâ ó naglutò’y siyang nararapat kumain, tayo’y tinatawag ó pinang̃ang̃anláng mg̃a salarín, dinadalá tayo ng̃ mg̃a guardia civil sa bilangûan, at ipinahahatid tayo ng̃ mg̃a kura sa impiyerno.
Kayó, mang Hosé, na isang manggagawàng kailan ma’y hindî nakasipsip ng̃ dugô ng̃ inyong mg̃a kapuwâ, ay mangyaring makinig sa akin. Ang tunay na mg̃a salarín, mg̃a taong walâng dang̃al, ay yaóng mg̃a taong nabubuhay sa paghaharìharìan, yaóng mg̃a taong umaangkin sa lahat ng̃ bagay na nalalaganapan ng̃ sikat ng̃ araw, at sa pamamagitan ng̃ paniniíl, ang baya’y naitulad sa isang kawan ng̃ mg̃a hayop na mapayapàng naàapitan ng̃ balahibo at napápatáy. ¿At ng̃ayo’y makikipiling kayó sa mg̃a ginooóng iyan upang kami’y kabakahin? ¿Hindî pa kayâ sukat na sila’y kampihán ng̃ Pámahalaán—sapagka’t itó’y ginawâ ng̃ mg̃a ginoó at pará sa mg̃a ginoó rin, kayâ’t dî maári na dî sila kampihán ng̃ Pámahalaán—kundî ang mangyari’y patí pa ng̃ tunay naming mg̃a kapatid, mg̃a kamanggagawà, mg̃a kamarálitâ, ay amin pang mang̃ákabaka, dahil sa pagaadhikâ naming lumayà at tumiwasay ang pamumuhay ng̃ lahat?
¡Ah! kung ang karukhaán, kung ang malabis na kamangmang̃án, kung ang kaugalìang minana sa tinalikdáng panahón ng̃ pangaalipin, ay dî makapagpapaliwanag nitong kasakitsakit na kabuhayan, ay maituturing na ang walâng dang̃al ni puri’y yaóng mg̃a dukhâ na ginagawâng sandata ng̃ mg̃a mangaalipin sa sangkatauhan, at dî kaming isinasapang̃anib niyang karirít na tinapay at ng̃ mithî sa paglayà, upang matuklasán ang ikagiginhawa ng̃ lahat.
Hosé.—Oo, tunay ng̃â na mabuti ang lahat ng̃ iyan, ng̃unì’t kapag dî nilakipan ng̃ takot sa Diyos ay walâ ring mapapalâ. Hindî mo ako mapaniniwalà; narinig kong sinabi ng̃ banál nating kura, na ikaw at sampû ng̃ iyong mg̃a kasama’y pawàng escomulgado; narinig kong sinabi ni ginoóng Antonio, na nagaral ng̃ maraming karunung̃an at lagìng bumabasa ng̃ mg̃a páhayagan, na kayó’y mg̃a ulol ó mg̃a salarín, na ang tang̃ì ninyong pinagpupunyagián ay ang lumamon at lumaklak daw lamang ng̃ walâng kagawâgawâng anó man, at sa lugal na sikapin ninyo ang ikatitigháw ng̃ mg̃a manggagawà, ay walâ kayóng hináharap kundî hadlang̃án ang mg̃a ginoó na siyang tunay na makaáayos ng̃ mg̃a súliranin, sa pamamagitan ng̃ lalòng magaling na pamamaraan.
Horhe.—Kung ibig ninyo, mang Hosé, na tayo’y magkawatasan, ay bayàan natin sa kapayapaán ang Diyos at ang mg̃a santó, pagka’t inyo nang namamalas: Ang ng̃alan ng̃ Diyos ay nagiging sangkalan ng̃ mg̃a dumadayà sa atin at ng̃ mg̃a nanglulupig sa kapuwà. Ang Harì raw ay pinagkalooban ng̃ Diyos ng̃ kapangyarihan upang makapagharì, ng̃unì’t kapag ang nagbabaka na’y dalawang Harì, dahil sa isang lupaín, ang dalawa raw na ito’y kapuwà rin sinugò ng̃ Diyos; at gayón ma’y kung sino sa kanila ang may maraming kawal at mabubuting sandata, ay siyang ginagawaran ng̃ Diyos ng̃ matuwid, siyang nakapananaíg. Ang mámumuhunan ay siyang lumulunod sa atin, at siyang kumakalakal sa lahat. Lahat ay nagsasalitâ ng̃ ukol sa Diyos, at nang̃agpapanggáp na mg̃a kinatawán ó kahalili ng̃ Diyos ang mg̃a kurang katóliko, mg̃a protestante, turko, at sa ng̃alan din ng̃ Diyos na lahat nangyayari ang mg̃a digmâan, kayâ’t sa ganitó’y natutuklasán nilang lahat ang mabubuting paraán ng̃ pagpapaagos sa kanilang pátubigan. Sa pakinig, tila ng̃â mandin ang Diyos ay siyang naggawad sa kanila ng̃ lahat ng̃ yaón, at siya ring nagparusa sa ating mg̃a dukhâ sa karukháan at paggawâ. Sa kanila, ang paraiso’y dito sa lupà at sa kabilâng mundó pa; sa atin, ang impiyerno’y dito sa lupà, at ang paraiso’y doón pa sa kabilâng mundo, kung tayo’y kusàng napaáalipin…, at kung sakalìng may kálagyan pa tayo roón.
Bagay sa pananampalataya, mang Hosé, ay dî ko ibig manghimasok, pagka’t malayà ang bawà’t isa sa kanyang isipan. Ng̃unì’t ang ganang aki’y dapat kong ipagtapat sa inyo, na dî ako naniniwalà sa mg̃a ibinabadyá ng̃ mg̃a kura tungkol sa Diyos at ibá pang mg̃a buhaybuhay nila, sapagka’t silang nang̃agsasaad niya’y tantông nagsasakit lamang na tayo’y papaniwalàin, at sapagka’t lubâng marami ang mg̃a relihion, at ang lahat namang ito’y pawàng nangagpapanggap na nagbabadyá ng̃ katotohanan, subalì, ni sino man sa kanila’y dî naka paglalantad ng̃ anó mang katunayan. Ako ma’y makalilikhâ rin ng̃ isang mundóng matalinhagà, at pagkatapos ay isermón ko, na ang dî maniwalà sa aki’y magdurusa sa apóy ng̃ walang hanggan. Sa bagay na ito’y maipalálagay ninyo na akó’y isang balakyot, ng̃unì’t kung akó’y kumuha ng̃ isang batà at maiturò ko rito ang gayóng mg̃a talinhagà na walâ namang makapagpapaliwanag dito ng̃ nalalaban, paglakí ng̃ batàng iyan, ay paniniwalàan din akó, gaya ng̃ paniniwalà ninyo ng̃ayon sa mg̃a among.
Sa kabuuán, kayó’y makapaniniwalà sa inyong minamaigi, nguni’t huwág na lamang ninyong mábanggit pa sa akin na ang Diyos ay siyang may kaibigán ng̃ lahat, na kayó’y magbatá sa paggawâ at magtiís ng̃ gútom; na ang inyong mg̃a anák ay mang̃agsilakí ng̃ mahihinà at masasaktín, dahil sa kakulang̃án sa pagkain at pagaalagà, na ang inyong mg̃a anák na dalaga’y maging babayi balang araw ng̃ makikisig nating mg̃a pang̃inoon; dahil sa kung magkakagayon ay inyong mawiwikà na ang Diyos palá’y hiduwâng magarugâ.
Sakalìng may Diyos, ay walâ namang nakatatarok ng̃ kanyang mg̃a lihim. Kayâ, pagisipan at pagaralan ng̃â natin ang ikatitiwasay ng̃ lahat sa mundóng ito, sapagka’t kung sa kabilâng mundo’y may isang Diyos ng̃âng dakilà, ay tayo’y mapapaanyô rin doóng mahinusay, kung ang nang̃agawâ natin dito’y pawàng nababatay sa kabanalan, kung hindî tayo nagpahirap ó kung hindî natin binayàang makapagpapahirap ang ibá sa mg̃a tao na ang mg̃a ito, sangayon sa santóng dásalan ay pawàng mg̃a anák ng̃ Diyos, at pawàng mg̃a kapatid din nating lahat.
Bukod sa rito, maniwalà kayó sa akin: kung ng̃ayó’y isang mahirap kayó na pinapagdurusa ng̃ Diyos, at búkas ó makalawá’y makátuklas kayó ng̃ maraming pamimilak, kahì’t sa pamamagitan ng̃ anó mang marurumíng paraán, ay matatagpuán din ninyó ang matuwid upang huwág nang gumawâ, magpapasiál na lamang sa ibabaw ng̃ mg̃a magagaràng sasakyán, mamasláng sa mg̃a magbubukíd, at umaglahì sa puri ng̃ mg̃a dukhâng binibini…, at kayó’y tutulutan din ng: Diyos na magawâ ang̃ lahat ng̃ iyan, gaya ng̃ pagpapabayà sa ating mga, pang̃inoón.
Hosé.—¡Sa ng̃alan ni Kristo! Sapól nang makapagaral kang bumasa’t sumulat, at nang makapagparoó’t parito ka sa siyudad, ang pananalitâ mo’y nagkahugis panglaban na sa mg̃a abogado. At ang totoó’y nabanggit mo ang mg̃a bagaybagay na mahahalagá pará sa akin. Akàlain mong si Rosina ko’y isang babayi na ng̃ayon, pagka’t nakatagpô naman ng̃ isang binatà na sa kanya’y ninirog ng̃unì’t gaya rin ng̃ dati mong pagkatalos, kami’y mahihirap. Nang̃ang̃ailang̃an kaming bumili ng̃ mg̃a kasangkapang gamit ng̃ tao sa pagtulog, ng̃ kauntîng pananamít at sakâ ng̃ kauntîng pamimilak, upang ang aking manugang ay maipagbukás ng̃ isang maliít na págawàan ukol sa magsususî, pagka’t kung mangyayari’y malisan na sanang biglâ ang naturang pang̃inoón na sa kanya’y umiimbí, at nang sa hinaharap ay makatikim siya rito ng̃ kauntîng pakinabang pará sa kanyang mg̃a anák. Ng̃unì’t ni siya ni akó, ay walâng salapî, ni marami, ni kauntî. Akó’y mapauutang ng̃ aking pang̃inoón, at sakâ ko siyá pagbayaran ng̃ sa untîuntî. Datapuwâ’t ¿madalumat mo? Nang ako’y makipagusap na ukol dito, sa aking pang̃inoón, akó’y tinugón nitó, na iyan, anya’y, isang kawanggawâ na tinutungkol ng̃ kaniyang anák; at gayón ng̃â, ito’y naparoón sa amin, at gayón na lamang ang pagkabighanì niya kay Rosina nang ito’y makita; bago nagpalalô, na dî umanó’y mayroón ng̃â siyang mg̃a kasangkapang nalalaán pará sa kanino mang nang̃angailangan; kayâ, kung si Rosina raw sana’y maáarìng makapagsadyâ sa kaniyang bahay… ¡At sakâ po nalarawan sa kaniyang mg̃a matá ang mg̃a sinimpáng kauntî ko na tulóy ipagdilím ng̃ matá at ikapanganib ..! ¡Oh! kung si Rosina ko’y… ¡Bah! Bayàan na ng̃â natin ang mg̃a kabalbaláng iyan…
Akó’y matandâ na at natatalós ko na ang mundóng ito ay walâng puri. Dátapuwâ’t ito’y hindî magagamit na katuwiran upang tayo’y maging kuhilâ naman… Kayâ’t ang sabihin mo sa aki’y ¿tunay ng̃â ba, ó hindî na inaadhikâ ninyong kunin ang mg̃a kayamanan ó pagaari sa mg̃a nagtatamasa ng̃ayong ìilan?
Horhe.—¡Kay tapang! iyan ang ibig kong itanong ninyó. Kapag ibig ninyong makabatid ng̃ anó mang bagay ukol sa suliranin ng̃ mg̃a dukhâ ay huwág kayóng magtatanong sa mg̃a ginoó, at ililigaw kayó sa katotohanan, pagka’t walâng sisirà sa kanila ring sarisarili. Kung ibig ninyong matantô kung anó ang linalayon ng̃ mg̃a sosialista, ay itanong ninyó sa mg̃a kasama ko, ó sa akin; ng̃unì’t huwág magkakamalîng magtanong sa ating kura, ó kay ginoóng Antonio. Mahang̃a’y kung makakausap kayó ng̃ ating kura, ukol sa bagay na ito, ay itanong ninyó sa kaniya, kung bakit kahì’t kayó’y gumagawâ ay masamâ rin ang inyong kinakain, at siyang walâng ginagawâ sa araw-araw, maliban sa buklatbuklatin ang kaniyang dásalan, ay kumakain siya ng̃ masasarap na ulam at ng̃ mg̃a matatabâng inahing manok, sa piling ng̃ kaniyang mg̃a pamangkin. Itanong ninyó kung bakit siya’y lagìng kaututang dilà ng̃ mg̃a ginoó, at kung kayâ lamang makipagkita dito sa atin ay kung kailan lamang mayroong hinihing̃î. Itanong ninyó sa kaniya, kung bakit lagìng ibinibigay ang matuwid sa mg̃a ginoó at sa mg̃a may kapangyarihan, at bakit sa lugal na agawin nila ang tinapay sa inyong bibig—na anila’y alangalang sa kaluluwa ng̃ mg̃a patáy—ay hindî sila magpatulo ng̃ pawis upang makatulong sa mg̃a buháy at nang hindî nabubuhay sa pawis at pagod ng̃ ibá. Tungkol naman kay ginoóng Antonio, iyang binatàng mabulas, na nagaral at ng̃ayó’y nagaaksayá lamang ng̃ panahon sa mg̃a ínuman ng̃ kapé at sa pakikipagdaldalan sa Ayuntamiento, ay sabihin ninyó na mahanga’y tinatapos na niya ang pagbubulakbol, at nang mapagukulan naman ng̃ kauntîng panahon ang pagaaral ng̃ kung anó ang paggawâ at karukhaán, sa lugal ng̃ pagaabalá niya sa ating pamumuhay.
Hosé.—Sa bagay na iya’y mayroón kang matuwid; ng̃unì’t pagbalikan natin ang itinatanong ko sa iyo: ¿tunay bagá na inaadhikâ ninyong agawin ang mg̃a pagaarì sa íilang mayayaman?
Horhe.—Hindî pò; hindî namin adhikâ ang umagaw ng̃ anó man; dátapuwâ’t ibig naming kunin ang mg̃a pagaarì sa mg̃a ginoó, ang mg̃a kayamanan sa mg̃a nagtatamasa, upang iukol sa kapakinabang̃an ng̃ lahat. Pag nagkagayon, walâng kukunin ang bayan sa kanino man, kundî ang lahat ng̃ arì’y mapapasa lahat.
Hosé.—¿Bakit naman? Sa makatuwid bagá’y ating lahat ang mg̃a pagaarì ng̃ mg̃a ginoó?
Horhe.—Siya pòng totoó; mg̃a pagaarì natin at sa lahat. ¿Sino ang nagbigay sa kanila ng̃ mg̃a pagaarìng yaón? Anóng kanilang matuwid na arìin at ankinín pa hangga ng̃ayon ang naturang mg̃a pagaarì?
Hosé.—Sa pagka’t nangamana sa kanilarg mg̃a ninunò.
Horhe.—¿At sino ang nagbigay sa kanilang mg̃a ninunò ng̃ mg̃a pagaarìng iyan na kanilang tinatamasa? ¡At sa páano! Inangkín ng̃ ilang mg̃a malalakas at lalòng mapapalad ang lahat ng̃ bagay, sakâ pinagawâng pilit ang ibang tao pará sa kanilang ikabubusog; at hindî nagkasiyang mabúhay sa pagsasamahán, nanglupig at hanggang nahulog sa karukhaán ang malaking bahagi ng̃ kanilang mg̃a kapanahón, iniwan sa mg̃a anák at sa anák ng̃ kanilang mg̃a anák ang mg̃a pagaarì’t kayamanan na kanilang inankín, pinapagdusa ang katauhan ng̃ayon na maging alipin ng̃ kanilang mga inapó; na ang mg̃a ito’y pawàng nang̃anghinà naman sa katamaran at sa bala nang maibigang gawín, ng̃ walâng kabalibalino sa ibá, maliban sa kanilang sarili, at ng̃ayo’y ibig pa manding umastâ, sa pamamagitan ng̃ lakas, ng̃ gaya rin ng̃ ginawâ ng̃ kanilang mg̃a ninunò, na kapag nagkataó’y walâng salang ipanglulumó natin… ¿Ito kayâ’y wastô sa palagay ninyó?
Hosé.—Kung tayo’y inagawan sa pamagitan ng̃ lakas, ay hindî. Subalì, sinasabi ng̃ mg̃a ginoó, na ang mg̃a yaman nila’y pawàng bung̃a ng̃ kanilang pawis; kayâ’t sa palagay ko’y hindî nararapat namang kunin sa isa ang bung̃a ng̃ pinagpaguran nitó.
Horhe.—¡Na naman! Ang lahat ng̃ hindî gumagawâ’t ni kailan ma’y nakágawâ’t kung sumabi’y lagì na lamang sa ng̃alan ng̃ paggawâ.
Sabihin ng̃â ninyó sa akin, kung paanong pagsibol at kung sino ang lumaláng ng̃ lupà, ng̃ mg̃a metal, ng̃ úling na bató at ibá pang ganganitó. Maging Diyos ó maging kalikasán man ang lumikhâ ng̃ mg̃a ito, ang totoó’y kinamulatan na natin dito sa mundó ang lahat ng̃ iyan, kayâ’t nararapat din namang pakinabang̃an ng̃ lahat. ¿Anong inyong masasabi, sakalìng maging pagaarì nila ang hang̃in at ito’y mapasakanila na, walâng mátira sa atin, kundî kauntîng simoy na lamang, at kahì’t ng̃ lalò pang masasal, sakâ pabayaran sa atin ng̃ atin ding mg̃a pagod at pawis? Subalì, ang kaibhán lamang ng̃ lupà sa hang̃in, ay ang pagkakatuklas ng̃ paraán upang yao’y maankin ó masarili at mapagbahabahagi nila, samantala ang hang̃i’y hindî; ng̃unì’t pagnagkataóng sila’y nakatuklas ng̃ paraán, ay sapilitang gagawin din nila sa hang̃in kung anó ang kanilang mg̃a ginawâ sa lupâ.
Hosé.—Siyang totoó, sa ganang aki’y iyan ang ganap na matuwid, ang lupà at lahat ng̃ mg̃a bagaybagay na dî ginawâ nino man, ay nauukol pará sa lahat… Ng̃unì’t sa isang dako, hindî naman lahatlahat ay yarìngyarì na nilang nakuha.
Horhe.—Tunay; totoóng marami na ang nagawâ ng̃ tao, at dito’y maisususog pa natin na ang lupànglupà na’y hindî magkakahalagà ng̃ gaano kung hindî nagawâ ang pagtibag ng̃ mg̃a bundukin at ito’y napagpagalan. Kung gayon, sa daán nang katuwira’y dapat maukol sa mg̃a nagsipagpagal. Dátapuwâ’t ang sagutin ninyó sa aki’y kung anóng himalâ’t nasa kamay ng̃ayon ang mg̃a iyan ng̃ mg̃a nagkakamot lamang ng̃ tiyan, na, ni sa tanang búhay nila’y walâng masabi na nagawâng anó man?
Hosé.—Sinasabi ng̃ mg̃a ginoó na ang kanilang mg̃a ninunò raw ay namuhunan ng̃ pagal at pagiimpok.
Horhe.—Sa katuwirang iya’y tila marikit pang sabihin na natuto ang kanilang mg̃a ninunòng magpagawâ ng̃ walâng bayad, na gaya rin ng̃ inaasal nila ng̃ayon. Maliwanag na itinuturò ng̃ Kasaysayan na ang mg̃a kapalagayán sa mg̃a manggagawà’y talagang kaimbíimbí, walâng pagbabago, gaya rin ng̃ sa ng̃ayon, na ang taong dî kumakatás sa pawis ng̃ kaniyang kapuwà, ay hindî lamang dî nakapagtitipid sa pamumuhay niya, kundî, ni makuhang makapagtakip sa kaniyang gútom at pang̃ang̃ailang̃a’y, dî pa mangyari.
Unawàin ninyó ang mg̃a halimbawàng ating namamalas; lahat ng̃ ibinubung̃a ng̃ walâng tigil na pagpupunyagî ng̃ mg̃a manggagawà’y tignan, kundî nahuhulog sa mg̃a kamay ng̃ mg̃a pang̃inoón na walâng ginagawâ, liban sa maturang magtanód lamang.
Ipalagay nating nakabili ng̃ayon, sa kauntîng salapî ang isang tuso, ng̃ isang lupaíng malawak at masukal; nagpautos ng̃ mg̃a taong sukat makahawan at makapagaalagà sa naturang lupà, at salamat kung ang mg̃a taong ito’y mabigyan ng̃ katamtamang ipagpapawìng gútom, samantalang siya’y papasiálpasiál sa siyudad. Pagkaraán ng̃ ilang taón, ang naturang basal na lupà’y naging isang hálamanán at sa ganito’y umaani ng̃ nakasangdaáng higit sa pinuhunan. Ang mg̃a anák ng̃ may arì, na magmamana ng̃ yamang ito, ay mang̃ang̃alandakan, na yao’y kanilang tinatamasa, alang sa pawis na iginugol ng̃ kanilang amá, at ang mg̃a anák niyong tunay na gumawâ at nagtiís maghawan, nagtanim sa nasabing lupà, ay magpapatuloy pa ring walâng sala sa paggawâ at pagtitiís. Sa bagay na ito, ¿anó ang inyong masasabi?
