V.I.Lenin

Mga Kondisyon Para Sa Pagpasok
Sa Komunistang Internasyonal


Isinalin ng: Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista - Pilipinas

Ang kauna-unahan, ang Kongreso ng Inagurasyon ng Komunistang Internasyonal ay hindi nakagawa ng mga wastong kondisyon para sa pagpapa-loob ng mga partido sa Ikatlong Internasyonal. Noong ipinatawag ang Unang Kongreso, tanging mga komunistang pagkiling at grupo lamang ang umiral sa halos lahat ng mga bansa.

Nasa ibang sitwasyon na, na ang Ikalawang Pandaigdigang Kongreso ng Komunistang Internasyonal ay magpupulong. Sa halos lahat ng mga bansa, mga komunistang partido at organisasyon na ang umiiral, hindi lamang mga pagkiling.

Padalas na ng padalas na ang paghahain ng mga kahilingan para sa pagsanib ng mga partido at grupo sa Ikatlong Internasyonal na kailan lamang ay sumapi sa Ikalawang Internasyonal, bagamat hindi pa sila nagiging ganap na Komunista. Ang Ikalawang Internasyonal ay wasak nang tiyak. Mulat na ang Ikalawang Internasyonal ay wala nang pag-asa, ang mga intermedyang partido at grupo na “maka-Sentro” ay nagtatangkang sumandal sa Ikatlong Internasyonal, na patuloy namang nakaka-ipon ng lakas. Gayunman, kasabay nito, umaasa sila na mapapanatili nila ang isang antas ng “awtonomiya” na magdudulot na maipagpatuloy nila ang kanilang nauna nang oportunista o “Sentristang” patakaran. Ang Komunistang Internasyonal, sa isang antas, ang siyang nagiging moda.

Ang kagustuhan ng ilang nangungunang mga “maka-Sentrong” grupo na sumali sa Ikatlong Internasyonal ay nagbibigay ng matinding kompirmasyon na nakuha na nito ang simpatya ng malawak na mayorya ng mulat sa uri ng mga manggagawa sa buong mundo, na nagiging isang malakas na puwersa sa bawat araw na lumipas.

Sa ilang sirkumstansya, maaaring maharap sa pagkalusaw ang Komunistang Internasyonal sa paglipat ng mga nag-aatubili at walang tindig na mga grupo na hindi pa nakakabaklas sa kanilang Ikalawang Internasyonal na idolohiya.

Bukod rito, ilan sa mga malalaking mga partido (Italya, Swiden), kung saan ang mayorya nito ay inakap na ang komunistang tindig, ay naglalaman pa rin ng isang malakas na repormista at sosyal-pasipistang paksyon na naghihintay lamang ng isang pagkakataon upang maiangat muli ang sarili, maumpisahan ang aktibong pananabotahe ng proletaryong rebolusyon, at sa gayong paraan, makatulong sa burgesya at Ikalawang Internasyonal.

Walang komunista na dapat makalimot sa mga aral ng Hanggaryan na Republikang Sobyet. Ang proletaryadong Hanggaryan ay nagbayad ng malaki para sa mga Hanggaryang Komunista sa pakikipagkaisa nito sa mga repormista.

Dahil sa lahat ng ito, naniniwala ang Ikalawang Pandaigdigang Kongreso na kailangang ganap na mailatag ang wastong mga pangangailangan para sa pagpasok ng mga bagong partido, at mailarawan rin ang mga obligasyon na makakaharap ng mga partidong naka-paloob na.

Ang Ikalawang Kongreso ng Kmunistang Internasyonal ay nagreresolba na ang mga sumusunod ay ang mga kinakailangan sa pagsapi sa Komintern:

1. Dapat na matapat na komunista sa katangian ang pang-araw-araw na propaganda at ahitasyon. Lahat ng mga palimbagang organo na nabibilang sa mga partido ay dapat ng pina-patnugotan ng mga maaasahang Komunista na nagpakita na ng katibayan ng kanilang katapatan sa ipinapaglaban ng proletaryong rebolusyon. Ang diktadurya ng proletaryado ay hindi dapat pagdiskusyonan bilang pananalita na kinakailangang saulohin; ito ay dapat mai-popularisa sa paraan na ang mga praktikal na katotohanan na sistematikong hinaharap ng ating palimbagan sa pang-araw-araw ay maipaintindi sa bawat hanay ng manggagawang lalaki at babae, bawat sundalo at magsasaka; na ito ay kailangan na kailangan nila. Kinakailangang gamitin ng mga taga-suporta ng Ikatlong Internasyonal ang lahat ng midya na mayroon silang ugnay—ang palimbagan, mga pampubikong pagpupulong, mga unyong paggawa, at mga kooperatibang samahan—upang sistematiko at walang tigil na mailantad, hindi lamang ang burgesya kundi pati ang mga kasa pakat nito—ang iba’t-ibang mga repormista.

2. Anumang organisasyon na naghahangad na sumapi sa Komunistang nternasyonal ay dapat na tuloy-tuloy at sistematikong nag-aalis ng mga repormista at mga “Sentrista” sa mga posisyon ng anumang responsibilidad sa kilusan ng uring manggagawa (mga organisasyon ng partido, mga pamatnugotan, mga unyon ng mga manggagawa, mga grupo sa parlyamento, mga grupong pang-kooperatiba, mga munisipal na konseho atbp.), pinapalitan sila ng mga maaasahang Komunista. Ang katotohanan na sa ilang mga kaso, hindi dapat maging sagka na mga simpleng manggagawa ang maaaring sa umpisa ay pumalit sa mga “mas may karanasang” mga lider.

3. Sa mga bansang nasa ilalim ng estado ng pangungubkob o lehislasyong pang-kagipitan kung saan imposible na para sa mga Komunista na ipagpatuloy ang kanilang mga aktibidad sa legal na paraan, ganap na kinakailangan rito na ang ligal at iligal na gawain ay maipag-sama. Sa halos lahat ng bansa sa Europa at Amerika, ang tunggalian ng mga uri ay pumapasok na sa antas ng digmaang sibil. Sa ganitong mga kondisyon, ang mga Komunista ay hindi dapat magtiwala sa burgis na ligalidad. Kahit saan sila ay dapat na magbuo ng isang kaagapay na iligal na organisasyon, na, sa mapagpasyang sandali, ay nasa posisyon upang tulungan ang Partido na gampanan ang tungkulin nito sa rebolusyon.

4. Matagalan at sistematikong propaganda at ahitasyon ang dapat na mailunsad sa mga armadong puwersa, at mga Komunistang selula ay maiporma sa bawat yunit ng militar. Sa pangunahin kinakailangang gampanan ng mga Komunista ang gawaing ito ng iligal; ang pagkukulang na gampanan ito ay kahalintulad ng pagkakanulo ng kanilang rebolusyonaryong tungkulin at hindi nababagay sa kasapian ng Ikatlong Internasyonal.

5. Lubhang kinakailangan ang regular at sistematikong ahitasyon sa kanayunan. Hindi mai-kokonsolida ng uring manggagawa ang tagumpay nito ng walang suporta na magmumula kahit man lang sa isang seksyon ng mga manggagawang bukid at mahirap na magsasaka, at hindi nanu-nyutralisa, sa pamamagitan ng patakaran nito, ang bahagi ng nalalabing populasyong pambukid. Sa kasalukuyang panahon ang komunistang aktibidad sa kanayunan ay pangunahing pinahahalagahan. Ito ay dapat na maisagawa, sa pangunahin, sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong manggagawa-Komunista na mayroong mga ugnay sa mga lugar na pambukirin. Ang pag-iwas sa gawaing ito o ang ipagkatiwala ito sa mga di-maaasahang mala-repormistang elemento ay kahalintulad ng pagtatakwil ng proletaryong rebolusyon.