Hosé.—Ah… kung tunay ang wikà mo, na nangyari sa mundó ang halimbawàng namamalas ng̃ayon, ay walâ akóng masasabi kundî: maliwanag na walâng yamang nararapat maukol sa mg̃a nagmamay-arî.
Horhe.—Daragdagan ko pa. Sa sandalîng ito’y ibig kong magpalagay naman ng̃ kahì’t anóng bagay na makakasangayon sa mg̃a ginoó. Ipalagay natin na ang mg̃a may-arì (propietario) ay pawàng anák ng̃ mg̃a taong masisipag at maimpukin, at ang mg̃a manggagawà’y pawàng anák naman ng̃ mg̃a tamad at walâng tuós maggugol. Marahil ay malabis na ang sinabi ko, ng̃unit hindî kailang̃an; at ang magkagayon man, ay ¿maipalalagay na kayâng wastô at maayos ang pagsasamahan ng̃ayon ng̃ mg̃a tao? Kung kayó’y gumagawâ at akó’y nagbubulakbol, nararapat akóng papagdusahin sa aking katamaran; ng̃unì’t ang dî nararapat, ang aking mg̃a anák na mangyayaring lumabas na masisipag na manggagawà, ay magpakamatay pa sa kapagalan at mamatay sa gutom, upang buhayin ó bigyang búhay lamang ang inyong mg̃a anák sa kasaganàan at pagliliwaliw.
Hosé.—Iya’y mg̃a bagay na dî ko makatuwiranan sa iyo; subalì’y na sa mg̃a ginoó rin ang madlâng yama’t pagaarì, kayâ’t sa malao’t madalî’y nararapat din nating pasalamatan sila, sapagka’t kung hindî sa kanila’y hindî tayo mabubuhay.
Horhe.—Oo pò; na sa kanila ng̃ang kamáy ang madlâng yama’t pagaarì, sapagka’t ang mg̃a ito’y pawà nilang natamó sa pamamagitan ng̃ panggagahis, at naragdagan sa pamamagitan naman ng̃ pagnanakaw nila sa bung̃a ng̃ pawis ng̃ mg̃a mahihirap. Ng̃unì’t sa ganito ring paraán maiiwan nilá ang lahat ng̃ iyan.
Hanga ng̃ayon, ang mg̃a tao sa sangdaigdigan, ay walâng tahán nã pakikidigmâ sa kanilang kapuwà tao, pinagsikapan ng̃ mg̃a ginoó na matuklasan kung páano ang pagagaw ng̃ tinapay sa bibig ng̃ may bibig, at sakâ ginawâ ng̃ bawà’t isa ang lahat ng̃ paraáng magagawâ upanding ang kanilang kapuwà’y maging alipin nila na parang hayop. Dátapuwâ’t panahon na ng̃ayon upang mawakasán ang lahat ng̃ iyan. Walâ tayong napapalâ sa digmâan kundî bagkus nasasadlak ang katauhan sa kaimbihán, pagkabusabos, pagkakasala, at pagkakaroon ng̃ mg̃a mahahalay na babayi at ibá pang mg̃a pagkasawîng pinamumuhunanan ng̃ dugô na tinatawag na mg̃a digmâa’t paghihimagsik. Subalì, kung sa lugal nang digmâa’y papagtibayin nata ang tinatawag na pagmamahalan at pagdaramayán ng̃ bawà’t tao sa kapuwà tao, ay walâng pagsala na dî daglîng mapaparan ang kasamán, mawawala na ang mg̃a tang̃ìtang̃ì’t pagbubukodbukod—samantalá ang isa’y nananaganà, ang ibá namaa’y nananalat—at ang mangyayari’y pakakahang̃arin ng̃ bawà’t isa ang ikapapagaling nã lahat.
Labis kong natatalos na kinagawián na ng̃â ng̃ mg̃a mayayaman ang magutós at mabuhay ng̃ walâng kagawâgawâ, at kapag ang sulirani’y nauukol sa ikapagbabagong búhay ng̃ tao ay totoóng maiilap ang kanilang mg̃a katawan. Matiyagan natin ang sinasabi nila. Kung ang kanilang ipakikilala, kahì’t sa mabuting paraán ó pagtakot, ay isang payo, na ang higantihan at pagtataasan ng̃ urì’y hindî nararapat magharì sa mg̃a tao at ang lahat ay nararapat gumawâ, ay napakainam; ng̃unì’t kung hindî ganito, kundî bagkus ang nasà’y ipagpatuloy pa ng̃â ang pananandat nila sa bung̃a ng̃ panggagahis at pagnanakaw ng̃ kanilang mg̃a ninunò, ay ¡lalòng napakainam at madalî pang lutasín! Sa lakas nila kinamkam ang lahat ng̃ yama’t pagaarì, ay sa lakas din natin makukuha sa kanila ang lahat ng̃ ito. Kapag ang mg̃a mahihirap ay nagkakaisa, sila ang napakalakas sa lahat.
Hosé.—Subalì, kung walâ nang mayayamang ginoó ¿sa páano tayo mabubuhay? Sino ang magbibigay sa atin ng̃ mg̃a gagawín?
Horhe.—¡Warìng balintunà! ¿Sa páano? Sa arawaraw, kíta nang dalawa ninyong mg̃a matá, na kayóng lahat ang nagaararo, kayó ang nagtatanim, gumaga pas, naghihimay at nagdadalá ng̃ bigas sa mg̃a magbibigas; kayó ang gumagawâ ng̃ alak, ng̃ lang̃is, ng̃ keso, at sakâ ng̃ayó’y ¿inyo pang naitatanong kung sa páano tayo mabubuhay kung walâng mg̃a mayayamang ginoó? Ang itanong pa ninyong mabuti’y kung sa páano sila mabubuhay, kung walâ tayong mg̃a tungak na manggagawà sa bukid at sa kabayanan, na sa kanila’y bumubuhay, bumibihis at… nagaalagà ng̃ mg̃a anák na dalaga upang mapagaliwán nila.
Kanikaniná lamang ay ibig ninyong magpasalamat sa kanila, pagka’t aniyo’y sila ang nagbibigay sa inyo ng̃ pagkabuhay. Dî baga ninyó alam na sila ang nagpapasasà sa bung̃a ng̃ inyong pagod at ang bawà’t tinapay na kanilang ng̃inang̃alot ay inaagaw lamang nila sa inyong mg̃a anák? ¿Na ang bawà’t paghahandog ó alay sa kanilang mg̃a sinisintang babayi’y katimbang ng̃ ating kasalatán, gútom, ginaw, at ng̃ pagkalugmok sa kahalayan ng̃ ating mg̃a babayi?
¿Anóng nagagawâ ng̃ mg̃a ginoó? Walâ. Sapagka’t lahat ng̃ kanilang tinatamasa ay pawàng nagbuhat lamang sa pawis ng̃ mg̃a manggagawà.
Subukin ninyong mawalâ búkas ang mg̃a magbubukíd, walâng makagawâ sa lupà, at kundî, sila unauna ang mamamatay; kapag nawalâ ang mg̃a sapatero, ay walâng gagawâ ng̃ mg̃a sapatos; kapag nawalâ ang mg̃a anluwagi, ay walâng gagawâ ng̃ mag̃a bahay, at kapag ganyan ng̃ ganyan ang mangyayari sa bawà’t balang̃ay ó hanay ng̃ hanap-buhay ng̃ mg̃a anák-pawis, ay mapipigil na walâng sala ang pagyarì ó paggawâ ng̃ bawà’t bagay, at sa ganito, ang lahat ng̃ tao’y maaántala at mananalat sa kanilang mg̃a kailang̃anín.
Ng̃unì’t ¿anóng inyong ipaghihirap, sakalìng mang̃alipol ang mg̃a ginoó? Para ring nang̃alipol ang mg̃a balang.
Hosé.—Oo, ng̃â’t totoóng maliwanag iyan; tayo ang gumagawâ ng̃ lahat; ng̃unì’t páano ang pagtatanim ko ng̃ halaman, kung walâ akóng lupà, ni hayop, ni mg̃a binhî? Sinasabi ko sa iyo na walâ tayong magagawâ. Sa kagipita’y pilit pasusupil din tayo sa kapangyarihan ng̃ mg̃a pang̃inoón.
Horhe.—Ng̃unì’t tayo pò kayâ’y nagkakawatasan, mang Hosé, ó hindî? Tila ang bagay na iya’y naiulat ko na kanina; talagang huhubarán natin ang mg̃a pang̃inoón ng̃ lahat ng̃ kailang̃an sa paggawâ’t pamumuhay, na gaya ng̃ lupà, mg̃a kasangkapan, mg̃a binhî’t ibá pang bagay.
Labis kong nababatid na samantalá ang lupà’t mg̃a kasangkapan sa paggawâ’y nasa sa kamay ng̃ mg̃a pang̃inoón, ang mg̃a manggagawà’y lagìng masusupil at dî makatitighaw sa pananalat, kundî bagkus lalòng mababaón sa pagkaalipin. Kayâ ng̃â’t italâ ninyong mabuti sa alaala, na ang kaunaunahan nating gagawing paraán, ay ang alisan ng̃ mg̃a yama’t pagaarì ang mg̃a ginoó, at kapag dî gayon, ay dî maaayos ang sangkatauhan.
Hosé.—May matuwid ka; iyan ng̃a’y naiulat mo na sa akin. Dátapuwâ’t ¿páano naman ang ibig mo? Ang mg̃a bagay na iya’y bagongbago sa akin, at dî ko mapaghulòhulò. Akó’y paliwanagan mo pa kung páano ang ibig ninyó sa pagaayos. Ang mg̃a yama’y ating sasamsamin sa mg̃a ginoó, ng̃ayó’y ¿pàanong ating gagawin diyan? ¿hindî ba natin pagbabahagibahaginin ang nauukol sa bawà’t isa?
Horhe.—Hindî pò; dapat pa ng̃a ninyong mabatid, na sakalìng may maringan kayóng magsalitâ na ang aming linalayo’y ang pakikibahagi, na ang ibig nami’y makihatì sa yaman ng̃ sa gayo’t ganitong paraán, ay asahan ninyó na ang taong yaón na inyong kinaringan, ay isang taong mangmang ó isang matakaw.
Hosé.—Kung gayo’y ¿páano ang ating gagawin? Walâ akóng nawawatasan diyan.
Horhe.—Walâ pò namang kahirapang watasin; ang adhikâ pò nami’y iukol pará sa lahat ang lahat ng̃ yaman at pagaarì.
Sa ganitong simulàin kami nagsimulâ: na ang lahat ay nararapat gumawâ at ang lahat ay nararapat guminhawa. Sa mundó’y hindî mabubuhay ang tao, kung walâng gagawâ ó kikilos; kayâ, sakalì’t ang isang tuso’y nagpapalaki lamang ng̃ tiyan, ay sapagka’t nabubuhay naman sa pawis ng̃ ibá, at sa ganitong pangyayari’y totoóng masamâ at makasasamâ pa. Dapat unawàin, na ang sinambit kong lahat ay nararapat gumawâ, ay nauukol lamang doón sa malalakas at makagagawâ.
Ang mg̃a lumpó, mg̃a mahihinà, mg̃a matatanda, ay nararapat pakanin ó bigyang búhay ng̃ katauhan, pagka’t isang kawanggawâ ó gawâng pagpapakatao ang mahabag at huwág batahín sa hirap ang isang tao ng̃ kapuwà tao; at sakâ ang lahat ay magsisitandâ, magsisihinà ó maáarìng maging salantâ rin balang araw, na kung páano ang mangyayari sa atin ay gayón din ang sa ating mg̃a anák.
Kayâ, kung inyong mapaglilimìlimì, ay maliwanag ninyong mababatid na ang lahat ng̃ kayamanan, ó ang lahat ng̃ bagay na kagamitan ng̃ tao, ay nahahatì sa dalawang bahagi. Ang isang bahagi’y iyang nauukol sa mg̃a lupà, mg̃a mákina at ibá pang mg̃a kagamitan sa paggawâ, gaya ng̃ bakal, ng̃ kahoy, ng̃ mg̃a bató, ng̃ mg̃a sasakyán atb.; ang lahat ngâng ito’y totoóng kailang̃an sa paggawâ at dapat maukol pará sa kalahatan, upang magamit na gaya ng̃ mg̃a kasangkapan ó bagay sa paggawâ. Tungkol sa kung páano ang mainam na paraán sa paggawâ, ay sakâ natin malalaman. Ng̃unì’t ang magaling ay gumawâ sa pamamagitan ng̃ tulongtulong, pagka’t sa ganito’y kakauntî ang pagal at marami pa ang magagawâ; halos ay totohanan nang maituturing na ang ganitong paraán sa paggawâ’y maiibigan sa boong mundó, palibhasà’y ang pagiisa ng̃ isang tao sa paggawâ ó ang pagkakatiwalagan ng̃ mg̃a manggagawà’y nakapaguudyok tulóy na katakutan nila ang tulong na maibibigay ng̃ isang mákina, na nakababawas ng̃ pagod sa kaparaanáng magaán at kawiliwili; at sakâ, palibhasà, kapag walâ nang pagbabaka si pamumuhay ang mg̃a tao, sa makatuwid bagá, gaya ng̃ mg̃a aso’t pusà, ang mg̃a tao’y lubhâ ng̃âng magagalak sa sinapupunan ng̃ pagkakaisa at sa pagpapalaganap ng̃ mg̃a paggawâng tulongtulong. Walâng taong dî naghahang̃ad ng̃ kagaanan sa paggawâ, kahì’t na ibigin niya ang gawâng pamumukuran, kahì’t saáng lugal at sa páano mang paraán. Ang pinakabuod nitó’y walâ nang mabubuhay sa katamaran upang umalipin sa ibá, pagka’t ito’y hindî na mangyayari, sa dahilang kapag natatantô rin lamang ng̃ bawà’t isa ang kanilang matuwid sa paggawâ, sino ma’y dî na mahahalinang pabusabos pa.
Ang ikalawang bahagi’y nauukol sa mg̃a bagay na tiyak at kagamitan ng̃ tao, gaya ng̃ pagkain, pananamít at pamamahay. Ang lahat ng̃ mg̃a bagay na ito’y nararapat sanang mápatung̃o agadagad sa kalahatan at mapaghatìhatì ng̃ sa katamtaman, hangang sa bagong pagaani at hangang sa ang mg̃a pagawàa’y makagawâ ng̃ mg̃a bagong yarì. Ang lahat ng̃ mg̃a bagay na ito na mangyayari, pagkatapos ng himagsikan, ka pag walâ nang nátirang mg̃a tamad na pang̃inoón, na nabubuhay sa pagod ng̃ mg̃a manggagawàng dayukdok sa gútom, ay baba haginin, susog sa kaibigán ng̃ mg̃a manggagawà sa bawat bayan. Kung hang̃ad ng̃ mg̃a ito na gumawâ sa pamamagitan ng̃ tulongtulong at ang mg̃a magagawâ’y maukol din pará sa lahat, ay lalòng mabuti: sa makatuwid, ay pagsisikapang mataya ang lahat ng̃ magagawâ, upanding masagutan ang kailang̃anín ng̃ lahat, gayón din ng̃ sa mg̃a paggamit ó pang̃ang̃ailangan, upanding makabuhay ng̃ ganap sa lahat ang madlâng mayayari.
Kung dilì kayâ’y isaalangalang naman ang mg̃a sukat magawâ ng̃ bawà’t isa, upanding mabilang ang kabuuán ng̃ bagay at halagá ng̃ nagawâ nila. Ito’y isang pagtayang napakaselan; kayâ’t maituturing tulóy na hindî sukat mangyari; dátapuwâ’t ang ibig sabihin nitó, kapag nakita na ang kapinsalàan sa pagbaba hagi sa mg̃a kaniyahan, ay pakakaibigin nang maluwag sa loob ang adhikâng pará sa lahat.
Alin mang paraán ang ibigin, ay totoóng ayos na ang mg̃a unang bagay na kailang̃anín ng̃ tao, gaya ng̃ tinapay, ng̃ mg̃a bahay, tubig, atb., ay mápasakamay ng̃ lahat, upang maging malayà sa bilang ng̃ magagawâ ang lahat ng̃ tao. Sa anó’t páano man ang magaling̃íng pagaayos, ang mg̃a pagmamanahá’y hindî na maparíiral, sapagka’t hindî wastô na sa pagsilang ng̃ isang tao’y mamulat sa kasaganàan, at ang iba nama’y sa gútom at sákit; na ang isa’y ipang̃anak sa kayamanan, at ang ibá nama’y sa karalitaán, at ang kasakdela’y pairalin ang pakanâ na ang bawà’t isa’y makapangyariha’t may-arì ng̃ lahat ng̃ kaniyang pinagpagalan, na, sa makatuwid, ay mangyayaring makapagtipid sa kaniyang sarili, subalì, pagkamatay niya, ang lahat niyang tinipid ay nararapat ding maukol pará sa lahat.
Ang lahat ng̃ batà’y nararapat papagaralin at paturùan, sa pamamagitan ng̃ gugol ng̃ lahat, upanding mahikap ang ikalalagô ng̃ katalinuhan at kakayahán ng̃ mg̃a ito. Kapag nawalâ ang bagay na ito’y walâ ring katarung̃an at pagpapantay pantay; walâng salang dî malalabag ang simulàin ng̃ katuwiran ng̃ bawà’t isa sa mg̃a kasangkapan ng̃ paggawâ; pagka’t ang pagkatuto, ang lakas ng̃ katawa’t paguugali, ay pawàng kasangkapan ng̃â ng̃ paggawâ, at ang ibigay lamang sa lahat ang lupà at mg̃a mákina, ay bagay na dî sapat, kundî rin lamang mapagsisikapan na ang lahat ay mápaanyô sa isang kalagayang sukat nang makapang̃asiwa sa naturang mg̃a lupà, mákina atb.
Tungkol sa mg̃a babayi’y hindî ko ibig magsalitâ, sapagka’t sa ganang amin, ang babayi’y nararapat ding mápapantay sa mg̃a lalaki; at kapag ang nananalaytay sa aming mg̃a dilà’y ang salitâng tao, ang pakahulugan nami’y isang katawang tao, at dî na tinitingnan kung ano pa ang kaniyang pagkatao.
Hosé.—Gayon ma’y mayroón ding isang bagay. Kunin sa mg̃a ginoó ang mg̃a pagaarì na kanilang ninakaw at ginagá sa kawawàng mg̃a tao, ay magaling; dátapuwâ’t kung ang isang ginoó, sa pamamagitan ng̃ kaniyang sikap at pagiimpok, ay nangyaring nakapagtipon ng̃ salapî, bago nakabilí ng̃ isang lupaín ó kayâ nakapagbukas ng̃ isang tindahan, ¿sa páanong pagmamatuwid ninyó makukuha ang mg̃a bagay na iyan, mg̃a bagay na bung̃ang tunay ng̃ kaniyang pawis?
Horhe.—Ang bagay na ito’y totoóng napakaselan, sapagka’t kung sa sariling batak ng̃ butó, sa bung̃ang sarili ng̃ pawis, samantalang ganyan na ang pagsakal sa atin ng̃ mg̃a mamumuhunan at ng̃ pámahalaán, ay dî makapagtitipid ó, maka pagiimpok ang sino man; katunaya’y marahil ang sarili na rin ninyong kalagayan: na kung ilan pûng taón na kayóng walâng humpay sa paghahanap-buhay ay ganyan at ganyan din ang inyong anyô, dukhâ at dukhâ rin, ka paris din ng̃ dati. At sakâ, nasabi ko na ng̃â sa inyo na ang lahat ng̃ tao’y may karapatan sa mg̃a pinakapang̃ulong bagay sa pamumuhay, gayon din sa mg̃a kasangkapang kailang̃an natin sa paggawâ; kayâ’t kung ang isang tao’y may isang lupaín, samantalang ito nama’y pinang̃ang̃asiwàan at ginagawán ng̃ sarili niyang mg̃a bisig ay lubos siyang makapagtitipid, at makapaggagawad sa kaniya ng̃ mg̃a kailang̃anín gaya ng̃ mg̃a guano at ibá pang mangyayaring pakinabang̃an sa lupà. Totoó ng̃âng kailang̃an na ang lahat ng̃ magagawa ó bung̃ang pawis ng̃ mg̃a tao’y mauķol pará sa lahat; dátapuwâ’t upang maganap ang bagay na ito’y walâ nang kailang̃ang pilitin pa ang sino man, sapagka’t ang tunay na ring adhika sa lahat; dàtapuwâ’t upang maganap ang bagay na ito’y walâ nang kailang̃ang pilitin pa ang sino man, sapagka’t ang tunay na ring adhika sa ikatutubos* ang siyang makapaguudyok sa mg̃a tao ng̃ gáwàing panglahat. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a pagaarì’t paggawâng panglahat ay lubhâng mapapaayos tayo kay sa gumawâ ng̃ magisa, lalò na’t kung isasaalangalang natin ang naibibigay na tulong ng̃ mg̃a bagong tuklas na mákina, ay lumalabas na ang mg̃a paggawâng pagiisa ó pamumukuran ay lubhâng napakahirap at walâng saysay.