6. Tungkulin ng anumang partido na nagnanais na mapabilang sa Ikatlong Internasyonal na ilantad, hindi lamang ang mga sagad-sagaring sosyal-patriyotismo, kundi pati ang kabalintunaan at ang pagkukunwa ng sosyal-pasipismo. Dapat itong sistematikong maipakita sa mga manggagawa na, sa kawalan ng rebolusyonaryong pagpapabagsak ng kapitalismo, walang internasyonal na korteng pang-litis at pang-hatol, walang usapan hinggil sa pagbabawas ng mga armas, walang “demokratikong” re-organisasyon ng Liga ng mga Nasyon ang makakasagip sa sangkatauhan mula sa mga bagong imperyalistang digmaan.

7. Tungkulin ng mga partido na nagnanais na mapabilang sa Komunistang Internasyonal na kilalanin ang pangangailangan ng kumpleto at ganap na pagbaklas sa repormismo at “Sentristang” patakaran, at makapag-lunsad ng propaganda sa hanay ng kasapian ng partido sa pagbaklas na iyan. Kung wala ito, ang isang matatag na komunistang patakaran ay imposible.

Ang Komunistang Internasyonal ay mahigpit at walang kompromisong nananawagan na ang pagbaklas na ito ay dapat na maisakatuparan sa lalong madaling panahon. Hindi nito mahahayaan ang isang sitwasyon kung saan ang mga sagad-sagaring repormista, tulad nina Turati, Modigliani, at iba pa, ay may karapatan na ikonsidera ang kanilang mga sarili bilang mga kasapi ng Ikatlong Internasyonal. Ang ganyang estado ng mga gawain ay maghahatid sa Ikatlong Internasyonal sa isang kahalin-tulad na kalagayan ng lumipas nang Ikalawang Internasyonal.

8. Ang mga Partido sa mga Bansa kung saan ang burgesya ay may pag-aari na mga kolonya at nagsasamantala ng mga nasyon ay dapat na maka-pagsulong ng isang pinaka-depinido at pinaka-malinaw na patakaran hinggil sa mga kolonya at mga pinagsasamantalahang mga nasyon. Dapat na ilantad ang mga kolonyal na pakana ng mga imperyalista sa “sarili” nitong mga bansa ng sinumang partido na nagnanais na sumapi sa Ikatlong Internasyonal, dapat suportahan—sa gawa, hindi lamang sa salita—ang bawat na kolonyal na liberasyong kilusan, ipanawagan ang pagpapatalsik ng mga imperyalistang kababayan nito mula sa mga kolonya, itanim sa mga puso ng mga manggagawa ng sarili nitong bansa ang isang pananaw ng tunay na pakiki-pagkapatiran sa mga manggagawang populasyon ng mga kolonya at mga pinagsasamantalahang nasyon, at makapaglunsad ng sistematikong ahitasyon sa hanay ng mga armadong puwersa laban sa lahat ng pagsasamantala ng mga kinolonyang mamamayan.

9. Tungkulin ng anumang partidong naghahangad na sumapi sa Komunistang Internasyonal na makapag-lunsad ng sistematiko at walang kapaguran na komunistang gawain sa mga unyon ng mga manggagawa, mga kooperatibang samahan, at iba pang organisasyong masa ng mga manggagawa. Dapat na maiporma ang mga Komunistang selula sa mga unyon, at sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at walang kapaguran na gawain, mahimok ang mga unyon sa ipinakikipaglaban ng komunista. Sa lahat ng bahagi ng kanilang pang-araw-araw na aktibidad dapat maibunyag ng mga selulang ito ang mga sosyal-makabayan at ang pag-aatubili ng mga “Sentrista”. Ang mga selula ay dapat na pumapailalim sa partido sa pangkabuuan.