Hosé.—¡Ah! ¡Ang mg̃a mákina! ¡Kung mangyayari’y dapat pa ng̃ang pagsunugín! Ang mg̃a mákina ay siyang sumasalot sa mg̃a bisig at siyang umaagaw sa mg̃a gagawin ng̃ mg̃a dukhâ. Dito lamang sa kabukiran ay mangyayari nang makaasa. bawà’t pagdatal ng̃ isang mákina, ay isang pagbabawas na sa aming mg̃a kíta, isang malaking pagbabawas na rin sa bilang naming mg̃a magsasaká, at ang masawî ritong mang̃abawas, ay walâng salang dî patutung̃o na lamang sa pagkamatay ng̃ gútom sa ibang lupalop. Sa siyudad ay lalò pang masahol, marahil. Subalì, kung walâ iyang mg̃a mákina, walâng salang dî mang̃ang̃ailangan ng̃ maraming bisig ang mg̃a ginoó, at sa ganito’y may malaking kagaanán ang ating pamumuhay.
Horhe.—May matuwid kayó, mang Hosé, sa inyong pananalig na ang mg̃a mákina’y isa sa mg̃a sanhî ng̃ kaimbihán at pagkamahal ng̃ mg̃a gagawin; dátapuwâ’t ito’y nangyayari, sa dahilang ang mg̃a mákina’y nasa sa kamay pa ng̃ mg̃a ginoó. Kung ang mg̃a mákina’y mápasa kamay na ng̃ mg̃a manggagawà, ay ibá naman ang mangyayari: ang mg̃a mákina ay siyang pinakamalaking bagay na makapagpapaginhawa sa katauhan. Para na ninyong nakita, ang mg̃a mákina’y pipihit ó makayayarì ng̃ napakabilís pará sa ating lahat. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a mákina, ang tao’y hindî na mang̃ang̃ailangang gumawâ pa ng̃ maraming oras upang matugunan ang kaniyang mg̃a kailang̃anín, at dî na siya masisikil sa mg̃a gawâng mabibigat na lubhâng nakauubos ng̃ katutubòng lakas ng̃ tao. Kung ang mg̃a mákina’y magamit sa lahat ng̃ págawàan at pawàng mang̃ sa kamay ng̃ lahat, ay maaluwán nating magagampanan sa kauntîng oras lamang ng̃ paggawâ, mabilís, malinis at kaayaaya ang lahat ng̃ kailang̃anín ng̃ tao, at ang lahat ng̃ tao ó ang bawà’t manggagawà’y magkakapanahong magaral, magpaunlad ng̃ pakikikapuwà, sa isang salita’y mabubuhay at lalasap ng̃ lahat ng̃ bagay na natutuklasan ng̃ dunong at ng̃ kabihasnan. Kayâ, ng̃â, unawàin ninyong mabuti, na hindî nararapat at dî kailang̃ang iwasak ang mg̃a mákina, kundî ang marikit ay arìin natin ang mg̃a ito. At sakâ, huwág ninyong makaligtaán: ipagtatanggol ng̃ mg̃a ginoó ang kanilang mg̃a mákina, ó sa lalòng maliwanag na salitâ, talagang ang mg̃a ginoó’y magtatanggol sa kanilang mg̃a mákina laban sa sino mang may hang̃ad na lumansag, gaya ng̃ magagawâ nila sa bawà’t magnasàng kumuha ng̃ mg̃a yaón; sa makatuwid ay gayón din ang mangyayari. Kayâ’t maituturing na isang kabang̃awan ang paglansag sa lugal na kunin ang mg̃a mákina. ¿Mapagpapahamakan ba ninyó kayâng patayin ang mg̃a pananím at iwasak ang mg̃a bahay, na kung sa lugal nitó’y makaiisip tayo ng̃ lalòng magaling na paraang ipagiging sa lahat? Marahil ay hindî. Kayâ, gayón din naman ang nararapat asalin sa mg̃a mákina, sapagka’t kung ang mg̃a mákina, sa kamay ng̃ mg̃a pang̃inoón, ay kaimbihán at pangbubusabos, sa ating mg̃a kamay naman ay ibá, kayamanan at ganap na paglayà ng̃ lahat.
Hosé.—Ng̃unì’t upang magampanán ang adhikâng ito, ay kailang̃ang gumawâ tayong lahat ng̃ buông kusà, ¿hindî ba?
Horhe.—Oo, pò.
Hosé.—¿At kung mayroong ibig mabuhay ng̃ walâng kagawâgawâ? Ang gáwàing nakapapagod ay napakahirap, at ang gáwàing ito’y talagang tinatanggihan patí ng̃ mg̃a aso.
Horhe.—Pinagkakamalan ninyó ang pagsasamahan ng̃ayon ng̃ mg̃a tao sa pagkatapos ng̃ ganap na himagsikan. Aniyo’y ang gáwàing nakapapagod, ay tinatanggihan patí ng̃ mg̃a aso. ¿Ng̃unì’t makatatagal ba kayó sa isang araw na walâng gawâng kaanoanó man?
Hosé.—Akó’y hindî, sapagka’t pinagkaugalìan ko na ang magpatigis ng̃ pawis, at kapag walâ akóng magawâng anó man, ang asa mo ba’y nararamíhan na akó ng̃ kamay; dátapuwâ, marami rin naman ang nakatatagal sa buông maghapon sa mg̃a barikan, at nagsusugal ô nagpapainít lamang ng̃ araw sa mg̃a lansang̃an…
Horhe.—Sa ng̃ayó’y tunay; ng̃unì’t pagkatapos ng̃ himagsikan ó pagbabagong ayos ng̃ katauhan ay dî na mangyayari, at ito’y maipaliliwanag ko sa inyo kung bakit. Ang paggawâ ng̃ayó’y totoóng napakahirap, hindî wastô ang pagbabayad sa manggagawà at sila’y alimura pa. Ang mg̃a nagpapatulò ng̃ayon ng̃ pawis ay dapat mamatay sa kapagalan, mamatay sa gútom, pagka’t ang kapalagayán nila’y parang hayop. Ang isang manggagawà’y walâng kapagapagasa, liban sa kaniyang natatalos na kahahantung̃ang ampunang-bahay, kung dilì kayâ’y sa bilangûan. Hindî makating̃íng mabuti sa kaniyang mg̃a anák, walâng malasap na kaligayahan sa búhay, kundî ang dumanas ng̃ lalò’t lalòng kadustaán. Ng̃unì’t ang hindî gumagawâ, ang dî natitigisan ng̃ isang patak mang pawis sa paggawâ, ay siyang lumalasap ng̃ lahat na kaginhawahan, at siya pang tiniting̃alâ ’t iginagalang; lahat ng̃ kapurihán, lahat ng̃ kaaliwán ay pará sa kaniya. Sa kapuwà mg̃a manggagawà na ri’y nangyayari: na kung sino ang hindî gumagawâ ng̃ gaanóng kabigat, ay siyang sumasahod ng̃ malakílakí at siya pang kinagigiliwan. Kung gayo’y ¿anóng ipagtataka ninyo na manghinawà at tamarín ang tao sa paggawâ.
Dátapuwâ, kapag ang paggawâ’y naisalig sa kaparaanang maayos at kaayaaya, sa lalòng madalîng panahon, sa tulong na maidudulot ng̃ mg̃a mákina; kapag nalirip ng̃ mg̃a manggagawà na sila’y gumagawâ sa kapakinabang̃án ng̃ lahat, sa kaniyang ának at sa ibá pang mg̃a tao; kapag ang paggawâ’y nagkaroon na ng̃ katuturán na siyang ipagkakapuri sa madlâ, at ang dî paggawâ ó pagpapalaki ng̃ tiyan ng̃ isang tao’y pangdidirihan ng̃ kapuwà tao, gaya ng̃ pang̃ing̃ilag sa mg̃a tiktik at máng̃ang̃anlong, ay sakâ ninyó isumbat sa akin kung sino pa ang mang̃ang̃ahas na lumayô sa ikalulugod at ipagiging dapat ng̃ sarili sa madlâ, upang ma buhay sa dî pagkilos, na totoóng nakasisirà ng̃ katawan, maging sa paguugali?
Ng̃ayon man, matang̃ì sa ilan, lahat ng̃ tao’y nang̃ing̃ilag sa hanap-buhay na paniniktik. Ng̃unì’t kapag pinasukan ang hamak na hanap-buhay na ito, ay pinagkakakitaan ng̃ marami kay sa magbungkal ng̃ lupà, at sa kauntî ó walâ mang gáwàing marami, ay páano’t páano ma’y tinatangkilik ng̃ pamahalaán. Subalì’t mg̃a tungkuling nakahihiyâ, walâng puri, mg̃a tandâ ng̃ pagyurak sa kalinisan ng̃ ugali, at sapagka’t walâng ibinubung̃a kundî pahirap at kasamán, kayâ iniibig pang makapupô halos ng̃ buông mundó ang karukhaán bago ang kawalán ng̃ puri. Tunay ng̃â’t mayroong mg̃a ng̃uni, mg̃a taong marurupok ang pusò, at parang walâng kaluluwa, na minamabuti pa ang pamumuhay walâng-puri; dátapuwâ’t ang sulirani’y na sa pagpilì sa kawaláng-puri at sa karukhaán. ¿Ng̃unì’t sino kayâ ang sawîng palad na magkakamalîng magaling̃ín pa ang pamumuhay walâng-puri, gayóng kung magpapatulò ng̃ pawis ó gagawâ’y makakaáang kagalingan ng̃ lahat at siya’y kalulugdan pa ng̃ madlâ? Kapag yao’y nangyari ay maipalalagay nang isang kaululán, pagka’t nalalabag sa katinuán ng̃ bawà’t tao.
Huwag kayóng magalinlang̃an, huwág; ang pagkapoót ng̃ madlâ laban sa mg̃a tamad ay tunay na dî mawawalâ’t siyang íiral, pagka’t ang paggawâ’y siyang pinakapang̃ulong kailang̃an ng̃ mg̃a tao ó ng̃ pagsasamahán ng̃ mg̃a ito, sapagka’t ang taong tamad ay dî lamang makasisirà sa lahat ng̃ bumubuhay sa kaniya, na dî man niya natutuwang̃an ng̃ anó man, kundî makagigibâ pa sa kawiliwiling bagong pagsasamahan ng̃ mg̃a tao, siya ang magiging kaluluwa ng̃ isang pangkatin ng̃ mg̃a budhîng magpapalamig sa pagdaramayan ng̃ lahat, upang mapabalik tayong mulî sa pinagdaánan. Ang mg̃a pagpipisan pisan ó kapisana’y gaya rin ng̃ mg̃a tao: umiibig at gumagalang sa lahat ng̃ inaakalàng mapapakinabang̃an, at humahamak at namumuhî sa lahat ng̃ inaakalà namang makasasamâ. Maáaring mangadayà at kaipalà’y madadayà ng̃á silang malimit; dátapuwâ’t sa bagay nating na paguusapa’y dî na mangyayaring mapamalî, sapagka’t totoóng napakaliwanag, na ang taong dî gumagawâ’y kumakain at umiinom sa dugô ng̃ ibá, at dahil dito’y nakasasamâ sa lahat.
Kayo’y magtipontipon sa isang kapisanan upang masubok ang gáwàing panglahat, na ang magiging bung̃a nitó’y babahaginin sa lahat ng̃ pataspatas; sa mg̃a mahihinà’t walâng kayâ’y magdadaláng habag kayó, ng̃unì’t sa isang may kayâ na ayaw gumawâ’t nagpapaanod lamang, ay walâng sala namang dî kayó maiinis; at sa gayo’y marahil maiiwan ninyó ang paggawâ ó mapipilitan kayóng gumawâ ng̃ masukal sa inyong dibdib. Ganito rin ang mangyayari sa malaking pagsasamahán ng̃ mg̃a tao, sapagka’t pakailan ma’y talagang nakasaasamâ ang matapang na katamaran ng̃ kahìt sino.
At sakâ, sa málao’t mádalî, kapag hindî napanibulos, dahil sa mg̃a taong yaón, na ayaw gumawâ, baga ma’t ito’y inaakalà kong dî mangyayari, ay lalòng mapapakadalî ang lunas: itiwalag sa pagsasamahán ang naturang mg̃a tao, at sa ganiya’y mahikap tulóy na mahulog sa kamay ng̃ lahat ang unang mg̃a bagay at kasangkapan sa paggawâ, at sa ganito’y mapipilitan silang gumawâ, kapag ibig din lamang na mabúhay.
Hosé.—Akó’y nakukuha mo na…, ng̃unì’t ¿ang lahat ba’y magbubungkal ng̃ lupà?
Horhe.—¿At bakit? Ang tao’y hindî lamang nang̃ang̃ailang̃an ng̃ tinapay, ng̃ alak at ng̃ karné, kundî nang̃ang̃ailang̃an din naman ng̃ bahay, mg̃a damit, mg̃a daáng maaayos, mg̃a aklat, sa kabuuán, lahat ng̃ bagay na nagagawâ ng̃ mg̃a manggagawà. Sakâ, ang sino ma’y dî makagagawâ ng̃ lahat niyang kailanganín. ¿Hindî ba’t upang mapagsakahan ang mg̃a lupà, ay kinakailang̃an ang mg̃a tulong na naibibigay ng̃ magbabakal, nq anluwagi, na yumayarì ng̃ mg̃a kailang̃ang kasangkapan, ang sa minero na tumitibag ng̃ mg̃a mina, ang sa albañil (anluwagi rin) na gumagawâ ng̃ mg̃a malalaking bahay na bató at mg̃a bahay-tindahan, at gayón din ng̃ sa ibá’t ibá pa? Ang sulirani’y walâ sa pagbubungkal ng̃ lupà, kundî na sa paggawâ ng̃ lahat ng̃ bagay na kinakailangan at gamitin. Ang karamihan ng̃ uri ng̃ mg̃a gáwàin, ay siyang makapaguudyok sa bawà’t isa na pumilì ng̃ namamaigi at naaakmâ sa kaniyang mg̃a hilig, at sa paraáng ito, marahil, ay mangyayari na, ang paggawâ’y hindî na iindahin ng̃ tao, kundî parang isang gamot at pagbabatak na lamang ng̃ kaniyang mg̃a ugat, sa makatuwid, parang isang aliwang kaakitakit.
Hosé.—Kung gayo’y malayà ang bawà’t isang makapipilì ng̃ hanap-buhay ó gáwàing maiibigan.
Horhe.—Siyang totoó; gayón ma’y dapat ding pakapagaralang huwag mápabunton ang mg̃a bisig sa isang bagay lamang na gáwàin at nang dî magkulang sa ibá pa. Sapagka’t gumagawâ, alangalang sa kapakinabang̃án ng̃ lahat, ay dapat pakasikapin, sa pagnanasà ng̃ bawà’t isa, kung páano makatutugon sa mg̃a bagay na kailang̃anín at nang maghari hanga’t mangyayari ang nauukol sa ikabubuti ng̃ madlâ.
Kapag walâ nang pang̃inoong umaalipin sa atin ng̃ dahil sa karirít na tinapay, at walâ na tayong bakìbakì kung anó at sinong makikinabang sa bung̃a ng̃ ating mg̃a gáwáin, ay sakâ ninyó makikita kung páano ang ganap na kaayusan.
Hosé.—Lahat, ang wikà mo’y maaayos; sa akalà ko’y tumbalik naman; walâng makakaibig sa mg̃a gáwàing mabibigat, kundî bagkus ang mangaiibigan pa ng̃â nila’y ang pagaabogado at pagdodoktor.
Kung gayo’y sino pa ang magbubungkal ng̃ lupà? ¿Sinong mang̃ang̃ahas na isapang̃anib ang buhay sa kailaliman ng̃ mina? ¿Sino pa ang magkakamalîng lumusong sa nagdidiliman at nagbuburakang mg̃a balón?
Horhe.—Ilagay natin muna sa isang tabí ang salitaang ukol sa mg̃a abogado, pagka’t ang mg̃a ito’y isa rin sa mg̃a nakabubulok na gaya ng̃ mg̃a kura, na lubusang papalisin ng̃ himagsikang panglahat. Pagusapan natin ang mg̃a gáwàing kailang̃an, at huwág iyang nakapipinsalà sa kapuwà, sapagka’t kung hindî, ay mapapalagay na parang manggagawà rin patí ng̃ salaríng nanatay ng̃ tao na malimit malugmok sa malalagim na kamatayan.
Nahihirang natin ng̃ayon ang isang hanap-buhay higit sa iba, hindî dahil sa ito’y akmangakmâ sa ating mg̃a hilig, kundî dahil sa magaáng pagaralan natin yaón, at sa gayó’y kikita, kayâ, maáasahang kumita tayo ng̃ maraming pilak; dahil sa gayo’y madalîng kumita ng̃ gáwáin ó mágagawan, at ang ikalawang matuwid, ay dahil sa ang ibang mg̃a gáwài’y mangyayaring may kabigatán. At, sa wakas, tungkol sa bagay na pinaguusapan, ang pagpilì’y nasa sa atin, mulâ pa nang tayo’y sumaliwanag.
Sa halimbawà, ang hanap-buhay na pagbubukid, ay isang bagay na dî patulan ng̃ayon ng̃ sino mang taga siyudad, at ng̃ lalò mang dukhâ roón. At, kung sa bagay, sa pagsasaka’y walâng masasabing sukat ikasuklam; ni madahóp ang pamumuhay sa kabukiran sa mg̃a kawiliwiling bagay, ay hindî. Bagkus pa ng̃â, kung mababasa ninyó, ang mg̃a makatà, ay tantông galak na galak sa pamumuhay-bukid. Ang mg̃a pangyayari’y nagpapatunay na ang makatàng nunulat ng̃ mg̃a aklat, ay dî pa nakakahukay nã lupà, at yaóng tunay na nang̃agbubungkal na halos mamatay sa pagod, ay nadadayukdok ng̃ gútom, sahól na sahól ang búhay higit sa mg̃a hayop, at sila pa ang mg̃a taong, sa palagayan, ay pawàng alang̃án sa kapuwà nila tao, sa ganito’y patí ng̃ káhulìhulihang hampas-lupà sa siyudad ay ikinahihiyâng maturan na siya’y taga bukid. Kung gayo’y ¿páanong mananasà ninyong pumatung̃o sa bukid ang mg̃a tao ng̃ buông pagkukusà? Tayo mang ito, na tumubò na rito, ay nagpapabayà rin, sapagka’t kung sa ibang gáwàin, ay maaluwán tayo at kapita pitagan pa ng̃ kauntî; ¿dátapuwâ’t sino sa atin ang lálayô sa kabukiran, kung ang mg̃a paggawâ natin dito’y mauukol din sa sarili, at sa gayo’y ganap na matatamó sa pamumuhay-bukid ang kaginhawahan, kalayàan, at pamimitagan?
Ganyan ang nangyayari sa lahat ng̃ hanap-buhay, sapagka’t sa kasalukuya’y ganyan ang ayos ng̃ mundó, na kailan ma’t ang isang gáwài’y lalòng kailang̃an at lalòng mabigat, ay siya pang sahól sa tumbas ng̃ kapagalan, dî pinaháhalagahán at napapalagay pa na parang hayop. Sa halimbawà, pumatung̃o kayó sa isang pagawàan ng̃ mg̃a hiyas, at makikita ninyo na ito’y lubhâng malinis, kung ipaparis sa napakaraming gáwàan namin; may pangpahang̃in sa tagaraw, may pangpainit sa taginaw, hindî lubhâng napakahabà ang mg̃a oras na iginagawâ sa arawaraw, at ang mg̃a manggagawà rito’y mabubuti ang kalagayan, kahì’t mura ang mg̃a sahod (pagka’t binabawas sa kanila ng̃ pang̃inoon ang malaking bahagi ng̃ pakinabang), kay sa ibang mg̃a manggagawà; sa gabígabí ó sa mg̃a araw ng̃ mg̃a pistá, pagkatapos na mang̃aalis ang mg̃a damit pangpagawàan, malayàng nakaparoroón saan man nilá maibigan, at walâng pang̃ambáng kutyâkutyaín ng̃ sino mang tao, dahil sa kanilang pagkamanggagawà. Dátapuwâ, pumatungo naman kayó sa isang mínahan, at makikita ninyó ang mg̃a maralitâng gumagawâ sa ilalim ng̃ lupà, sa ilalim ng̃ mg̃a burak na nakaíinís ang mg̃a amóy, nakapagpapaiksî ng̃ búhay, sa pamamagitan ng̃ mg̃a sahod nilang kahalakhalak, at kung matapos ang kanilang paggawâ, sakalìng maisipan ng̃ isang minerong tumung̃o sa pook na pinagkakalipunan ng̃ mg̃a ginoó, ay maituturing ninyong napakamapalad, kapag siya’y umalis sa pook na naturan ng̃ dahil lamang sa mg̃a paguyám. ¿Ano ng̃â ang ating ipagtataka kung mapilì ng̃ isa ang hanap-buhay na hoyero kay sa minero?
¡Ni ukol sa mg̃a taong walâng kinakasangkapan kundî panitik ay dî ko ibig magsalitâ! Isa riyang, marahil, walâng nagagawâ kundì mg̃a katàkatà at mg̃a tulâng lalabindalawahing taludtod ay kumikita ng̃ makasampû, higit sa isang magbubukíd, at iya’y kinagigiliwan pang makalilibo, higit sa alin mang manggagawàng kapuripuri.
Ang mg̃a mamamahayag, sa halimbawà, ay nang̃agsusulat sa mg̃a kabahayáng magagarà, ang mg̃a sapatero’y sa mg̃a sulok na nangagdidiliman; ang mg̃a inhenyero, médiko, artista, gurò, kapag may mg̃a gáwàin at lubhâng kaya ang kanilang mg̃a tungkulin, ay parang mg̃a ginoó; ang mg̃a anluwagi, artesano, at maidaragdag pa natin, pará masabi ang buông katotohanan, patí ng̃ mg̃a médikong walâng ganap na kapahintulutan, at mg̃a gurong nagtuturò sa mg̃a mabababà, sa mg̃a batà, ay pawàng nagdadahop kahì’t mamatay sa pagsusumikap. Hindî ko ibig ibadiya rito na ang guro kanilang maganluwagi, angabi ang buang tang̃ing may kasaysayan, ay ang mg̃a marálitâng manggagawà, sapagka’t ang pagaaral ay bagkus naggagawad sa tao ng̃ mg̃a kaparaanáng ikapagwawagi sa katalagahán, sa ikabibihasa at ipagkakabuhay kailan man ng̃ malayà at ganap na katiwasayán. Ang mg̃a médiko, inhenyero, kímiko, at mg̃a gurò, ay pawàng kailang̃an at pakikinabang̃an sa pagsasamahán ng̃ mg̃a tao, na gaya rin ng̃ mg̃a magbubukíd at ibá pang manggagawà. Tang̃ìng ibig kong sabihin, na ang lahat ng̃ hanap-buhay, ay pawàng nang̃ararapat magtamó ng̃ pataspatas na kahalagahán, na, sa makatuwid, ang mg̃a manggagawà’y dapat ding magtamó ng̃ pantay sa kinikita ng̃ mg̃a ginoóng yaón, at hindî gaya ng̃ nangyayari na ang gáwàin sa pamamagitan ng̃ isip ay ikinatutuwâ at parang naipagmamataás ng̃ tao sa isang manggagawàng-bisig, at ito’y ikinahuhulog tulóy sa kamangmang̃an. Lahat sana’y sa lahat, at dî gaya ng̃ nangyayari sa ng̃ayon na parang sarilingsarili ng̃ íilan.
Hosé.—¡Abá! Kung gaya ng̃ sinasabi mo, na ang paggawâ sa pamamagitan ng̃ isip lamang ay isa nang katuwaán at kahigtán sa mg̃a mangmang, ay maliwanag na maiibigan ng̃ lahat ang pagaaral noón, at akó na ang unauna. Ng̃unì’t ¿páano naman ang mg̃a gáwàing-kamay? ¿sino pa ang gagawâ rito?
Horhe.—Ang lahat. Sa panahong pinagaaralan ang mg̃a letra at karunung̃an, ay nararapat din namang ganapin ang isang gáwàing-kamay; lahat ay dapat gumawâ sa pamamagitan ng̃ úlo at sa pamamagitan ng mg̃a bisig. Ang dalawang bagay na ito sa paggawâ ay malayong makasirà, bagkus makabubuti at makabubuô, sapagka’t upang bumuti ang kabuhayan ng̃ isang tao, kinakailang̃ang pagalawíng lahat ang kaniyang mg̃a ugat, úlo at mg̃a bisig. Kung sino ang may ganap na pagiisip at nahihilig sa mg̃a pagkathâ, ay siyang nagiging magaling na manggagawà, at kung sino naman ang may malusog na pang̃ang̃atawán, gaya ng̃ namamalas natin sa mg̃a bisig na lagìng baták, ay siya ring may maliwanag at matalas na pagiisip.
At sapagka’t ang naturang dalawang gáwain ay pawàng kailang̃an, at ang isa roó’y kaakitakit higit sa isa, na siyang ikinatutuklas ng̃ tao ng̃ puri at kabaitan, ay hindî katuwiran na ang isang bahagi ng̃ tao’y maparoól sa mabibigat na gáwàing-kamay, upang manatili ang ilan sa pagsasamantalá sa karunung̃an, at, sa wakás, maging tagautos; dahil dito’y inuulit ko, na ang lahat ay nararapat gumanap ng̃ mg̃a gáwàing-kamay at gáwàing-isip.
Hosé.—Ang lahat ng̃ iya’y natatalos ko rin; ng̃unì’t sa mg̃a gáwàing-kamay man, ay mayroón ding mabibigat at magagaán, nakahahalina at nakasusuklam; ¿sino, sa halimbawà, ang magiging minero at tagalimás ng̃ mg̃a dúmihan ó púsalián?
Horhe.—Kung natatalos ninyó, minamahal kong mang Hosé, ang dami ng̃ nang̃álikhâ at linilikhâ pa, ng̃ nang̃apagaralan at pinagaaralan pa, disi’y matatantô rin ninyong labis na kapag ang paggawâ’y alangalang sa layong ikaáayos nitó, dî na mauukol sa íilang hindî mg̃a anák pawis, na dî gumagawâ, na walâ nang pinagsisikapan, sa makatuwid, kundî ang sarili nilang pakikinabang̃an, at walâ nang kabalibalino sa ikatutubos ng̃ mg̃a manggagawà; matatantô ninyó, inuulit ko, na ang lahat ng̃ mg̃a hanap-buhay-bisig, ay magagampanan, at dito’y walâ nang magiging mabigat, marumí ó kadiridiri, at madalî tulóy makatatagpô ng̃ mg̃a manggagawàng kailang̃an. At ito’y sa ating mg̃a araw. Tantûin ninyó ang mangyayari, kapag ang lahat ay gumawâ: lahat ng̃ pagsisikap, pagiing̃at, at pagaaral sa lahat, ay tung̃o sa adhikâng ang paggawâ’y lalòng maging kaakitakit at dî lubhâng kabigatan.
At sakalìng magkaroon man ng̃ mg̃a gáwàing mabibigat kay sa ibá, mandi’y madalîng maikikita ng̃ lunas, ng̃ mg̃a katang̃ìtang̃ìng ganting-palà yaón, at kahì’t huwág nang ibilang pa ang isang bagay na kapag ang lahat ng̃ tao’y gumagawâ, na ang adhikâ’y pará sa lahat, ay talagang sisilang din ang diwàng pagkakapatiran at matimyas na pagsasamahán ng̃ mg̃a tao, gaya ng̃ nangyayari sa mg̃a magának; kina kayâ ng̃ mg̃a lalaki ang mg̃a pasaning mabibigat sa lugal na ito’y maghinakdal; nakapagaawás sila ng̃ mg̃a pagod, palibhasà, ang bawà’t isa’y kusàng bumabahagi sa mabibigat na gáwàin.
Hosé.—May matuwid ka; subalì, kung ito’y mangyari, ¿sa páano maaayos?
Horhe.—Kung gayón, kung sa lahat ng̃ mg̃a nabangit ay may mátirá pang mabigat at kailang̃ang gáwàin na dî pasukan ng̃ sino man, sa makatuwid, ay tayong lahat na ang magsisiganap. Magtatadhanàan tayo, sa halimbawà, ng̃ isang araw sa bawà’t buwan, ó isang lingo sa bawà’t taón, na igagawâ ng̃ isang tao ukol sa mabibigat na gáwàing yaón. Sapagka’t isang bagay na kailang̃an pará sa lahat, ay bagay din namang maáasahan ninyó ang mg̃a lunas na kaparaanán. ¿Dî ba’t ng̃ayó’y mg̃a kawal tayong sunudsunuran sa atas ng̃ ibá upang makipagbaka sa mg̃a taong dî natin nakikilala, mg̃a taong ni kaputok man ay hindî nakakagawâ sa atin ng̃ masamâ, ni sa tunay man nating mg̃a kapatid at mg̃a kaibigan? Sa akalà ko’y lalòng magaán sa loob ang paggawâ, kapag natatalos natin na ang sanhî’y sa pang̃ang̃ailang̃an ng̃ lahat.
Hosé.—Nálaman mo, akó’y iyo nang nahihikayat. Ng̃unì’t may kauntî pa rin akóng hindî masakyansakyan, at ito’y ang nauukol sa pagaalís ng̃ mg̃a kayamanan ó pagaarì sa mg̃a ginoó… ito… ¿páano, sa palagay mo? ¿hindî kayâ maiigtarán yaón?
Horhe.—¿Páano, pò, ang ibig ninyong mangyari? Samantalang hawak nila ang kayamanan, ay sila ang makapaghaharì, at sila’y mang̃agíimbot din ng̃ walâng kapakupakundang̃an sa atin, gaya ng̃ kanilang ginawâ sapól nang ang mundó’y maging mundó. ¡Kay diabló naman! ¿bakit hindî ninyo masasakyan iyang pagaalís ng̃ mg̃a pagaarì sa mg̃a ginoó? ¿Inaakalà ba ninyó na isang bagay na hindî tumpak, at yao’y isang mahalay na gáwáin?
Hosé.—Hindi; ang totoó’y pagkapaliwanag mo sa akin, ay bagkus akóng nananalig na yaó’y isang dakilàng bagay, sapagka’t kung áalisin man sa kanila ang mg̃a pagaarì, ay walâng ibang kahulugán ang ating gagawin, kundî bawìin lamang ang mg̃a dugô na sinipsip nila sa atin nang mahabàng panahon. At sakâ, kung áalisin man sa kanila, ay hindî upang sarilinin natin, kundî upang arìin ng̃ lahat, at nang ang lahat ay mabúhay ng̃ maginhawa; ¿hindî ba gayón?
Horhe.—Hindi, pò, mapagaalinlang̃anan; at kung ipinalalagay ninyong dakilà ang naturang bagay, ay masasabi ninyó ng̃ táhasan na patí ng̃ mg̃a ginoó ay nagtatamó rin ng̃ palà sa gayón. Talagang dapat nang matapos ang kanilang mg̃a paguutós, pagbubulakbol at paghaharìharìan. Dapat silang gumawâ; at kapag ang paggawâ’y sa tulong ng̃ mg̃a mákina at alangalang sa ikagagaling ng̃ mg̃a manggagawà, ang paggawâ’y makikilala na isang kailang̃an ng̃ tao, isang kaaliwaliw na pagbabanat ng̃ mg̃a ugat at butó. ¿Dî ba’t nang̃amamaril ang mg̃a ginoó, upang makapagbanat lamang ng̃ mg̃a ugat?; ¿dî baga ginagawâ nila ang mg̃a pátakbuhan ng̃ mg̃a kabayo, ang himnasia at ibá pang libolibong bagay na pawàng naglalarawan na ang mg̃a gáwàing-bisig ay tunay na kailang̃an at isang bagay na kaakitakit sa lahat ng̃ taong walâng dinaramdam at malalakas? Ang layon ng̃â’y maiukol natin sa kapakinabang̃án ng̃ paggawâ yaóng nagagamit lamang ng̃ayon sa taganás na pagaaliw. At ¡gaanóng pakinabang ang matatamó ng̃ mg̃a ginoó sa kagaling̃an ng̃ lahat at sa matuling pagsulong ng̃ kabihasnán! Magmasid kayó, sa halimbawà, sa ating bayan: ang íilan niyang ginoó’y pawàng mayayaman, nabubuhay na parang mg̃a hari; samantalá ang mg̃a lansang̃a’y marurumí at masasamâ, maging pará sa atin at maging pará sa kanila man; ang hang̃ing nagbubuhat sa ating mg̃a bahay at sa mg̃a kalapit na putíkan ay nakapagpapakasakít din sa kanila; ang sálot na ibinubung̃a ng̃ karukhaán ng̃ mg̃a taong nasa malayò at napakalayò, na umaábot dito, ay nakakahawa rin sa kanilang madalas; sa kanila’y nakaaayóp din ang ating kamangmang̃án. ¿Maáarì kayâng malinis nila ang bayan, magawâ ang mg̃a lansang̃an at mailawan ang mg̃a daán ng̃ dahil na dahil lamang sa lakas ng̃ kanilang pananalapî? ¿sa páano maiigtaran ang marayàng paglalahoklahok sa mg̃a bagay na gamitín ng̃ lahat? ¿sa páano nagagamit ng̃ lahat ang ibinubung̃a ng̃ mg̃a pagkasulong ng̃ karunung̃an at ng̃ pagawàan? Mg̃a bagay na kapag idinag̃n sa pagtutuwang̃an ng̃ lahat ay madalîng magagawâ, At ang mg̃a pagiimbot sa sarili ¿sa páano masisiyahan, kung ang pagsasamahán ng̃ mg̃a tao’y hawak lamang ng̃ íilan?
Ang lahat ng̃ iyan, huwág nang ibilang pa ang lagìng pang̃ang̃anib sa isang punlô ng̃ baril na makasusugat ó makamamatay sa kanila, sa isang kisap matá, at ang pang̃ang̃ambá sa isang himagsikan ó sa isang kasawiáng palad na nakapagbubulid sa karukhaán at lagìng pagkabingit ng̃ kanilang mg̃a ának sa gútom, sa pagkakasala, sa kahalayan, gaya ng̃ pagkabing̃it ng̃ mg̃a atin sa ng̃ayon; ang lahat ng̃ iyan, ay nang̃ang̃ahulugán, na hindî lamang inaalis natin at sukat sa kanila ang mg̃a kayamanan na sinusuklîan ng̃ karapatan, kundî lumalabas na sila’y ginagawán din naman ng̃ malaking kagalinsan.
Tunay, ng̃â, na ang mg̃a ginoó’y aayaw, ni papayag na makipagunawàan sa atin, sapagka’t ang kanilang nais ay lagìng magutós, at ang palagay nila sa mg̃a dukhâ ay ibá ang uri; ng̃unì’t ¿páano, sa akalà ninyó ang lalòng mabuti nating gawín? Kung sila’y hindî natin mákausap ng̃ sa mábutihan, ay walâng salang sa masamâ na magdaraan.
Hosé.—Totoo, ng̃â, ang lahat ng̃ iyan, dátapuwa’t napakahirap gampanán. ¿Hindî kayâ natin mapagisipan ng̃ paraáng sa dahandahan? Bayàan natin sa mg̃a naghahawak ang mg̃a pagaarì, ng̃unì’t sa paraáng tayo’y daragdagan ng̃ mg̃a sahod, at tayo’y áarìin nilang mg̃a tao. Ganyan, sa untîuntî, tayo’y makapagíimpok, sakâ makabibili ng̃ tigisang lagvy na lupà, at kung tayong lahat ay pawàng may-arì na, sakâ natin ilagay sa kagaling̃an ng̃ lahat ang ating mg̃a arì, at gawín nata ang iyong sinasabi.
Horhe.—Magdilidili pò kayó; upang magampanán ang mg̃a bagay, sa kasundûan ng̃ lahat, ay íisa lamang ang paraán: na ang mg̃a ginoóng may-arì sana’y tumangí na sa kanilang mg̃a yaman; sapagka’t isang katotohanan, na kapag ipinagkakaloob na ng̃ isa ang isang bagay, ay walâ nang kailang̃ang ito’y alisin pa sa kaniya. Dátapuwâ’t ito’y huwág isipin; kayó’y nakatatahông mabuti ng̃ higit kay sa akin.
Samantaláng nananatili ang pagmamay-arì ng̃ tao, ó kayâ, samantaláng naghaharì ang mg̃a kapalakaran ng̃ayon, ay lalò tayong pasamâ. Dahil sa pagmamay-arì ng̃ tao, bawà’t isa’y kumikita ng̃ paraáng ipagkakatubig ng̃ kaniyang pátubigan, at ang mg̃a may arì’y hindî lamang sa nagiimbot sa mg̃a manggagawà ng̃ kung anóanó, kundî tayo’y pinapagbabaka pa ng̃â. Karaniwan sa mang̃ang̃alakal ang humanap ng̃ mapagbibilhán ng̃ kaniyang kalakal, sa mataás na halaga, hanga’t maáarì, at ang bawà’t mámimili nama’y bumilí, sa mababang halagá. ¿Anong nangyayari? Ang mg̃a may-arì, mg̃a maypagawàan, mg̃a mang̃ang̃alakal na lalòng mayayaman, sapagka’t sila’y mayroong mg̃a salapî upang ipagtatag ng̃ sariling pagawàan ng̃ gayó’t ganito, ó ibilí kayâ ng̃ sa pakyawan, upang magkaroon ng̃ sariling mg̃a mákina, upang masamantalá ang mg̃a takbó ng̃ halagahan sa baraka, at upang maantay ang panahong lalòng mabuti sa pagbibilí, ó hangang sa maipagbili yaón pagkaraan ng̃ ilang araw, ay natatapos ito sa mg̃a pagtutuós at mg̃a pagkahapay ng̃ mg̃a maliliít na may-arì, at mahihinàng mang̃ang̃alakal, na ang mg̃a ito’y sa kamay at kamay, ay nang̃auuwî sa karukhaán, at sila ó ang mg̃a anák nila’y walâng ibang kapapatung̃uhan, kundî ang mag paupá. Ganyan (at iya’y nakikita halos sa arawaraw), ang mg̃a mahihinàng may-arì na magisang gumagawâ, ó may ilang kamang̃gagawâ, sa maliliít nilang pagawàan, pagkaraán ng̃ isang mahigpit na pakikitunggalî, ay magpipinid na ng̃ kanilang pagawàan, at tutungong magpapaupá sa malalaking pagawàan; ang mg̃a maliliit na may-arì, na halos hindî makapagbayad ng̃ mg̃a buwis, ay magbibili ng̃ kanilang mg̃a bahay ó lupà sa mg̃a malalaking may arì, at gayón na ng̃ gayón; sa makatuwid, kung ang isang may-arì na may magandang pusò ay may nasàng magpariwasâ sa kaniyang mg̃a manggagawà, ay walâng magagawâ maliban sa makibaka ng̃ walâng tagal sa kaniyang mg̃a kalabang malalaking may arì, at mamaya’y ang pagkahapay na niya.
Sa kabilâng dakó, ang mg̃a manggagawà, dahil sa kagutuman, ay nang̃agpapaligsahan sa paghahanap-búhay, at sapagka’t napakarami ang mg̃a bisig kay sa mg̃a gagawín (hindî dahil sa walâng mágagawâ, kundî dahil sa ang mg̃a may págawàan ay nang̃agiimpid sa pagpapagawâ), ay sápilitang sila’y mang̃agaagawán ng̃ tinapay sa kanikanilang bibig, at kung kayó’y gumagawâ upang makakita ng̃ dalawa, ay nariyan naman ang ibá, makakita lamang ay kahì’t na isa.
Sa ganito’y lahat ng̃ pagkasulong ay nagiging kasawián. Sa halimbawà, may nalikhâ ng̃ayong isang bagong mákina, mamaya’y mawawalán na ng̃ gáwàin ang maraming manggagawà. Sapagka’t sila’y walâng kinikita, ay walâ ring ipamimili sa pamumuhay, at sa gayo’y nakasasamâ rin sa mg̃a manggagawà sa ibang pagawàan, na búkas ó makalawa’y mang̃ababawas din. Sa Amerika’y marami ang natatamnáng lupà, at marami ang naáaning grano. Ang mg̃a may-arì, na walâng kabahabahalà sa nauubos ó pang̃ang̃ailang̃an ng̃ mga tao rito, at sa imbot na makinabang ng̃ malaki sa pagbibili, ay ipinadadala ang grano sa Europa. Ang halagá ng̃ grano rito’y pilit bábabâ; ng̃unì’t sa lugal na makabuti ang bagay na ito sa mg̃a dukhâ, ay lalòng nakasasamâ, sapagka’t sa pagkamasid ng̃ mg̃a mayarì na ang kanilang grano’y nagagahis ng̃ sa Amerika, ay hindî muna magpapatanim sa kanilang mg̃a bukirín, at kung palarin ma’y yaón na lamang malusoglusog, at dahil dito, marami sa mg̃a magbubukíd ang nang̃awawalán ng̃ gáwàin. Ang halagá ng̃ grano’y mababà, at siyang totoó; ng̃unì’t ang mg̃a dukhâ’y dî man makakita ng̃ halagáng yaón na sukat ipang bili.
Hosé.—Ng̃ayo’y nauunawàan ko na. Nabalitàan kong áayaw ng̃â nilang papasukin dito ang mg̃a grano ng̃ taga-ibang lupà, at sa gayo’y nasasabi kong isang malaking kabalasikan ang dî pagtangap sa awà ng̃ Diyos. Akalà ko’y ninanais ng̃ mg̃a ginoó na mamatay ng̃ gutom ang bayan; ng̃unì’t ng̃ayon ko natalos na sila’y nang̃asa matuwid.
Horhe.—Hindi, pò, hindî, pò, sa gayón; sapagka’t kung ang grano ng̃ Amerika’y hindî nakararating, ay lalò pò namang masamâ, sa isang dakó. Kapag ang mg̃a may-arì’y walâ nang kapang̃agaw na taga-ibang lupà, sila’y makapagbibili sa anó mang taás na halagá ng̃ kanilang kalakal, at…
Hosé.—¿At anó?
Horhe.—¿At anó pò? Tila naipahayag ko na sa inyo; kailang̃ang mápasakamay ng̃ lahat ang mg̃a bagay na dapat pakinabang̃an ng lahat. Sa makatuwid, samantalang maraming nagagawâ ó naáani, ay lalò tayong maginhawa. Kung may málikhâng isang bagong mákina, tayo’y makagagawâ ng̃ marami, ó kauntî, alinsunod sa pang̃ang̃ailang̃an, at kung sa gayóng bayan, halimbawà, ay masaganà ang grano, at sa atin ay makapagpadalá, tayo nama’y makapagpapadalá rin sa kanila ng̃ sa ati’y lumalabis, at ito ang kagaling̃an ng̃ lahat.
Hosé.—Isang bagay muna… ¿At kung tayo’y makibahagi sa mg̃a may-arì? Sila’y ang kanilang mg̃a lupà at puhunan, tayo’y ang paggawâ, at pagkatapos ay ating pagbahaginin ang maáani; ¿anó kayâ sa palagay mo?
Horhe.—Ang unang masasabi ko sa inyo ay ito: na kung may hang̃ad kayó sa pakikibahagi, ay hindî naman papayag ang mg̃a pang̃inoón. Walâng salang dî natin dáraanín sa lakas, at gayón na lamang ang ating mapupuhunan upang sila’y mapilit na mamahagi, na sa kanila’y pará ring kinuha ang lahat. Kasakdala’y isang bagay na totoóng kailang̃an, ¿sa anó’t dáraanín pa ang mg̃a bagay na ito sa pakalákalahatî, upang mapabayàang manatili ang isang panuntunang pagtutulot makapagharì ang kalinsilán at panglulupig na ninigil ng̃ pagdami ng̃ bilang ng̃ mg̃a nagagawâ at naáani ng̃ lahat?