10. Tungkulin ng anumang partido na naka-paloob sa Komunistang Internasyonal na makapag-lunsad ng isang determinadong pakikibaka laban sa “Internasyonal” ng Amsterdam ng mga dilaw na mga unyon. Ang walang kapagurang propaganda nito ang magpapakita sa mga organisadong manggagawa ng pangangailangan ng pagbaklas sa dilaw na Internasyonal ng Amsterdam. Dapat maibigay nito ang bawat suporta sa sumisibol na internasyonal na pederasyon ng mga Pulang unyon na naka-anib sa Komunistang Internasyonal.

11. Tungkulin ng mga partido na naghahangad na sumali sa Ikatlong Internasyonal na muling pag-aralan ang komposisyon ng kanilang mga grupong parlyamento, tanggalin ang mga di-mapagkakatiwalaang elemento at mahusay na maipailalim ang mga grupong ito sa Komite Sentral ng Partido. Dapat na maipanawagan na ang kinakailangan ng bawat Komunistang proletaryo na maipailalim ang lahat ng kanyang aktibidad sa mga interes ng tunay na propaganda at ahitasyon.

12. Ang mga periodiko at di-peryodikong palimbagan, at ang lahat ng proyektong panlathala, ay dapat ring buong-buo na maipailalim sa Komite Sentral ng Partido, kahit na ang partido sa pangkabuuan ay ligal o iligal sa panahong iyon. Ang mga proyektong panlathala ay hindi dapat mapahintulutang umabuso sa kanilang awtonomiya at maisakatuparan ang anumang patakarang hindi umaayon ng buong-buo sa patakaran ng Partido.

13. Ang mga partidong naka-anib sa Komunistang Internasyonal ay dapat mai-organisa ayon sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Sa kasalukuyang panahon ng matinding digmaang sibil, ang mga Komunistang partido ay maaaring makagagampan ng kanilang tungkulin kung sila ay organisado sa pinaka-sentralisadong paraan, at kinatatampukan ng isang disiplinang bakal na malapit sa disiplinang militar, at mayroong matibay at makapangyarihan na mga sentro ng partido na binibigyan ng malawak na kapangyarihan at dumaranas ng buong-pagkakaisang kumpyansa ng kasapian.

14. Ang mga komunistang partido sa mga bansa kung saan ligal na nagagampanan ng mga Komunista ang kanilang mga gawain ay kinakailangang makapag-lunsad ng pana-panahong pagpupurga ng kasapian (muling-rehistrasyon) na may layunin na sistematikong tanggalin ang mga peti-burgis na mga elemento na di-maiiwasang pumasok sa kanila.

15. Tungkulin ng anumang partido na naghahangad na sumapi sa Komunistang Internasyonal ng hindi iniisip ang sarili sa pagtulong nito sa anumang republikang Sobyet sa pakikibaka nito laban sa mga kontra-rebolusyonaryong puwersa. Kinakailangan na ang mga Komunistang partido ay makapaglunsad ng walang humpay na propaganda na inuudyukan ang mga manggagawa na tutulan ang pagbibiyahe ng mga gamit pandigma na ipapadala sa mga kaaway ng mga republikang Sobyet; dapat na mailunsad ang mga ligal at iligal na propaganda sa mga armadong puwersa na ipapadala upang sakalin ang mga republika ng mga manggagawa, atbp.

16. Tungkulin ng mga partido na bitbit pa rin ang kanilang mga lumang programa na Sosyal-Demokratiko na kanilang baguhin ito sa lalong madaling panahon at makagawa ng mga bagong komunistang programa na alinsinod sa mga ispesipikong kondisyon ng kani-kanilang mga bansa, at sa diwa ng mga desisyon ng Komunistang Internasyonal. Bilang alituntunin, ang mga programa ng lahat ng mga partido na nakapaloob sa Komunistang Internasyonal ay dapat sina-sangayunan ng isang regular na Kongreso ng Komunistang Internasyonal o ng Komiteng Tagapagpaganap nito. Sa kalagayang ipinagpaliban ang pagsang-ayon ng Komiteng Tagapagpaganap, ang partido ay may kalayaang umapila sa Kongreso ng Komunistang Internasyonal.