At sakâ, ¿anóng matuwid ng̃ íilang mg̃a tao, na kahì’t hindî gumawâ, ay babahagi ng̃ kalahatì sa magagawâ ng̃ mg̃a manggagawà? Gaya ng̃ nasabi ko na sa inyo, na hindî lamang maibibigay natin sa mg̃a pang̃inoón ang kalahatì ng̃ bung̃a ng̃ ating mg̃a nagagawâ, kundî ang lahat na’y magkukulang pa sa dapat mangyari; sapagka’t samantalang umiiral ang pagmamay-arì ng̃ tao ay pigíl na pigíl ang bung̃a ng̃ paggawâ at labás sa kagalingan ng̃ bawà’t tao, dahil sa pagpapang̃agawán at kakulang̃an ng̃ ayos; kayà ng̃â’t kakauntî ang naibubung̃a ng̃ paggawâ kay sa mangyayari, na kung ang paggawâ’y maganap ng̃ lahat at sa pamamatnubay ng̃ kagaling̃an ng̃ lahat na gumagawâ at nang̃ang̃ailang̃an. Gaya rin ng̃ pagbuhat ng̃ isang mabigat: isang daán mang katao at dî magkakatuwang na mabuti ay hindî makabubuhat; subalì, kahì’t tatatlo ó áapat lamang, at magkakasabáysabáy ang mg̃a kilos, ang kanilang mg̃a lakas, ay madalîng mabubuhat yaón at maitataás. Kung ang isang tao’y magnanasàng gumawâ ng̃ ìsang karayom, kahì’t isang oras ay maáarìng dî siya makayarì; dátapuwâ’t kapag sampû kataong tulongtulong, ay libolibo na ang mayayarì sa arawaraw. At gaanó kayâ ang mapapalâ sa bawà’t málikhâng mg̃a bagong mákina, sa bawà’t pang̃ang̃ailang̃ang ang gáwài’y maganap ng̃ lahat, kapag ang mg̃a bagong pagsulong ng̃ katauha’y gaya ng̃ minimithî nating mápatung̃o sa kapakinabang̃án ng̃ lahat!
Sa bagay na ito’y nais kong magpaliwanag ukol sa isang matuwid na lagìng isinasabad sa amin.
Ang mg̃a ekonomista (mga taong bayád ó hindî man, na naguugnayug nay, sa ng̃alan ng̃ dunong, ng̃ mg̃a kabulánan at katakatà, upang maipakilala na ang mg̃a ginoó’y may karapatáng mabúhay sa pawis ng̃ ibá) at ang ibá pang mg̃a pantas, ay nagpaparirala na ang karukhaá’y hindî tunay na gawâ ng̃ pagkamaimbutin ng̃ mg̃a may-arì, kundî dahil sa hindî nakasasapat sa lahat ang ibinubung̃a ng̃ paggawâ. Sinasabi ito, upang paniwalàan na walâng may salang sino man niyang karukhaán, at sa gayo’y walâng sanhî ni katuwiran upang ipagbalikuwas ang mg̃a anák-pawis.
Sukat na sa talaga ng̃ Diyos ng̃ mg̃a kura, kayó’y napapapanatili nilang lagì sa pagkamasunurin at yukô; ang mg̃a ekonomista nama’y, sa batas nč kalikasán. Huwag kayóng maniwalà. Kung sa bagay, tunay ng̃â, na ang mg̃a bung̃a ng̃ paggawâ ng̃ayon na tinatamasa ng̃ íilan, ay hindî sapat upang mabigyan ng̃ mabuti at masaganàng búhay ang lahat; dátapuwâ, ito’y kamalián ng̃ umiiral ng̃ayong panuntunan sa pagsasamahán ng̃ mg̃a tao, sapagka’t ang mg̃a may-arì ay walâng kaalaalala sa kagaling̃ang panglahat, kayâ’t ang ipinagagawâ nila’y yaón lamang inaakalàng katamtaman sa sarisarili, at upang huwág makapagbabâ ng̃ halagá sa kalakal, ay madalas mangyari ang pagpapatapon ó pagpapasirà nila ng̃ mg̃a bagay na yarì na. Sa makatuwid, ay maliwanag ninyong makikita na samantalá nilang sinasangkalan ang kakulang̃án ó kauntián ng̃ bung̃a ng̃ paggawâ, ay pipababayàan naman nila ang dami ng̃ naglalaparang mg̃a lupàng hindî natatamnán at ang dami ng̃ mg̃a manggagawàng walâng gáwàin.
Subalì, sa bagay na ito’y kanilang itinutugon, na kasakdala’y matamnán ang lahat ng mg̃a lupà at ang lahat ng̃ mg̃a tao’y mang̃agsigawâ, alinsunod sa lalòng pinakamabuting panuntunan ng̃ tao, ang karukhaá’y mananatili ring ka paris ng̃ dati, at sa dahiláng ang mg̃a ánihin sa lupà’y natataning̃an at ang mg̃a pagaanák ng̃ mg̃a tao’y hindî, ay maáarìng dapasin natin ang isang kalagayang kalunoslunos, na ang pagaani’y maging maramot at panakanakâ, samantalá ang tao’y paramí ng̃ parami, na siyang sanhî ng̃ kamahalan ng̃ lahat na kailang̃an. Kayâ’t naimamatuwid na ang tang̃ing lunas sa mg̃a masasamâng sakít ng̃ katauhan ay nauuwì sa ganito, na ang mg̃a dukhâ’y huwág magáanák, kayâ’y maukol na lamang ang pagaanák ng̃ tao sa nang̃akakakaya.
Tungkol sa haharapín, ay marami ang masasabi sa bagay na pinaguusapan. May nakikipagtalo riyan, at may pinanghahawakan din namang matitibay na matuwid, na ang pagdami ng̃ tao ay talagang may taning sa kalikasán, kayâ’t dî na kailang̃an ang paggamit ng̃ mg̃a pang patunaw, na buông kusà ó dî man. Anaki ang mg̃a pagkasanay ng̃ mg̃a lahì, ang pagsulong na lalò ng̃ mg̃a katalinuhan, ang paglayà ng̃ mg̃a babayi at ang pagunlad ng̃ kaginhawahan, ay nakapipigil ó nakababawas sa katutubòng pagaanák ng̃ tao. Ng̃unì’t ang mg̃a bagay na ito’y walâng anó mang kabuluhán sa pinaguusapan tungkol sa karukhaán.
Hindî súliranin ng̃ayon ang pagdami ng̃ tao, kundî ang pagaayos sa katauhan; kayâ’t ang gamot tungkol sa pagaanák ay hindî nakalulunas ng̃ anó man.
Sa katunaya’y nariyan ang mg̃a bayang naglalaparan ang mg̃a lupà at ang tao’y kakauntî, na masahol pa kapag nagkataón kay sa ibang bayang ang tao’y makapal. Kasakdala’y nakapipigil ang pagmamay-arî ng̃ íilan, ang bung̃a ng̃ paggawâ ng̃ayó’y marami kay sa pagdami ng̃ tao. Ang paguntî ng̃ bilang na ibinubung̃a ng̃ karukhaán ay dahil sa kasaganàan ng̃ nagagawâ, alinsunod sa kayâ ng̃ naibibili ng̃ mag̃a dukhâ. Masdán ninyó, sa halimbawà, ang mg̃a manggagawàng naglalakaran na walâng mg̃a gáwàin, samantalang ang mg̃a tingala’y punôngpunô ng̃ mg̃a bagay na yarì nila na walâ nang makábili. Ang mg̃a lupàng datihang tinatamnán at dî na patatamnán, ay mulîng magiging gubat. Dahil sa kasaganàan ng̃ grano at pagbabâ ng̃ mg̃a halagá, ang mg̃a may-arì ay hindî muna magpapatanim, at dî maáalaala na kung ang kaniyang mg̃a magbubukíd ay mawawalán ng̃ gáwàin ó mamamatay ng̃ gútom.
Kinakailang̃an ngâng máuna ang pagbabagong ayos sa katauhan, tamnán ang lahat ng̃ lupà, ayusin ang bung̃a ng̃ paggawâ, at gayón din ang sa mauubos ng̃ tao, sa ikagagaling ng̃ lahat; bayàang malayà ang párang sa hakbang ng̃ mg̃a bagong tuklas at matutuklasan pa ng̃ pagkasulong ng̃ panahon, pang̃asiwàan ang malalaking bahagi ng̃ mundó na halos dî napapakinabang̃an, ó hindî pa ngâng lubos, at kung matapos ito, sakalìng sa ilalim ng̃ matitibay na pamamaraán, ay walâng mangyari at makitang makapal din ang pagdami ng̃ tao kay sa bung̃a ng̃ paggawâ, sa makatuwid, sakâ na mapagiisipan ng̃ mg̃a tao sa panahong ito, kung páano ang mabuting pagtatadhanà sa pagaanák ng̃ tao. Ng̃unì’t ang pagtatadhanàng ito’y marapat ipatupad sa lahat, na walâng matatang̃ìng mapapalad na íilan ang bilang, na sa dî pa kasiyaháng lubos na mabúhay sa pawis ng̃ ibá, ay ninanais pa mandin na sila lamang ang magkaroon ng̃ walâng taning na karapatán tungkol sa pagaanák. Sa isang dako, samantalang mayroong mg̃a marálitâ, ay siyang tandâ na yaó’y hindî matatadhanàan kailan man, kasakdala’y dahil sa walâ na silang ibang kaaliwán sa hirap, kundî ang lumasap ng̃ matatamis na pulot ng̃ pagiibigan, kasakdala’y dahil sa dî nila maisip ang kakulang̃an ng̃ bung̃a ng̃ paggawâ, baga ma’t nakikita ng̃ kanilang mg̃a matá ang tunay na sanhî, tulad ng̃ nauukol sa halimaw, na inaangkin pa ng̃ pang̃inoón. Hanga’t may nasasawî ay lalòng dî mapanatag ang búkas, at lalò pang totoó, yao’y walâng nailalaán ni mapagtamanán. Kapag ang lahat ay arì na ng̃ lahat, at ang lahat ay gumagawâ ng̃ pantaypantay, ay sakâ pa lamang makapagtatadhanà ang mg̃a tao ng̃ buông loob sa katauhan ng̃ inaakalàng nararapat, higit sa maiaatas ng̃ alin mang kapangyarihan ng̃ tao, sa pamamagitan ng̃ lakas.
Ng̃unì’t pagbalikan pò natin ang nauukol sa pagbabahaginan ng̃ bung̃a ng̃ paggawâ ng̃ isang may-arì at ng̃ isang manggagawà; ¿anóng inyong maibibigay doón sa hindî nangagsisigawâ? Ang mg̃a may-arì, samantalang may-arì, ay hindî mapipilit na kumuha ng̃ taong hindî nila kailang̃an.
Ang panuntunang ito na tinatawag na participación, pakikisamá, ay minagaling noóng araw upang masaka ang mg̃a párang ng̃ naglalaparang bahagi ng̃ lupà sa katimugan ng̃ Europa, at hanga ng̃ayon pa man, sa ilang bahagi ng̃ Italia, gaya ng̃ sa Toscana. Ng̃unì’t untîuntîng lumilipas at lilipas bang̃ang sa Toscana ang panuntunang yaón, sapagka’t ang mg̃a may-arì ay lalòng nakikinabang sa pagpapagawâ, sa pamamagitan ng̃ aráw. Ng̃ayon, bukod sa tulong ng̃ mg̃a mákina, sa tulong ng̃ dunong-pagsasaka, at sa mg̃a aning nagbubuhat sa ibang lupaín, ang pagpapagawâ ng̃ aráw sa mg̃a mangagawà, ay isang malaking kailang̃an pará sa mg̃a may-arì, at ang hindî sumunod agad sa ganitong pamamaraán, ay mahuhulog sa pang̃ung̃ulugi, gawa ng̃ mg̃a pagpapang̃agawán sa kalakal.
Sa kabuuán, upang dî pálawig na lalò, kung magpapatuloy ang umiiral na panuntunan, ay sasapitin ang mg̃a sumusunod na bagay: na ang mg̃a arì ay lalòng mahulog arawaraw sa kamay ng̃ íilan, at ang mg̃a manggagawà’y lalòng palabuyin sa lansang̃an ng̃ mg̃a mákina at ng̃ lalòng matuling paraán sa paggawâ. Sa ganyang paraán, magkakaroon tayo ng̃ ilang ginoóng may-arì ng̃ daigdig: kauntîng manggagawàng sapat magamit sa mg̃a mákina, at kauntîng alilà at kawal na makapaglilingkod upang makapagtangol sa mg̃a ginoó. Ang bayang manggagawà’y mamamatay ng̃ gútom, ó mabubuhay sa panghihing̃î ng̃ limós. At nagsisimulâ na ang malungkot na bagay na ito. Ang mg̃a mumuntîng págawàan ó pinagkakabuhayan ay pumapanaw; ang dami ng̃ mg̃a manggagawàng walâng pinapasukan ay lalòng dumarami, at ang mg̃a ginoó sa takót ó sa awà sa mg̃a namamatay ng̃ gútom, ay naghahandâ ng̃ mg̃a murang pagkain at ibá pang tinatawag na kawang-gawâ.
Kung hindî nais ng̃ bayan na siya’y makitang magpalimós ng̃ isang pingang sopas sa pintûan ng̃ mg̃a ginoó ó ng̃ munisipio, gaya ng̃ nakita na sa pintûan ng̃ mg̃a kombento, ay walâng ibang lunas, kundî íisa: kuni’t pang̃asiwàan niya ang mg̃a lupà’t mg̃a mákina, at gumawâ ng̃ nauukol sa kaniyang kapakinabang̃án.
Hosé.—Ng̃unì’t kung ang pámahalaá’y gumawâ ng̃ mg̃a batás na makapipilit sa mg̃a ginoó, upang dî makapagpahirap sa mg̃a taong dukhâ?
Horhe.—Yaón at yaón din pò. Ang pámahalaá’y binubuô ng̃ mg̃a ginoó, at dî mapagaalinlang̃anan, na ang mg̃a ito’y hindî makapaglalagdâ ng̃ mg̃a batás na malalaban sa kanila. At kung dumating ang kaayaayang araw na ang mg̃a dukhâ’y makapamahalà, ¿sa anó’t gaganapin ang mg̃a bagay sa pakalákalahatî, upang mapabayaán ang isang lakas sa mg̃a ginoó, at nang sa kabilâ nitó, sa untîuntî’y mulî tayong maalipin nila? Sapagka’t inyo nang natatalos, kailan man, na ang mg̃a dukhâ’y maáarìng mamahalà sa isang sandalî, samantalang naghihimagsikan, dátapuwâ’t pagkatapos, ay mg̃a mayayamang ginoó rin ang nakapaghaharì. Kayâ’t kung sa sangdalîng mapalad ay mapasa atin ang mg̃a lakas, ay alisin natin agad ang mg̃a pagaarì sa mayayaman, at sa gayo’y mawawalán na ang mg̃a ito ng̃ ka paraanán upang maibalik ang mg̃a bagay sa pinanggaling̃an.
Hosé.—Nakuró ko na. Kinakailangang gumawâ ng̃ isang mabuting repúblika. Lahat ay pantaypantay, at sakâ, kung sino ang gumawâ ay siyang kumain, at ang hindî, ay magkamót ng̃ tiyan… Ang dinaramdam ko, akó’y matandâ na. Maligaya kayóng mg̃a kabatàan na makakamalas ng̃ maligayang panahon.
Horhe.—Dahandahan kayó, matandang kaibigan. Pinagkakamalán ninyó ang repúblika sa himagsikang panglahat; at sa makatatalos ng̃ inyong ibig sabihin ay mayroón kayóng lubos na matuwid. Ng̃unì’t namamalî kayó ng̃ pagbibigkas, sapagka’t ang repúblika’y hindî nagkakahulugan ng̃ gaya ng̃ inyong pagkatalos. Itanim ninyó sa alaala, na ang repúblika ay isang pámahalaán na gaya rin ng̃ sa ng̃ayon, maliban sa lugal ng̃ harì ay presidente, ó kung walâ nito, ay buông namamahalà ang mg̃a ministro. Kapag walâng hari, ang pámahalaán ay tinatawag na repúblika, kahì’t siya magkaroon ng̃ mg̃a inkisision, mg̃a pahirap, mg̃a pangaalipin. Kung sa kabilâ nitó’y ibigin ninyó ang repúblika, gaya ng̃ ibig nilang gawín sa Italia, sa pagaalis ng̃ harì ay maidaragdag ninyó ang sumusunod: na ang dalawang kapulung̃an, ay maging isa lamang, ito’y ang sa mg̃a diputado.
At walâ na, sapagka’t ang ibá pa, gaya sa halimbawà, ng̃ pagaalis ng̃ mg̃a kawal, pagbabawas ng̃ mg̃a pasaning-bayan, pagkakaroon ng̃ maraming páaralán, pagtatankilik sa mg̃a mahihirap, ay pawàng mg̃a pang̃akòng napapakò, kung hindî ibig ng̃ mg̃a diputado. Tungkol sa mang̃ang̃akò’y hindî kailang̃ang ito’y maging republikano, sapagka’t ng̃ayon man, kapag pinakapipita ng̃ mg̃a kandidato na sila’y mang̃áhalal, ay ipinang̃angakò ang lahat, at kapag nang̃ahalal na, makita ka man, ay walâ nang máalaala.
Bukod sa roó’y pawàng bung̃ang̃à lamang, samantalang may mayayaman at mg̃a mahihirap, ay talagang nasa paguutós ang mayayaman. Maging repúblika ó kaharián man, kung ang pátakara’y mababatay sa mg̃a pagmamay-arî ng̃ tao, ay walâng maiiba sa pagsasamahán, kundî yaón at yaón din. Ang mg̃a pagpapang̃agaw ay siyang makapaghaharì tungkol sa mg̃a kalakal; ang mg̃a pagaarì’y mahuhulog sa íilang kamay; ang mg̃a mákina’y maipapalit sa maraming manggagawâ, at ang bayang mahirap ay gaya ng̃ nabangit ko na sa inyo, na mamamátay ng̃ gútom ó manghihing̃î ng̃ limós.
At sakâ, subók na natin. Marami nang Repúblika ang namalas, at gayón din ang nakikita pa, na masasabing walâ ni anó mang nagagawâng kagaling̃an sa bayan.
Hosé.—¡Aba’t anóng narinig ko sa iyo! ¡at ang paniniwalà ko pa naman sa repúblika’y ang dapat nating asaling pagpapantaypantay ng̃ lahat!
Horhe.—Gayón ng̃â ang sinasabi ng̃ mg̃a republikano, na buhat sa ganitong mg̃a matuwid. Sa repúblika, anilá, ang mg̃a diputadong naglalagdâ ng̃ mg̃a kautusán, ay pawàng halal ng̃ bayan; kayâ’t kung ang bayan ay dî nasisiyahan sa kanila, ay naghahalal naman ng̃ ibá, at sa gayóng paraá’y naáayos ang lahat; sapagka’t ang mg̃a mahihirap ay siyang pinakamaraming bumubuô ng̃ bayan, sa makatuwid, ay sila ang nakapaguutos. Dátapuwâ’t ang totoó, ang nangyayari’y lubhâng kaibá. Ang mg̃a mahihirap, palibhasà’y mahihirap ng̃â, na may kamangmang̃án at pagkamapaniwalaín, ay naghahalal alinsunod sa kaibigán ng̃ mg̃a kura at ng̃ kanilang mg̃a pang̃inoón, at gayón ng̃â ang nangyayari, hangang sa mátamó ng̃ mg̃a tusong yaón ang kasarinlán sa pamumuhay at ang iniaatas ng̃ maliwanag na pagiimbot tungkol sa sarili nilang pagkabuhay.
Kung tayong dalawa’y nagkapalad na makapaghanap buhay ng̃ malakílakí at maganap ang ating pagkatuto, ay maáarìng magkaroon tayo ng̃ ganap na kayâ upang matangkilik ang ating pamumuhay at gayón din ng̃ lakas na maipaghihigantí laban sa mg̃a may-arì; ng̃unì’t sa bayang manggagawà ay hindî makaáasa, samantalang ganyan ang kaniyang anyô. Ang halala’y dî maitutulad sa himagsikan, na ang isang matapang at matalinong lalaki, ay nakakatimbang ng̃ sangdaáng matatakutín, at nakahihikayat pa ng̃ marami, na kung sa kanikanilang sarili lamang ay dî makakaisip na maglabán. Sa harap ng̃ halalan ay ibá. Dito’y mahalagá ang bilang, at samantalang nariyan ang mg̃a kura, mg̃a pang̃inoón at pámahalaán, ang bilang na iya’y sa mg̃a kura, na siyang nakaáalam sa impiyerno at paraiso; sa mg̃a pang̃inoón, na nagbibigay ó umaagaw ng̃ tinapay sa bala na, at sa pámahalaán, na may lakas ng̃ mg̃a pulés upang maipanindak at mg̃a katungkulan upang maipanggahasa.
Sa isang salitâ, hanga ng̃ayon, ang pinakamalaking bahagi ng̃ mg̃a manghahalal ay pawàng mg̃a marálitâ, at gayón ma’y ¿anóng ginagawâ nila kung naghahalalan? ¿inihahalal kayâ ang kapuwâ nilang mahihirap na nagnanasàng magtangol, at nakatatalos ng̃ kanilang mg̃a lihim sa pamumuhay?
Hosé.—Iya’y talastas na ng̃ lahat. Nagtatanong sila sa pang̃inoón kung kanino boboto, at siya namang ginaganap, sapagka’t kung hindî gayón, sila’y mang̃apapalayas.
Horhe.—Nakita na ninyó. ¿Anong inyong maáantay sa halalang-bayan na ginaganap ng̃ayon? Ipadadala ng̃ bayan ang mg̃a ginoó sa Kapulung̃an, at ang mg̃a ginoóng ito’y siya namang nakaáalam upang mapapanatili ang bayan sa kamangmang̃án at pagkaalipin, gaya ng̃ sa kasalukuyan. Kapag sa repúblika’y hindî masusunod ang mg̃a malî nilang pita, ay bahalà na ang lakas na kanilang hawak upang magpausad sa lahat.
Kayâ ng̃â’t walâ nang lunas maliban sa isa: kunin sa mg̃a ginoó ang mg̃a pag-aarì, upang ibigay na lahat sa bayan. Kapag natatantô ng̃ bayan na ang lahat na’y kaniya, at nasa kaniya nang pananagot ang hingil sa kaayusan, alangalang sa ika papanatag niya, makikita ninyó’t siya’y matututong gumamit ng̃ kayamanan at gayón din ng̃ sa pagiimpok.
Hosé.—¡Mangyari pa! Dátapuwâ’t hindî alám ng̃ mg̃a magbubukíd ang tunay na kahulugán ng̃ repúblika, na tulad bagá ng̃ iyong paliwanag. Totoóng napakalayo ng̃ayon ko lamang napagunawà na yaóng tinatawag naming repúblika ay walâng ibá, kundî ang sosialismong sinasabi mo. ¿Ng̃unì’t hindî kayâ tayo makapagpapatuloy sa pamamagitan ng̃ repúblika? ¡Walâng halaga ang pamagat! Ang kailang̃a’y maganap ang mg̃a bagay kung páano ang nararapat.
Hosé.—Tamà ang inyong sinasabi; ng̃unì’t may malaki pong pang̃anib. Kung ang baya’y maniwalà ng̃ maniwalà na ang repúblika ay isang bagay na magaling pará sa kaniya, pagdatíng ng̃ araw na siya’y dî na makabatá at gumawâ ng̃ himagsikan, ang mg̃a republikano’y dalidaling magagalak sa pagtuturing na: kayó’y makapananahimik na sa inyong mg̃a dampâ, at isipin ninyó ng̃ayon ang paghahalal ng̃ mg̃a diputado, sapagka’t siyang makaáayos ng̃ lahat.
Ang bayang mapaniwalaín, na gaya ng̃ dati, ay magsasálong ng̃ mg̃a baríl at magkakasiya na lamang sa mg̃a awitan, tugtugan at paggagalak. Samantalang lahat ng̃ mg̃a ginoó nama’y magrerepublikano; pipilitin, sa pakunuwarî, ang kanilang pusò’y maging arì ng̃ bayan; mamimigay ng̃ kauntîng salapî, ng̃ kauntîng alak at gagawa ng̃ mg̃a pagdiriwang; magbabayad ng̃ mabutíbutí sa mg̃a manggagawà, at sila’y pahahalal na mang̃aging diputado, upang mapasakanila rin ang kapangyarihan. Sa kabilâ nitó, sa untîuntî, babayàang maparam ang siguwá, sakâ maghahandâ ng̃ mg̃a lakas na pangtanikalâ sa bayan, at darating ang araw na magsisisi ito; sapagka’t siya’y nakapagbuhos ng̃ dugô pará sa ibá, samantala ang kaniyang pamumuhay ay masahol pa kay sa dati.
Sapagka’t maminsanminsan ang baya’y naghihimagsik at nagtatagumpay naman, kailang̃ang sa mg̃a sumandalîng ito’y matutong magsamantalá rin at pang maisagawâ agad ang socialismo. Huwag makinig sa anó mang pang̃akò, kunin agad ang mg̃a kayamanan, ang mg̃a bahay, ang mg̃a lupà at mg̃a págawàan. Ang magsalitâ ng̃ sa repúblika’y dapat ipalagay at kilanlín na parang kaaway, at kung hindî’y muling mangyayari ang katulad ng̃ sa 59 at 60.
Kakauntî ang halagá ng̃ mg̃a salitâ, anaki; ng̃unì’t sa pamamagitan ng̃ salitâ, kayâ nila nabibirò at nadadayà ang bayan.
Hosé.—May katuwiran ka; kung makáilan na ng̃â tayong mang̃aulól. kailang̃ang pakabuksan nating mabuti ang mg̃a matá, nang hindî tayo mang̃aulit.
Ng̃unì’t kinakailang̃an ding magkaroón ng̃ isang pámahalaán. Kung walâ nang isang makapaguutos ¿sa páano lalakad ang mg̃a bagaybagay?
Horhe.—¿At bakit sila ang maguutos sa atin? ¿at tayo pò ba’y hindî makapagaayos ng̃ alinsunod sa ating mg̃a pagkabuhay?
Kailan man, ang isang naguutos ay nagiimbot ukol sa kaniyang kaluwagán at pagkabuhay, at maging sa kamangmang̃án man ó sa kasamán, ay nakapagtataksil din sa bayan. Ang kapangyarihan ay naka pagpapahamak sa lalòng mababait. Sakâ, kinakailang̃an na ang mg̃a tao’y huwág nang matulad sa isang kawan ng̃ mg̃a tupa, at nang sila’y makapagisíp at magkadamdamin sa pamamagitan ng̃ kanilang mg̃a dangal at lakas. Iyan ang pang̃unahin naming matuwid, kayâ dî namin ibig na kami’y pagutusán pa. Ang paguutos ng̃ isa ay nakapagtuturò sa ibá ng̃ pagmamasunurin, kayâ’t kasakdala’y magkaroon tayo ng̃ isang mabuting pámahalaán, ito’y lalòng magiging magahasà at lalòng pasláng kay sa isang pamahalaáng masamâ; sa loob ng̃ kaniyang pamamahalà, ó ng̃ mg̃a sumusunod na kahalili niya ay tila napakagaán pang hagkisín ang kalagayan ng̃ bayan kay sa mabawì ang bung̃ang natutuklasan noón, na siyang ikabubuhay na mulî ng̃ mg̃a pagtatang̃ìtang̃ì at pangaalipin.
Upang maturùan ang bayan ng̃ ukol sa kalayàan at paggamit ng̃ kaniyang mg̃a karapatán, kailang̃ang siya’y bayàang magisa, bayàan siyang managot ng̃ kaniyang gáwàin, maging sa mabuti’t maging sa masamâ. Walang salang may magagawâng masamâ ang iba, at marahil ay napakalimit pa, dátapuwâ’t sa mg̃a hirap na daranasin ay matatantô ng̃ bayan na siya’y nagkamalî, at sa ganito’y magpapanibagong landas, gayóng ang nagagâwang masamâ ng̃ isang bayang pabayâ ay walâ ni sa ikasanglibong bahagi ng̃ sa lalòng mabuting pámahalaán. Upang matutong lumakad ang isang batà, kailang̃ang siya’y palakaring magisa at huwág sisindakin sa mg̃a pagkadapâ at pagkatisod na karaniwan.
Hosé.—Siya ng̃â; ng̃unì’t upang makalakad ang batà ay nang̃ang̃ailang̃an muna ng̃ lakas ang mg̃a hità, ó kung dilì kayâ’y nararapat munang manatili sa mg̃a bisig ng̃ Iná.
Horhe.—Siya pòng totoó; ng̃unì’t ang mg̃a pámahalaá’y hindî maihahambing sa isang Ina, sapagka’t ang mg̃a yaó’y hindî nakapagpapaginhawa ni nakapagbibigay lakas sa isang bayan. Napakatumbalik. Ang lahat ng̃ mg̃a pagkasulong ng̃ tao ay natutupad halos sa tuwîtuwî na, kahì’t sa ilalim ng̃ bigat ng̃ mg̃a pámahalaán. Walâng ginagawî ang mg̃a ito kundî batasín ang lahat ng̃ inaakalàng kailang̃an at niloloob, kung minsan, ng̃ karamihan, bago hahalùan ng̃ mg̃a diwàng pananakóp ó pang̃ang̃alakal. May mg̃a bayang nang̃ung̃una at dilì sa pagkasulong; subalì, sa alin mang panahon ng̃ kabihasnán, kahì’t na ng̃ sa unanguna pa, ang maititing̃in ng̃ isang bayan sa tunay na mg̃a karapatán at kabuhayan niya ay dî magagawâ ng̃ alin mang pámahalaáng nang̃ang̃asiwa sa kaniyà.
Inaakalà ninyó, alinsunod sa masid ko, na ang pámahalaá’y binubuô ng̃ mg̃a taong matatalino at may mg̃a kayâ. Ito po’y walâng katotohanan, sapagka’t ang totoó, lahat ng̃ pámahalaán ay binubuô, sa tiyakan, ó sa pamamagitan ng̃ mg̃a kinatawán, ng̃ mg̃a lalòng mapipilak. At kasakdala’y gaya na ng̃ inyong pagkatalos. ¿Sa akalà ba ninyó, ang mg̃a taong matatalino ay magpapakabait, dahil sa hawak nilang kapangyarihan? Yaóng lalòng may mg̃a kayâ ay napagigitnâ ng̃â sa bayan, ginagamit ang dunong sa ikagagaling ng̃ bayan at lagìng alinsunod sa mg̃a kasiglahán nito. Ng̃unì’t kapag sila’y na sa pámahalaán na; kapag dî na nila naaalumana ang mg̃a kailang̃anín ng̃ bayan; kapag naáantala na sila sa mg̃a bung̃a ng̃ polítika, ó kayâ’y sa imbot nilang maipagtangol na ang kapangyarihan, higit sa mg̃a karapatán at tunay na kailang̃an ng̃ pagsasamahán; kapag sila’y naging mangagahasà na, sa kakulang̃an ng̃ sariling siglá at kagandahang loob; kapag sila’y natagtag na sa hanay ng̃ kasiglahan at sila’y napalipat sa bilang ng̃ mg̃a taong may katang̃ìan, upang makapaglagdâ ng̃ mg̃a batás ó kautusán tungkol sa mg̃a bagay na dî man nila natatalos nang bago sila mang̃agkatungkol; ang lalòng mabubutit may ganap na kayang naturan, ay magiiba na ng̃ uri, sa pagaakalàng sila’y matataás, at kung makaalaala man sa bayan, ay kung may pinipita na lamang dito at kinakailangan.
Walâ ngâng ibang nararapat at maaasahan, gaya ng̃ magisip tayong mg̃a manggagawà ukol sa ating mg̃a pagkabuhay. Tayo’y magsimulâ muna sa ating kapisanan, at sa ating mg̃a kahanap-buhay, na lubhâ nating nang̃akikilala, at pagkatapos, ay makipagkaisá tayo sa mg̃a manggagawà sa ibang bayan at ibang mg̃a hanap-buhay, hindî lamang sa Italia, kundî sa buông mundó; sapagka’t ang lahat ng̃ tao’y pawàng magkakapatid, at ang kanilang adhikâ’y nagkakahulugan ng̃ pagiibigan at pagtuwang̃an ng̃ isa’t isa. Hindî pô kayâ gayón din, sa palagay ninyó?
Hosé.—Akó’y nakukuha mo na. Ng̃unì’t sa mg̃a manglalasing, magnanakaw at masamâng tao, páano ang pagpaparusa?
Horhe.—Ang una kong maisasagot sa inyo ay ito. Kapag walâ nang kaimbihán at kamangmang̃án, ang lahat ng̃ yao’y mapaparam na rin. Ng̃unì’t kasakdala’y magkaroon man ng̃ mang̃isáng̃isá, ¿ay dahil kayâ rito mang̃ang̃ailangan tayo ng̃ pámahalaán at ng̃ mg̃a pulés. ¿Tayo pò kayâ’y kulang pang maglagay ng̃ guhit sa sino mang hindî magpitagan sa ibá? Hindî natin sila pipiitin, gaya ng̃ pagpaparusa ng̃ayon sa mg̃a salarín at walâ mang sala; ng̃unì’t ilalagay natin ang mg̃a ito sa mg̃a kapalagayáng hindî mapapang̃anib, at gagawin natin ang mg̃a paraáng ikapagbabalik sa mainam na landasin.
Hosé.—Gayon ng̃â; kapag naganap na ang sosialismo, ang lahat ay masisiyahan at maliligaya, at pawàng mapapawi na ang mg̃a kaimbihán, pagtataniman, panibughûan, pagkalugmok sa kahalayan ng̃ mg̃a babayi, mg̃a digmâan at kalinsilán.
Horhe.—Aywan ko pò, kung hangang saán ang maáabot na ligaya ng̃ katauhan; ng̃unì’t akó’y umaasa na tayo’y mabubuhay ng̃ lalòng mabuti kay sa dati, magiisíp tayo ng̃ paraáng ikahuhusay at ikabubunsod na lalò sa pagkasulong. At ang mg̃a kagaling̃a’y dî na mauukol, gaya ng̃ayon, sa kapakinang̃án ng̃ íilan at sa pananalat ng̃ marami, kundî sa kapakinabang̃án na ng̃ lahat.
Hosé.—¡Kahimanawarì! Ng̃unì’t ¿kailan pa kayâ mangyayari iyan? Akó’y matandâ na; ng̃ayong nauunawàan kong ang mundó’y hindî magpapatuloy ng̃ tulad sa ng̃ayon, akó’y namamanglaw na mamatay ng̃ hindî ko nasisilip ang isang araw man lamang ng̃ katarung̃an.
Horhe.—¿Kung kailan pa? Ito ang hindî ko masabi sa inyo. Iyan pò ’y nasa sa atin din; kung gaanó ang pagsisikap nating mabuksan ang mg̃a matá ng̃ marami, ay lalòng mapapadalî ang pagsapit ng̃ araw na yaón.
Isang maayos na landas na ang nabuksan at nadaraanán. Nang mg̃a kararaáng taón lamang, kapag iniaaral ang sosialismo, kami’y ipinalalagay diyang mg̃a mangmáng, mg̃a ulól ó mg̃a matatabil; dátapuwâ’t ng̃ayó’y laganap na ang layuning iyan sa marami, at ang mg̃a dukhâng datidati’y nagtitiis sa kahirapan ó kung nakapagbabalikuwas ma’y dahil sa kagutuman, kahit walâng kinalaman sa mg̃a bagaybagay at sa mg̃a lunas ng̃ kasamán, na nanatay ó silasila’y nagpapatayan, dahil sa mg̃a ginoó; ng̃ayon, ang buông mundó’y kumikilos na, sila’y nang̃agkakaisa. At naghihimagsik, alangalang sa layuning makalayà sa mg̃a pang̃inoón at sa mg̃a pámahalaán, at dî na umaasa, kundî sa kanilang sariling mg̃a lakas na lamang, sapagka’t sa wakas, ay kanila nang natantô na ang lahat ng̃ mg̃a kakamping pinamumunùan ng̃ mg̃a ginoó’y pawàng mg̃a kaaway rin.
Pagsikapan natin ang pagpapalaganap sa mg̃a sandalîng itong napapanahon; magsamasama tayong lahat na nakakaunawà ng̃ súliranin; pagalabin natin ang apóy sa gitnâ ng̃ bayang manggagawà, samantalahin natin ang lahat nilang dî kasiyaháng loob, mg̃a kilusán, at mg̃a kaguluhan; magbigay tayo ng̃ isang matinding palò yaong mabilis at walâng takottakót, at madalîng madalîng lalagpak sa lupà ang nang̃agpapalalùang mg̃a gusaling-burgés. At siyang pagkatayô ng̃ kaharián ng̃ kalayàan at ng̃ ganap na kaginhawahan.
Hosé.—Magaling; ng̃unì’t huwág nating malilimot ang isang bagay bago gawín ang anó man. Ang pagkuha ng̃ mg̃a kayamanan sa mg̃a ginoó ay madalîng sabihin; subali’t may mg̃a kawal, mg̃a pulés, guardia civil. Ng̃ayong nagugunitâ ko ang mg̃a ito, akó’y pinanglalamigán ng̃ takót sa mg̃a tanikalâ at sa bilangûan; ang mg̃a kanyón nila’y ginawâ ukol sa bagay na iyan, upang maipagtangol ang mg̃a ginoó, at hindî sa anó pa man.
Horhe.—Iya’y talastas na, kaibigan kong mang Hosé, na ang mg̃a pulés at ang hukbó ay upanding makatanikalâ sa bayan, at nang mapapanatag ang katahimikan ng̃ mug̃a ginoó; dátapuwa’t kung sila’y mayroón mang mg̃a baríl at kanyón, ay hindî nang̃ang̃ahulugán na ang himagsikan ay gaganapin ng̃ walâ tayong kaanóanó man sa kamay. Totoóng bihasá tayong mamaríl, at sa pamamagitan ng̃ mg̃a agap at liksí ay mapagsisikapan natin ang ikapananagumpay. At sakâ may pulburá, may dinamita at ibá pang bagay na nunutok, mg̃a bagay na panunog at ibá pang mg̃a kagamitán, na kung sa mg̃a kamay ng̃ pámahalaán ay nagagamit na panalì sa bayan sa kaalipnán, sa mg̃a kamay ng̃ bayan naman ay magagamit na pangtuklas ng̃ kaniyang kalayàan. Ang mg̃a panggibâ, mg̃a pangmina, mg̃a bomba at mg̃a panunog, ay pawàng panghadlang sa mg̃a kawal. Tayo’y hindî mananalang̃ing mabuti, alalaón bagá’y magamit na kalasag sa bagay na iyan. Dati nang alám na ang himagsikan ay hindî nakukuha sa mg̃a binasbasáng tubig at mg̃a panalang̃in.
Unawàin ninyó, sa isang dakó, na ang mg̃a dukhâ’y siyang pinakamarami sa lahat, at kung matatalos ng̃ mg̃a ito ang mg̃a kapakinabang̃án sa sosialismo, ay táhasang masasabi na walâng lakas na sino man, sa mundó, na makapipilit sa kanilang manatili sa kalagayang tulad sa ng̃ayon. Tantuín ninyó na ang mg̃a dukhâ’y yaóng gumagawâ at nakayayarì ng̃ lahat. Kasakdala’y isang bahagi na lamang sa kanila ang tumigil sa paggawâ, ay walâng salang dî magkakaroon ng̃ mg̃a pagaagawáng-buhay at panghihinà ang kalakarán, na walâng makalulunas kundî himagsikan. Tantuín pa ninyó, na ang mg̃a kawal ay pawàng mahihirap din, na napipilit lamang ng̃ tungkulin upang maniktik at maging mamámatay ng̃ tunay nilang mg̃a kapatid; sa bahagiyâ pang pagkaunawà ng̃ mg̃a banal na layunin, ay pilit nang magigiliw at makakatulong ng̃ palihím sa mg̃a unang sandalî, at sa hulí’y háyagan nang katulong ng̃ bayan. Sa gayo’y mawiwikà ninyó tulóy sa sarili, na ang himagsikan palá’y hindî lubhâng napakahirap, gaya ng̃ kung binabantâ pa lamang.
Nararapat mátalâng lagì sa isip na ang himagsika’y lubós na kailang̃an; nararapat humandâng lagì sa pagganap at lumaán sa anó mang mangyayari…; huwág magalinlang̃an na ang bagay na pinaguusapa’y dî mangyayari, sa kusàin at hindî man.
Hosé.—Akó’y nananalig na may matuwid ka sa iyong sinasabi. Dátapuwâ’t mayroón din namang nagpaparirala na ang himagsikan ay walâng saysay, at ang lahat ng̃ bagay ay tulad din sa mg̃a bung̃ang nahihinog na kusà. ¿Anó kayâ naman ang maisasagot mo rito?
Horhe.—Dapat pò ninyong matalos na buhat pa nang lumagálaganap ang sosialismo, at ang mg̃a burgés, ó ang mg̃a ginoó’y magkaroon ng̃ takót sa bagay na ito, ang lahat ng̃ paraáng makababago ng̃ lakad at makadadayà sa bayan ay siya na nilang pinakaisip. Lahat, patí ng̃ mg̃a harì…, mandi’y nagpapanggap nang mg̃a sosialista. Maipauubayà ko na sa inyong pagkukurò, kung anó kayâng urì ng̃ sosialismo ang malilikhâ ng̃ mg̃a ito. Sa sinapupunan man ng̃ aming pagsasamahán, sa kasawiáng palad, ay mayroón ding nang̃agsilabas na mg̃a taksil, na dahil sa mg̃a hibòng naipanglamuyot sa kanila ng̃ mg̃a burgés, at mg̃a sarili pang kapakinabang̃ang matatamó, upang maitakuwil ang layon ng̃ himagsikan, ay kanilang ipinang̃aral ang landas ng̃ matuwid, ang mg̃a halalan, ang pagtulong sa mg̃a pangkatin, na dî umanó’y mg̃a kapanalig din, at sa ganitong pamamaraa’y nang̃agkamit sila ng̃ luklokan sa piling ng̃ mg̃a burgés, at ng̃ayó’y ipinalalagay pang mg̃a ulól ang lahat ng̃ nagtataguyod ng̃ naturang layon. Marami rin naman sa kanila ang nagnanasà ng̃ himagsikan; ng̃unì’t samantala’y… ibig nila munang managing diputado.
Kapag may nagpahayag sa inyo na ang himagsika’y hindî kailang̃an, ó kayâ’y nanguupat lamang na maghalal ng̃ mg̃a diputado, ó pog̃a kagawad-panglahat, ó kayâ’y ng̃ pakikianib sa alin mang pangkatin ng̃ mg̃a burges; kung ang nagsasalitâ’y isang kasama at gaya rin ninyong nagtitigis ng̃ pawis, ay pagsikapang mapaliwanagan ang kaniyang isip; ng̃unì’t kung siya’y isang burgés, ay ipalagay naman ninyong isang tunay na kaaway, at kayó’y magpatuloy sa inyong layunin.