17. Ang lahat ng mga desisyon ng mga kongreso ng Komunistang Internasyonal at ng Komiteng Tagapagpaganap nito ay ay ipinatutupad sa lahat ng kasaping partido. Kumikilos sa ilalim ng matinding digmaang sibil, ang Komunistang Iternasyonal ay dapat na mas sentralisado pa kaysa sa Ikalawang Internasyonal. Gayunman, sinasabi rin nito, na sa bawat aspeto ng kanilang gawain ang Komunistang Internasyonal at ang Komiteng Tagapagpaganap nito ay dapat na ikonsidera ang pagkakaiba-iba ng mga kondisyon kung saan ang bawat partido ay kinakailangang lumaban at kumilos, at pagtibayin ang mga desisyon na ipapatupad sa lahat ng mga partido sa mga kalagayan kung saan ang mga desisyong nabanggit ay maaari.

18. Dahil na rin sa mga naunang nabanggit, ang mga partidong naghahangad na sumali sa Komunistang Internasyonal ay dapat na magpalit na ng kanilang pangalan. Anumang partido na nagsisikap na mapabilang ay dapat tawagin ang sarili bilang Komunistang Partido ng bansang tinutukoy (Seksyon ng Ikatlo, Komunistang Internasyonal). Ang katanungan ng pangalan ng partido ay hindi lamang usapin ng pormalidad, kundi isang usapin na may malaking pulitikal na kahalagahan. Ang Komunistang Internasyonal ay nagdeklara na ng isang mapagpasyang pakikidigma sa daigdig ng burgesya at sa lahat ng dilaw na mga Sosyal-Demokratikong partido. Ang pagkakaiba ng mga Komunistang partido sa luma at opisyal na mga “Sosyal-Demokratiko”, o “sosyalistang”, partido, na pinagtaksilan ang bandila ng uring manggagawa, ay kinakailangang malinaw na malinaw sa bawat hanay ng manggagawa.

19. Matapos ang kongklusyon ng mga pag-uusap ng Ikalawang Pandaigdigang Kongreso ng Komunistang Internasyonal, anumang partido ang naghahangad na sumapi sa Komunistang Internasyonal ay kinakailangang maka-pagtakda sa lalong madaling panahon ng isang ekstra-ordinaryong kongreso para sa opisyal na pagtanggap ng mga nabanggit na obligasyon sa ngalan ng buong partido.

20. Ang mga partido na ngayon ay nagnanais na sumali sa Ikatlong Internasyonal subalit hindi pa radikal na nababago ang kanilang mga nakaraang taktika, ay dapat gawin ang lahat ng nararapat, bago sumali sa Internasyonal, kahit man lang sa dalawa ng tatlong bahagi ng kani-kanilang mga Komite Sentral at lahat ng pangunahing sentral na organo ng Partido na naglalaman ng mga kasama na pampublikong naghayag, bago ang Ikalawang Kongreso ng Komunistang Internasyonal, na magkaroon ng malinaw na pahayag na pumapabor sa pagsali sa Ikatlong Internasyonal. Ang mga eksepsyon ay maaaring payagan sa pagsang-ayon ng Komiteng Tagapagpaganap ng Ikatlong Internasyonal. Ang huli ay may karapatang magbigay rin ng eksepsyon sa mga kinatawan ng “Sentro”, na tinukoy sa blg.7.

21. Ang mga kasapi ng Partido na sa prinsipyo’y itinatakwil ang mga obligasyon at mga tesis na inilatag ng Komunistang Internasyonal ay ititiwalag sa Partido.