Itigil natin muna ang salitaan. At sakâ na pò tayo magusap ng̃ lalòng mahabâhabâ tungkol sa bagay na pinaguusapan. Hangang sa muling pagkikita.
Hosé.—Hangang sa mulî, at akó’y ganap na nasisiyahang loob, sapagka’t naipaliwanag mo sa akin ang maraming bagay; at ng̃ayong maliwanagan na akó, marahil, ay hindî na mangyayari sa akin ang kaparis ng̃ dati. Hangang sa mulîng pagkikita.
Hosé.—Hintay ka muna. Yamang kitá’y nagkakapulong din ng̃ayon, nang dî tayo magkahiwalay ng̃ tuyô ang mg̃a lalamunan ay uminom katá muna ng̃ kauntî, at samantala’y magtatanong pa akó sa iyo ng̃ ilang bagay.
Ang lahat ng̃ mg̃a ipinaliwanag mo sa akin ay napagunawa ko na…, mámaya’y pagbubulaybulayin ko, at sakâ akó’y magpapakatibay ng̃ pananalig sa sarili. Dátapuwâ’t hindî mo naiulat sa akin halos ang mg̃a kahulugán ng̃ mg̃a maseselan na pang̃ung̃usap na malimit kong marinig, kapag ang napaguusapa’y ang bagay na iyan. Yaó’y nakagugulong lubhâ sa aking úlo, palibhasà’y hindî ko nababatid. Sa halimbawà, narinig ko riyan na kayó’y mg̃a komunista, sosialista, internasionalista, kolektibista, anarkista, at ibá pa. ¿Maáari bang matalós ko ang mg̃a kahúkahulugán ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap na ito, at kung anó naman kayóng tunay?
Horhe.—¡Ah! tumpak pò; nakagawa kayó ng̃ magaling sa inyong pagtatanong niyan, sapagka’t ang mg̃a pang̃ung̃usap ay totoóng kailang̃an upang magkatalusang mabuti ng̃ bawà’t ibig sabihin ng̃ isa’t isa. Ang hindî pagkaunawà noón, ay nagiging dahil ng̃ mg̃a pagkakamalî.
Dapat ng̃â ninyong matalastas na ang tinatawag na mg̃a sosialista’y yaóng may mg̃a pananalig, na ang kaimbihán ay siyang kaunaunahang sanhî ng̃ lahat ng̃ samâ sa pagsasamahán ng̃ mg̃a tao, at hangang hindî napapawì ito, ay hindî rin naman mapaparam ang kamangmang̃án, ang pangaalipin, ang pagtatang̃ìtang̃ì sa pamamayan, ang pagkalugmok sa kahalayan ng̃ mg̃a babayi at ibang mg̃a sakít na nakabubulok sa bayan sa lalòng nakapanglulumóng kalagayan, bagama’t ang mg̃a ito’y hindî pa rin maipapantay halos sa mg̃a karukhaáng nagbubuhat sa naturang kaimbihán. Ang mg̃a sosialista’y nananalig na ang sanhî ng̃ kaimbihán, ay buhat sa pangyayari na ang lupà at lahat ng̃ mg̃a pang̃ulong bagay, gaya ng̃ mg̃a mákina at mg̃a kasangkapan sa paggawâ, ay hawak ng̃ íilang katao, na siyang may hawak ng̃ búhay at kamatayan ng̃ mg̃a anák-pawis. Ang íilang kataong naturan ay walâng humpáy sa kanilang lagáy na pakikitungalî at pakikipang̃agáw, hindî lamang sa mg̃a manggagawàng walâng kaanóanó mang pagaarì, kundî sa kanikanila rin, upang makahigít ó makakuha sa isa’t isa ng̃ pagaarì. Ang mg̃a sosialista’y nananalig na kapag nawalâ ang pagmamay-arî ng̃ tao, ó ang sanhî, ay mawawalâ rin agad ang kaimbihán, ó ang bung̃a. Ang pagmamay-arîng ito ay maáarì at nararapat mawalâ, sapagka’t ang bung̃a ng̃ paggawâ at ang pamamahagi ng̃ kayamanan, ay nararapat mabatay sa bawà’t kabuhayan ng̃ayon ng̃ tao, na walâng anó mang liling̃unin sa tinatawag na mg̃a karapatáng nátamó, ó kayâ, sa mg̃a kaloob na tang̃ìng kapangyarihang itinututol ng̃ mg̃a ginoó ng̃ayon, sa katuwirang ang kanilang mg̃a ninunò’y lalòng malalakas ó lalòng mapapalad, ó lalòng mg̃a tuso, ó lalòng mg̃a banal at masisipag na higit sa ibá.
Gayon ng̃â, tandaán ninyong mabuti; tinatawag na mg̃a sosialista ang lahat ng̃ nagaadhikâ na ang mg̃a kayamana’y mápasalahat ng̃ tao, at nagnanasà rin namang mawalâ ang mg̃a may-arì at mg̃a manggagawà, mg̃a mayayaman ó mg̃a mahihirap, mg̃a pang̃inoón ó mg̃a alagad.
Nang mg̃a nagdaáng taón, ito’y naging kaugalìan na. Sukat nang matawag kang sosialista, upang ikaw’y pagusigin at pagtanimán ng̃ mg̃a ginoó. Minamabuti pa nila ang isang laksâng nanatay ng̃ tao kay sa isang sosialista. Subalì, gaya na ng̃â ng̃ nasabi ko sa inyo, nang makita ng̃ mg̃a ginoó at ibig mang̃aging ginoó, na ang sosialismo’y sumusulong at namumulat na ang mg̃a matá ng̃ bayan, kahì’t anóng hadlang ang kanilang gawíng mg̃a paguusig at mg̃a pagpalibhasà, ay naisip nila ang pang̃ang̃ailang̃ang guluhín ang súliranin, upanding sila’y makálinlang na mabuti; marami sa kanila ang nang̃agsisipagpangap na sila’y sosialista rin, sapagka’t sila ma’y nagmimithi ng̃ kaginhawahan ng̃ bayan, at sapagka’t natatalos nilang lubos ang pang̃ang̃ailang̃ang mabawasan ang kaimbihán. Nang una’y ipinaglalaban nila, na, ang súliraning pinaguusapan, ó kayâ, ang súliranin tungkol sa kaimbihán at mg̃a samâng ibinubung̃a nitó, ay hindî dinaranas. Ng̃ayong ang sosialismo’y nakapaninindig na ng̃ kanilang mg̃a balahibo, ay sakâ naman nang̃agpaparirala na sosialista raw silang lahat na nagaaral ng̃ naturang súliranin, gaya ng̃ maitatawag sa isa riyang médikong nagaral tungkol sa mg̃a sakít ng̃ katawán, na hindî dahil sa nasàng makagalíng ang paggamot, kundî lalong mapatagal ang sakít, hanga’t maaari.
Kayâ ng̃â’t sa mg̃a republikano, mg̃a makaharì, mg̃a hukóm, mg̃a pulés, at sa lahat na ng̃ luwal, ay makakasumpóng kayó ng̃ mg̃a taong nagsisipagpanggap na sosialista, at ang kanilang sosialismo’y natutung̃od sa paghutok, ó sa pagpapahalal ng̃ mg̃a diputado, sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang̃akòng hindî maáasahan, pagpilitan man.
Sa mg̃a sinung̃aling na sosialistang ito’y mayroón din namang mapupuló na nagaakalàng mabuti ang kanilang ginagawâ; ng̃unì’t ¿anóng kailang̃an? Kung sa pagaakalà ng̃ isa na siya’y gumagawâ ng̃ magaling, ay papatayin naman kayó ng̃ palò, marahil ay walâ kayóng aagapan, kundî maagaw sa kaniyang mg̃a kamay ang pamalò, sapagka’t sa pagagaw na ito, ang mg̃a tika ninyó’y mailagan lamang na huwag makapangbasag ng̃ inyong ulo.
Kayâ ng̃â’t kapag may isa riyang nagpaparanghiyâ sa inyo na siya’y sosialista, itanong ninyo agad kung siya’y sangayong mawalâ ang mg̃a pagmamay-arî ng̃ tao, kayâ, sa isang salitâ, kung ibig niyang maalisán ang mg̃a ginoó ng̃ lahat nilang kayamanan, upang maipabiyayà sa lahat. Kung tumugon ng̃ pagsangayon, siya’y inyong pakayakaping mahigpit, at kung hindî, ay pakailagan namang tulad sa isang kaaway.
Hosé.—Kung gayón, ikaw ay sosialista. Batid ko na. Ng̃unì’t ¿anóng ibig sabihin ng̃ mg̃a tinatawag na komunista at kolektibista?
Horhe.—Ang mg̃a komunista at kolektibista’y pawàng mg̃a socialista. Sila’y may iba’t ibang panuntunang ibig matupad, kapag ang mg̃a pagaarì’y nápatung̃o na sa lahat. Kung inyong naaalaala, tila akó’y nakapagulat na sa inyo ng̃ kauntî ukol sa bagay na ito. Ang mg̃a kolektibista’y may palagay na ang bawà’t manggagawà, ó sa táhasang sabi, bawà’t kapisanan ng̃ mg̃a manggagawà ay nararapat magarì ng̃ mg̃a pang̃ulong bagay at mg̃a kasangkapan sa paggawâ, at ang bawà’t isa’y maging may-arì ng̃ bung̃a ng̃ kanilang nagawâ. Samantalang nabubuhay, siya ang bahalàng maggugol ó maging̃at ng̃ kaniyang naimpok, tang̃ì lamang kung pupuhunanin sa ibang mg̃a manggagawà. At kung mamatay, sakalìng nakapagimpok, ang naimpok na ito’y mapapatung̃o sa kapisanan ó sa kalahatán. Ang mg̃a anák nila’y walâng salang may mg̃a lakas din sa paggawâ, gayon din sa paglasap ng̃ mg̃a bung̃ang ito. Kung ang mg̃a anák na natura’y pagmamanahin pa, ay isa nang landas iyan upang mápabalik ang bagong pagsasamahán sa dating pagtatang̃ìtang̃ì at dî pagpapantaypantay ng̃ mg̃a tao. Tungkol sa mg̃a pagtuturò, sa pagaalagà sa mg̃a batà, sa mg̃a matatandâ ó mg̃a salantâ sa paggawâ; sa mg̃a daán, tubig, pagiilaw at kalinisang-bayan, at sa mg̃a bagaybagay na dapat magampanán, alangalang sa kapakinabang̃án ng̃ lahat, ang bawà’t ka pisanan ng̃ mg̃a manggagawà’y maguukol ng̃ isang halagá upang maitapat sa mg̃a taong magsisitupad ng̃ gayóng mg̃a gáwàin.
Ang mg̃a komunista’y sa dako pa roón. Sinasabi nila na upang mápasulong na mabuti ang pagsasamahán, kinakailang̃an, na ang mg̃a tao’y magmahalan at magpalagay ang tulad sa isang magának sa loob ng̃ bahay. Yayamang ang mg̃a pagaarì’y nararapat mápatung̃o sa lahat, at upang makapagpaginhawa ang mg̃a mákina, maparami ang bilang ng̃ bung̃a ng̃ paggawâ, ay dapat gampanín sa pamamagitan ng̃ tulong ng̃ mg̃a malalaking kapisanan ng̃ mg̃a manggagawà; at, yayamang, upang masamantalá ang mg̃a pagbabagong sing̃áw ng̃ lupà at mg̃a himig ng̃ hang̃in, upang magawâ ang lalòng mabubuti’t inaakalàng mainam na paraán sa bawà’t pook, at sa isang dakó, upang mailagan ang mg̃a pagpapang̃agawán at pagtataniman ng̃ mg̃a bayánbayán, at nang malunasan ang mg̃a pagdagsâ ng̃ mg̃a tao sa mg̃a pook na mahusáyhusáy, ay mahigpit na kailang̃an ang lubos na pagkakaisá ng̃ lahat ng̃ tao sa buông mundó; sapagka’t ang isa pa’y napakahirap tuntunín sa bung̃a ng̃ paggawâ ang bahaging nauukol sa gayong tao ó pulutong, ay sa lugál na tayo’y magkaroon ng̃ mg̃a pagaabalá at pagkakamalî tungkol sa nagagawâ ng̃ bawà’t isá, ang mabuti pa’y gumawâ na tayong lahat, at ang magiging bung̃a’y maukol sa kalahatán.
Ganyan, bawà’t tao’y maghahandog sa pagsasamahán ng̃ kaniyang mg̃a lakás na maibibigay, samantalang ang bung̃a ng̃ paggawâ’y hindî nakasasapat sa lahat; at ang bawà’t isa’y kukuha ng̃ lahat niyang kailang̃anín, maliban lamang, at ito’y dapat pakaunawàin, sa mg̃a bagay na hindî pa saganà, alinsunod sa mg̃a pangyayari.
Hosé.—Sandalî muna, Bago ang iba pa, ay nararapat mong ipaliwanag sa akin kung anó ang kahulugán ng̃ pang̃ung̃usap na pagkakaisá; sapagka’t naihiwatig mo, na dapat magharì ang lubos na pagkakaisá ng̃ lahat ng̃ tao, at ako, pará matantô mong tunay, ay talagang hindî nakakaunawà noon.
Horhe.—Sa halimbawà, sa inyong magának, ang lahat ng̃ kinikita ninyo, ng̃ inyong mg̃a kapatid, ng̃ inyong asawa, ng̃ inyong mg̃a anák, ay pawà ninyong naiuukol sa inyong lahat din. Lahat kayóy nagsisikain ng̃ ganap, at kapag walâng sapat pará sa inyong lahat, lahat kayo’y nagdadálitâ sa tigkakauntî. Ng̃ayon, kung ang isa sa inyo’y mawalán ng̃ gáwàin ó magkasakít ay masamâ rin pará sa lahat, sapagka’t isang katotohanan, na ang hindî gumagawâ sa inyo’y kumakain ding tulad ng̃ ibá, at ang isang may sakit ay lalò pang pinagkakagugulan ng̃ marami. Sa ganitong paraán, ang nangyayari sa inyong magának, sa lugál na agawin ang tinapay sa bibig ng̃ isa’t isa, ay sinisikap ninyó ang pagtutuwang̃an, sapagka’t ang kaginhawahan ng̃ isa’y kaginhawahan din ng̃ l ahat, at ang kasamá’y gayo’t gayón din. Sa ganitong ayos, napaparam ang pagtataniman at pagiingitan, samantalang lumulusog ang magandang pagsasamahán, na kailan ma’y hindî umiiral sa alin mang magának na bahábahagí ang mg̃a pagkabuhay.
Ito ang tinatawag na pagkakaisá. Ang layon ng̃â’y maisagawâ sa katauhan ang maayos na pagsasamaháng naghaharì sa isang magának, na binubuô ng̃ mg̃a taong masintahin sa katotohanan.
Hosé.—Napagunawà ko na. Ng̃ayo’y pagbalikan natin ang bagay. Ipagtapat mo sa akin, kung ikaw ay komunista ó kolektibista.
Horhe.—Ako pò’y komunista. Sapagka’t kung makikipagkaibigan din lamang, ay mahalagá ang ganap kay sa pakalákalahatî. Ang kolektibismo’y may iniiwan pang mg̃a binhi ng̃ pagpapang̃agáw at pagtataniman. At mayroon pa. Kung ang bawà’t isa’y magpapakabuhay lamang sa sarili niyang nagagawâ, tila mandin may kababâan ang urì nitó sa komunismo, sapagka’t maáarìng makapagudiyok din sa mg̃a tao ng̃ mg̃a pamumukuran, at sa gayo’y makababawas pa ng̃ kanilang mg̃a lakas at kasiglahán. Gayon ma’y maáari ring makapagpatuloy sa ganitong panuntunan. Subalì, gaya sa halimbawà, ng̃ sapatero ay hindî makakakain ng̃ sapatos, ni ang magbabakal at magsasaka ay hindî makayayarì sa kanilang sarisarili ng̃ lahat nilang kinakailang̃an, at ni hindî matatamnán halos ang lupà kung walâng mg̃a manggagawàng tumitibag ng̃ mg̃a bakal at ng̃ mg̃a yumayarì ng̃ mg̃a kasangkapan. Ganyan ang lahat, kailang̃an pang magkaroon ng̃ mg̃a pakikipagpalitan ng̃ bawà’t nagagawâ, at mg̃a pagtutuós ng̃ mg̃a nayayarì ng̃ bawà’t isa. Sa makatuwid, ang sapatero’y makapagtataás na walâng sala ng̃ halagá ng̃ kaniyang sapatos, tulóy hahang̃arin na ang dalawang paá noó’y mákatimbang na, hanga’t maáarì, ng̃ malaking halagá ng̃ sa ibang bagay, at ang magsasaka man, kung gayo’y ganyan din ang aasalin. ¿Sino kayâ ang makaáayos ng̃ gulóng ito? Ang kolektibismo’y nagbibigay daán mandin sa maraming saligutgutan, at sa kinagaganito, marahil, ay mápabalik tayo sa pinangaling̃an natin; sapagka’t dapat mágunitâ: na ang tao’y hindî makaáayos ng̃ alin mang bagay, hangang siya’y walâng kaanóanó mang hang̃arin doón.
Samantalang sa komunismo ay dî gayon, bagkus hindî nagluluwag ng̃ anó mang daáng makapipinsalâ. Lahat ay magsisigawâ at lahat ay makikinabang. Sukat nang matalós kung anó ang mg̃a bagay bagay na kailang̃anín, upang masapatán ang lahat, at upanding ang mg̃a bagaybagay na naturan ay siya ring mapasaganà.
Hosé.—¿Sa komunismo, kung gayon, ay hindî na kakailang̃anin ang salapî?
Horhe.—Ni salapî, ni anó man pò’y hindî na kailang̃an. Sukat na pò ang isang talàan ng̃ mg̃a bagay na pabilin ó nahing̃î at ng̃ mg̃a nagawâ, upanding ang bung̃a ng̃ paggawâ’y tumaás na lagì kay sa dami ng̃ mg̃a kailang̃an ng̃ tao.
Ang tang̃ìng kapinsalâan ay kung dumami ang bilang ng̃ mg̃a tamad; dátapuwâ’t naiulat ko na sa inyo ang mg̃a matuwid, na ang paggawâ, na parang isang napakabigat na parusa ng̃ayon, ay magiging isang kaaliwaliw at marang̃al na tungkulin ng̃ tao búkas, at dahil dito’y masasabing táhasan, na ulól ng̃ tunay ang taong tumangí pa sa paggawâ. Naiulat ko na rin sa inyo, na ang lalòng pinakapang̃it na mangyayari ay kung sakalìng magkaroon ng̃â ng̃ ilang nanangí sa paggawâ, na bung̃a ng̃ masamâng turòng natanggap natin, ó sa alin mang babalâng nararapat sundín, bago mápatatag ang bagong pagsasamahán, at ang bung̃a ng̃ paggawâ’y maparami at mabahagi, alinsunod sa mg̃a pang̃ang̃ailang̃an, ay inuulit ko, sakalìng magkaroon ng̃â ng̃ gayong mg̃a tao, na sila’y itapon agad ng̃ kalahatán. Bigyan sila ng̃ mg̃a pang̃ulong bagay at ng̃ mg̃a kasangkapan sa paggawâ, upang sila’y kumilos ukol sa kanilang sarili. Ganyan ang mainam, kung ibig nilang kumain, sila’y makagagawâ. Ng̃unì’t makikita ninyo na ang ganitong mg̃a pangyayari’y hindî lilipanà.
Sakâ, ang gagawin natin, sa pamamagitan ng̃ lakas, ay ibigay sa kalahatán ang mg̃a lupà, mg̃a pang̃ulong bagay, mg̃a kasangkapan sa paggawâ, mg̃a gusalì at ang lahat ng̃ kayamanan. Tungkol sa kaayusan at pamamahagi ng̃ bung̃a ng̃ paggawâ, ang bayan na ang bahalà ng̃ kaniyang maiibigan. Isang bagay ang magsalitâ at iba naman ang gumawâ. Sa mg̃a pangyayari na makukurò kung alin ang lalòng mabuting panuntunan. Ang totoó’y maáarìng pagaralan na ng̃ayon pa. Sa halimbawà, sa ilang mg̃a pook ay maitatag ang komunismo, sa ibá’y ang kolektibismo at sa ibá pa’y iba naman. Kung alin sa mg̃a panuntunang ito ang makitang magaling ay siyang gaganapin ng̃ lahat.
Ang pinakabuod pò, alalahanin ninyong mabuti, ay walâ nang may tankâin sa paguutós, sa pagmamay-arì ng̃ lupà at ibá pang mg̃a sangkap sa paggawâ. Sa bagay na ito’y nararapat magpakatalas, upang makasugpô agad, sakalìng may mangyari, at kasakdala’y gumamit na tuloy tayo ng̃ mg̃a sandata. Ng̃unì’t ang ibang panuntuna’y malayàng makapagpapatuloy.
Hosé.—Iyan ma’y natatahô ko na rin. Ipaliwanag mo sa akin ng̃ayon kung anó ang anarkía.
Horhe.—Ang anarkía pò’y nagkakahulugán ng̃ walâng pámahalaán. ¿Dî pò ba nasabi ko na yatà sa inyo, na yamang ang pámahalaá’y walâng saysay, kundî manangkilik lamang sa mg̃a ginoó, kayâ’t kung magkakatuusan, ay malinag na walâ tayong nararapat pakasikapin gaya ng̃ mahangahán ang kanilang nakasusuyà nang mg̃a paguutós sa atin? Sa lugál ng̃ ginagawìng paghahalal sa mg̃a diputado at mg̃a kagawad, na lumilikhâ ng̃ mg̃a kautusán at lumalabag (palibhasà’y nauukol lamang sa atin ang pananalima), ay tayotayo na rin ang magsisiganap ng̃ mg̃a bagaybagay na nauukol sa atin, at gayón din ang sa ibá pang bagay na kailang̃ang pagpasiyahán. Sakalìng mahigpit na kailang̃ang ipagkatiwalà pa sa isa ang ikatutupad ng̃ mg̃a pinagpapasiyahán natin, ay gayón ang ating gágawin at walâ na.
At gayon din, kapag mauukol sa mg̃a maseselang bagay na hindî natin mapagpapasiahán agad, tayo’y hahanap ng̃ lalòng may kayang makapagaaral, makapagsusuri noón at makapagpapalagay ng̃ tumpak, sa makatuwid walâng ganap na makapaghaharì sa bagong pagsasamahán, kundî ang niloloob niya. Gaya ng̃ ating mg̃a kinatawán, sa lugál na maging mapapalad na tao na bibigyan ng̃ mg̃a karapatáng makapagutos sa atin at sa ibabaw nitó’y makagawâ ng̃ mg̃a kautusáng mahihigpit, sila ang mapipilìng mg̃a tao sa lalòng pinakamatatalino sa lahat ng̃ bagay, na dî magtataglay ng̃ anó mang kapangyarihan, maliban sa mg̃a tungkuling ipinapapasan sa kanila ng̃ mg̃a naghalal; sa halimbawà: isa ang mang̃ang̃asiwà sa pagtatatag ng̃ mg̃a páaralan, kayâ, sa pagbubukás ng̃ mg̃a daán, ó tungkol sa pagpapalitan ng̃ mg̃a bung̃a ng̃ paggawâ na katulad din naman kung tayo’y nagpapagawâ ng̃ sapatos sa isang sapatero.
Ito pò ang tinatawag na anarkía. Kung ipaliliwanag ko sa inyo ng̃ ganap ang bagay na ito, ay mang̃ang̃ailang̃an tayo ps mahabâhabâng oras, gaya ng̃ nagamit na natin. Sa mulîng pagtatagpô, sakâ na pò natin pagusapang mabuti ito.
Hosé.—Siya ng̃â, ng̃unì’t samantala, yamang inuntag mo sa akin ang paguusisà, akó’y bigyan mo pa sana ng̃ ilang paliwanag tungkol sa bagay na pinaguusapan.
Iulat mo sa aking mabuti kung páano ang isang mangmáng na marálitâng gaya ko, upang makabatid ng̃ mg̃a bagaybagay na tinatawag na pulítika, at nang matantô ko ang mg̃a ginagawâ ng̃ mg̃a ministro at diputado.
Horhe.—¿Kung anó ang ginagawâ ng̃ mg̃a ministro at diputado, upang kayó’y mamanglaw ng̃ gayón na lamang kung hindî ninyo matutuhang gawín yaón? Lumilikhâ ng̃ mg̃a batás at lagìng naghahandâ ng̃ mg̃a lakas upang masupil ang bayan at mapagtibay ang mg̃a panggagagá na inaasal ng̃ mg̃a may-arì. Iyan ang lahat. Ang karunung̃ang ito’y hindî na pò natin kailang̃ang pagaralan pa.
Tunay ng̃â na ang mg̃a ministro at diputado ay gumaganáp din naman ng̃ maraming bagay na mahahalagá at kailang̃an; ng̃unì’t dahil sa pagkakaroon ng̃ mg̃a lahok na nakasisira upang mahulog ang kapakinabang̃án sa isang urì ó sa isang taong mapalad, ó kayâ, upang mápabalantong ang lakad ng̃ bayan, sa pamamagitan ng̃ mg̃a alituntunin nilang walâng saysay at pangpahirap, ang lahat ng̃ ito’y hindî nang̃ang̃ahulugán na sila ng̃â’y gumaganap ng̃ naturang mg̃a bagay. Sa halimbawà pa: sila’y nakikialam sa pagpapagawâ ng̃ mg̃a bagaybagay sa perokaril; dátapuwâ’t upang mayarì at magamit na mahusay ang perokaril ay walâ namang naitutulong ang mg̃a taong iyan, sa páano man; ang mg̃a inhenyero, mg̃a mekániko, mg̃a manggagawà, at ibá’t ibang mg̃a kawanî ay siyang kailang̃an, sapagka’t mang̃awalâ mang tunay ang mg̃a ministro, mg̃a diputado at ibá pang mg̃a nagbubuhay-dapò, ay parang walâng anó man.
Gayon din ang masasabi tungkol sa pahatirang sulat, pahatirang-kawad, sa paglalayag, paaralang bayan, mg̃a ampunang bahay, na pawàng nagaganap sa pamamagitan ng̃ ibá’t ibang hanap-buhay, gaya ng̃ mg̃a kawanî, telegrapista, mangdaragat, gurò, médiko, na pawàng itinataguyod ng̃ pámahalaán upang pagpasanin, paggugulin at masipsipán ng̃ mg̃a dugo.
Ang pulítika, gaya ng̃ pagkatalog at ginaganap ng̃ mg̃a tao ng̃ pámahalaán, sa ati’y totoóng napakahirap, sapagka’t walâ nang pinagpupunyagián kundî ang mg̃a bagay na napakaangháng pará sa mg̃a manggagawà, at sapagka’t walâ nang kapakúpakundang̃an sa tunay na kabuhayan ng̃ bayan, maliban sa tayo’y dayàin at pakasupilin. Dátapuwâ’t kung ang paguusapa’y ukol sa ikalulunas ng̃ mg̃a daíng ng̃ bayan, makikita ninyó’t ang bagay na ito’y mabigat na mabigat naman sa mg̃a diputado, at sa ati’y magaán.
Sa buông nangyayari ¿anóng inyong mahahanap sa mg̃a diputadong naninirahan sa Roma upang makatalastas ng̃ mg̃a kailang̃anín ng̃ lahat ng̃ siyudad at ng̃ mg̃a bukirín sa Italia? ¿bákit ninanais ninyó sa mg̃a taong nagaksayá ng̃ panahon, ang karaniwan, sa pagaaral ng̃ latín at griego, at hangang sa kasalukuya’y nagaaksayá pang malabis sa lalòng dî pakikinabang̃an, na makatalos ng̃ mg̃a lihim ng̃ ibá’t ibang hanap-buhay? Maáaring mahanap at manais sa isa, kung ang mg̃a bagay na panghihimasukan nitó ay kaniyang natatantô, at kung ang mg̃a pang̃ang̃ailang̃a’y kaniyang dinaranas at nakikita.
Kapag naisagawâ na ang himagsikan, tayo’y magsisimulâ muna sa ibabâ, bago tutung̃o ng̃ paitaás. Ang baya’y nahahatì sa mg̃a samásamahán at sa bawà’t isa’y may kanikaniyang hanap-buhay. Sa udiyok ng̃ matínding nasà at bung̃a ng̃ matamáng pagpapalaganap, ang mg̃a samaháng iya’y magiging malalaking kapisanan. Ng̃ayo’y sagutin ninyó sa akin kung sino ang ibang makatatalos ng̃ higit sa inyo tungkol sa samahán at hanap-buhay ninyó.
Kapag nagkakaisa na ang maraming samahán ó hanap-buhay, ang mg̃a kinatawá’y bubuô ng̃ malaking kapulung̃an upang magdalá ng̃ mg̃a botong ipinadadalá sa kanila, at kanilang sisikaping malunasan ang mg̃a kailang̃anín at ibá’t ibang mg̃a kahiling̃an ng̃ lahat. Ang mg̃a pagpupulong ay lagìng pamamagitanan ng̃ mg̃a patibay at pagsa ng̃ayon ng̃ mg̃a naguutos ó ng̃ bayan, sa makatuwid, walâng pang̃anib na ang mg̃a hang̃arin nã bayan ay málibing sa limot.
At sa ganitong paraán, magaganap ang maligayang pagkakaisá ng̃ buông katauhan.
Hosé.—Ng̃unì’t kung sa isang bayan ó sa isang kapisanan ay magkaroon ng̃ ibá’t ibang pagkukurò ang mg̃a tao ay ¿pâano kayâ ang mangyayari? ¿Dî ba magwawagi ang pinakamarami?
Horhe.—Sa katuwiran pò’y hindî, sapagka’t sa harap ng̃ katotohanan at ng̃ katarung̃an ay walâng halagá ang bilang, at kung minsan, ang isa’y may lubos na matuwid kay sa sangdaáng libo katao. Sa mg̃a pangyayari ay maáayos ang lahat; gagamitin ang lahat ng̃ kaparaanán upang maganap ang pagkakaisá, hanga’t maáari, ó kayâ, ang pagpapasiyá sa ganitong bagay ay manggagaling sa hatol ng̃ pang̃atlong taong walâng kinikiling̃an, sa ilalim ng̃ dî mapupuwing na simulàing pagpapantaypantay at ng̃ katarung̃an, na siyang pinakapátakaran ng̃ bagong pagsasamahán ng̃ mg̃a tao.
Tantuín ninyó na ang mg̃a nabangit na bagay na dî mapagpapasiyahán, maliban sa hatol ng̃ pang̃atlong taong walâng kinikiling̃an ay totoóng madalang, kung mangyayari man, ó walâng tantông kabuluhán, sapagka’t hindî na mamamalagì iyang mg̃a kanikaniyahang mg̃a pagaarìng umiiral ng̃ayon, sapagka’t bawà’t isa’y malayàng makapipilì ng̃ bayan at kapisanang naiibigan ó kayâ, ng̃ mg̃a kasamang lalò niyang kapanalig, at sapagka’t, kailan man, pagsisikapan ang makapagpasiyá ng̃ mg̃a bagay na maliliwanag, alalaón bagá’y yaóng madalîng mawatasan at nasa larang̃an ng̃ tunay na mg̃a pangyayari, at labás sa larang̃an ng̃ mg̃a pabagobagong pagkukurò. At samantalang sumusulong ang katauhan, ay lalòng mawawalán ng̃ saysay ang boto, malulumà at makasusuyà pa, sa dahilang kapag nakita, alangalang sa masusìng pagsasanay, sa isang suliranin, ang kapasiyaháng makasasapat sa mg̃a pang̃ang̃ailang̃an ng̃ lahat, sa makatwid, ay walâ nang kakailang̃anin kundî ang magpaliwanag at sumangayon na lamang, at dî na íiral ang paggapì pa ng̃ marami sa pagkukuròng nalalaban.
Hosé.—Dátapuwâ, kung sa kabilâ ng̃ lahat ng̃ iyan, dahil sa kapang̃ahasan ng̃ isa’y mayroon pang mang̃agsilabag sa isang pinagtibay, alangalang sa kagaling̃an ng̃ lahat?
Horhe.—Sa makatuwid pò’y maliwanag nang kailang̃an ang gumamit ng̃ lakas, sapagka’t kung hindî matuwid na ang marami’y lumapastang̃an sa íilan, ang íilan ma’y gayón din sa marami; at sapagka’t ang íila’y may karapatán sa paglalabán ó paglabag, ang marami nama’y mayroón din sa pananangol, at kung ang pananalitâ’y hindî sukat, sa makatuwid, ang mg̃a pamimiít na ang kailang̃an.
Huwag ninyong malilimutan na saán mang dako, ang mg̃a tao’y lagìng may karapatán sa mg̃a pang̃ulong bagay at sa mg̃a kasangkapan sa paggawâ; kayâ’t maáarì silang mamukuran at mamuhay ng̃ layâ at walâng nakasasakóp na sino pa man, Tunay na ito’y isang paraán ó kapasiyaháng makalulunas, sapagka’t ang mg̃a lumalabag ay maliling̃id sa mg̃a natatamóng pakinabang sa pagsasamahán, na dî magagawâ ng̃ pulutóng ó taong namumukuran na tumatangí sa tulong at damay ng̃ kalahatán… Ng̃unì’t ¿páano ang inyong ibig? sa ang tunay mang nanglalabáng iya’y hindî makapang̃atuwiran na ang kalooban ng̃ marami’y mapailalim sa kakauntî.
Manìwalà kayó, na sa labás ng̃ pagkakaisá, ng̃ pagiibigan, ng̃ ganap na pagdaramayán at ng̃ mg̃a kailang̃ang pagpapaumanhin, ay walâng maáantay, kundî mg̃a pagsisiilan at digmâang bayan; dátapuwâ’t umasa kayò, na sapagka’t ang pagsisiilan at digmâang-baya’y nakasasamâ sa lahat at lahat na, walâng natatang̃ì, sa bahagiyâ pa lamang ang mg̃a tao’y makapaghaharì sa kanilang kapalaran, ay magigiliw na walâng sala sa pagkakaisá, at dahil dito’y magaganap ang mg̃a banal nating mithîin, na magbubung̃a ng̃ kapayapaán, kaginhawahan at pagkasulong ng̃ sanglibután.
Italâ rin naman ninyó sa isip na ang pagkasulong, samantala ang pagkakaisá ng̃ mg̃a tao’y patuloy sa matulin nilang mg̃a hakbang̃in, ay gayón din namang lalò ang kanilang pagiging malayà at pagkamaykaya sa sarisarili nila. Ipalagay natin. Upang makapaglakbay ka ng̃ayon ng̃ mahabâhabâ at madalîng madalî sa katihan, ay kinakailang̃an ang sumakay ka sa tren. Ang tren, upang mayarì, maitatag at magamit ng̃ mg̃a tao’y kailang̃an din namang lubhâ ang tulong ng̃ marami, at kasakdala’y nasa loob na ng̃ anarquía ay tatangapin din ang mg̃a tuntuning mabubuti na mahahalaw, gaya ng̃ pagtingkalâ sa mg̃a orasán at ibá pang dapat gampanín. Dátapuwâ’t kung nay makálikhâ búkas ng̃ isang lokomotora, na sukat ang isang tao upang makapagpalakad na magisá saan mang lupalop ng̃ naturang lokomotora, at dî naman makapang̃ang̃anib sa kaniya at sa kanino pa man, walâng salang gagamit ka na nitó; hindî mo na kakailang̃anín ang lakas ng̃ iba pa, at ikaw’y malayàng makapaglalakbay anó mang oras saan man ibigin.
At ganyan din ang ibá pang mg̃a bagay na mababangit natin ng̃ayon, maging sa haharapin. Masasabi na ang hingil ng̃ pagkasulong ay umaabót sa pagkakapatiran ng̃ lahat ng̃ tao, at ito’y nahuhulog sa ganitong ayos: pagkakaisa ng̃ ugali at ganap na kasarinlan.
Hosé.—Magaling. Sa makatuwid, ikaw ay sosialista, at sa mg̃a sosialista, ikaw ay komunista at anarkista. ¿Bakit tinatawag ka pa nilang internasionalista?
Horhe.—Ang mg̃a kapisanan pò ng̃ mg̃a manggagawà’y pinamagatáng mg̃a internasionalista, sa dahiláng ang kaunaunahan at dakilàng pagpapahayag ng̃ sumisilang na sosialismo ay tinawag na Asociación Internacional de los Trabajadores, at upanding maibigkas ng̃ sa maiksîng pang̃ung̃usap ay ng̃inalanan ng̃ La Internacional.
Ang kapisanang ito’y sumilang noóng 1864, alangalang sa matindíng nasàng mapagkaisá ang mg̃a manggagawà sa lahat ng̃ bansâ ukol sa ikatitiwasay nã marálitâ nilang pamumuhay. Sa pasimulâ ng̃ kapisanang ito’y walâng takdâ ang kaniyang palatuntunan. Dátapuwâ’t ng̃ magkatakdâ na’y sakâ nagkaroón ng̃ mg̃a bahábahagí ó mg̃a sang̃ásangá, at hangang sa makapagtakdâ tulóy ng̃ anarkismo ang bahaging nang̃ung̃una sa kanila, na siya ko sanang ibig ipaliwanag sa inyo.
Ang kapisanang yaó’y hindî nabubuhay ng̃ayon, dahil sa mg̃a imbing paratang at mg̃a paguusig na inasal sa kaniya, dahil sa mg̃a pagbabahabahaging marawal at dî pagkakaisá ng̃ mg̃a kurò. Sa kapisanang ito sumupling ang dakilàng kilusán ng̃ mg̃a manggagawà na nagpapayanig ng̃ayon sa buông mundó, gayón din ang mg̃a pangkating sosialista sa ibá’t ibang bayan, at gayón din ang partido internacional socialista-anárquico revolucionario na ng̃ayó’y itinatatag, upang magbigay ng̃ isang mariíng hampás sa mg̃a burgés.
Ang pangkating ito’y sa pamamagitan ng lahat na paraán, may layuning magpalaganap ng̃ sosialismo ng̃ mg̃a anarkista; bakahin ang alin mang pagasa sa mg̃a loóbloób ng̃ mg̃a pang̃inoón ó ng̃ pámahalaán at sa mg̃a pagbabagong palakad na pabaytángbaytáng ó sa payapà; imulat sa bayan ang mg̃a katutubò niyang matuwid at ang diwà sa panghihimagsik, at isulong at tulung̃an sila upanding makaganap ng̃ isang himagsikang-panglahat, ó kayâ ibagsak iyang kapangyarihan ng̃ íilan sa pamamayan ó ng̃ pámahalaán, at ibigay sa kalahatán ang lahat ng̃ mg̃a kayamanan.
Bumubuô ng̃ pangkating ito ang lahat ng̃ sumasangayon sa kaniyang palatuntunan at ibig makianib sa pakikibaka upang maisagawâ ang pakay. Sapagka’t ang pangkati’y walâng mg̃a punòpunò ni anó mang makapangyarihan, at sapagka’t ang pangkati’y natatag sa kaibigán at buông pagkukusà ng̃ mg̃a nagsisianib, dahil sa naturang mg̃a layunin, ang bawà’t isa’y malayàng makaáanib kung saán niya lalòng minamagaling, upang mapagaralan ang mg̃a lunas ó paraáng mahuhusay at maipalaganap ang mg̃a sarisariling kurò, samantalang ang mg̃a kuròng ito’y hindî makakasalung̃át ng̃ palatuntunang-panglahat ng̃ pangkatia. Hindî na maipalalagay na kaanib sa pangkatin ang sino mang lumabag dito.
Hosé.—¿Ang lahat bang sumasa ng̃ayon sa simulàin ng̃ mg̃a socialista-anárquico revolucionario ay pawàng kaanib na sa pangkating iyan?
Horhe.—Hindi, pò; sapagka’t maáari na ang isang tao’y mákasangayon ng̃ aming palatuntunan, dátapuwâ’t susog sa isang pangang̃atuwiran ay maaarì rin namang mainamin niya ang makibaka ng̃ magisa ó maging kabalang̃ay ng̃ íilan, at huwág makipagkaisa ó makisama sa lakad ng̃ mg̃a manggagàwang sumusunod sa naturang palatuntunan. Maáarìng ito’y maging mabuting saligán ng̃ ibang mg̃a ka palad at ng̃ ibang may tumpahin, alinsunod sa palagay ng̃ isa; ng̃unì’t hindî matatangap na parang isang saligáng mabuti pará sa lahat, sapagka’t ang pamumukura’y nagiging sanhî ng̃ kahinàan at nagbubung̃a ng̃ mg̃a pagiinisan at pagyayabang̃án, samantalang kinakailang̃an ang tunay na pagkakapatiran at buông pagkakasundô ng̃ lahat.
Gayon ma’y ipinalalagay din naming mg̃a kaibigan at tunay na mg̃a kasama yaóng mg̃a taong nakikitunggalî, kahì’t sa anóng pamamaraán, alangalang sa kadakilàan ng̃ layon, na siya rin naming ipinakikipagbaka.
Maáarìng magkaroon diyan ng̃ mg̃a taong sumasangayon sa katotohanan ng̃ linalayon, at, gayón ma’y nang̃agtutulóg lamang sa kanilang mg̃a bahay, at dî man mabalisang magpalaganap ng̃ mg̃a inaakalà nilang tumpak. Hindî mawiwikà sa mg̃a ito na sila’y hindî sosialista at anarkista sa layon, sapagka’t sila’y may mg̃a paghahakà na gaya rin ng̃ amin; subalì’t totoó rin naman na masisindakin at mahihinà ang loob ng̃ mg̃a taong ito; sapagka’t kapag nakikita rin lamang ng̃ isa ang dahil ng̃ mg̃a kasamán na nagpapatangis sa kaniya at sa mg̃a kapuwà, at nalalaman niya ang lunas na makagagamot sa kasámang yaón, kung may kauntî rin lamang pusò’y ¿anó’t makapagtitiís sa dî pagkilos?
Ang hindî nakatatarok ng̃ katotohanan ay walâng kasalanan; dátapuwâ’t ang napakámakasalanan ay yaóng nakatatalos at sakâ nagaasal mangmang.
Hosé.—May katuwiran ka, at ng̃ayon ko lamang na pagninilaynilay ng̃ kauntî ang mg̃a ipinaliwanag mo sa akin, at ng̃ayong sangayon na akong mahinusay sa súliranin, ay ninanais kong umanib sa pangkating iyan, at sakâ magpalaganap ng̃ mg̃a banal na katotohanan. At kung sa kabilâ nitó’y mápang̃anlan din akóng tulisan at salarín ng̃ mg̃a ginoó, ay tutugunin ko sila na pumarito munang gumawâ at magtiis na gaya ko, bago magkaroon ng̃ mg̃a karapatán sa pananalitâ.
WAKAS