“Anti-infiltration” purge campaign
Sinulat ni: Melito Glor Command, New People’s Army, Communist Party of the Philippines;
Inilatha: Alporha, Veronica, and Patricio N. Abinales. “‘Cruelty as Policy’: The Anti-Infiltration Campaign of the Communist Party of the Philippines.” Justice in Translation 3, no. 1 (March 2023). Center for Southeast Asian Studies, University of Wisconsin – Madison.;
Source: Justice in Translation 1/2023, March 2023;
Markup: Simoun Magsalin;
Note: See also the English translation “Lessons from the Infiltration Incident in the Quezon-Bicol Border.”
Ang hangganang Quezon-Bikol ay naging tudlaan ng isang malawakan at maramihang impiltrasyon mula noong huling kwarto ng 1979 hanggang unang kwarto ng 1982. Sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon, ito ang pinakamalawak, pinakamalalim at pinakasistematikong pakana ng kaaway na pasukin at wasakin ang Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong organisasyong masa.
Hindi ito mapapantayan nang nangyari noong 1976 ng nakapuslit ang isang action agent sa isang SYP at sa naganap na sunog noong 1977.
Naganap ang malawakang impiltrasyong ito sa panahon na bumubungad ang ating digmang bayan sa abanteng sub-yugto ng estratehikong depensiba. Nais ng kaaway na pigilin ang mabilis na pagsulong ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa sa rehiyon. Sa kasaysayan, hindi nasagkaan ng estado ang ating pagsulong sa pamamagitan ng mga matitinding operasyon at kampanyang militar. Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan upang makamit ang buktot nilang layunin. Hibang ang ambisyon ng diktadurang US-Marcos na tapusin ang Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusang masa sa hangganan sa pamamagitan ng magkasabay na matinding pag-atakeng militar at buktot na pananabotahe sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.
Hindi maihihiwalay na may malaking kaugnayan ang impiltrasyon sa malawakan at intensibong kampanyang anti-insurgency na kasalukuyang inilulunsad ng kaaway sa hangganang Quezon-Bikol. Ibinunyag mismo ng mga nasukol na pusakal na impiltrador na magdadagsaan sa rehiyon ang mga panlabang yunit ng AFP tulad ng 16th IB at 45th IB. Sa kasalukuyan, aktibong inibwelto ang mga ito sa matinding kampanyang militar sa rehiyon bilang bahagi ng kampanyang anti-insurgency.
Nailatag ng kaaway ang lambat ng mga bayarang impiltrador mula sa batayang antas ng organisasyon ng Partido sa baryo, sa dalawang komite sa seksyon at isang komite sa distrito. Naikalat din nila ang mga bayarang ahente sa mga yunit ng hukbong bayan mula sa ilang SYP at mga ganap na yunit gerilya sa larangan at distrito. Naabot din nila ang teknikal istap ng namumunong komite sa larangan at naipasa ang isa pang ahente sa teknikal istap ng komite ng Partido sa karatig na rehiyon.
Bukod sa madugong misyon nilang banatan ang mga namumunong kadre ng Partido at kumander ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon at gumawa ng pananabotahe sa ating gawaing pampulitika; layon din nilang magpuslit ng mahahalagang impormasyon hinggil sa galaw ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong masa upang pagbatayan ng kanilang planong militar.
Huling dako ng 1981, nang matuklasan ng Partido sa rehiyon ang pakanang ito ng kaaway. Kagyat na inilunsad ang kampanya ng paglilinis sa organisasyon ng Partido at hukbong bayan, at pagpapagpag ng alikabok ng impiltrasyon. Bago pa man makapinsala ang mga bayarang ahente ng kaaway sa Partido at hukbong bayan, maagap na naparusahan ang mga pusakal at kumpirmadong impiltrador.
Bagama’t nawasak natin ang lambat ng impiltrasyon sa rehiyon di maikaila na nakapasok ng maramihan ang kaaway sa ating hanay. Ang isang dekadang pagsisikap natin na ipundar at isulong ang armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa sa hangganang Quezon-Bikol ay nalagay sa panganib. Kung naging matagumpay ang kaaway, tiyak na bibilang tayo ng taon sa ating pagpupunyagi na muling ibangon ang ating nasimulan.
Kailangang paghanguan natin ng mahalagang aral ang pangyayaring ito. Sisikapin ng dokumentong ito na mailarawan ang buong pangyayari mula sa pagpaplano ng kaaway at sa ganap na pagkawasak ng kanilang pakana. Ipapakita ang mga kahinaan, limitasyon at kamalian ng Partido na nasasamantala ng kaaway. Ilalahad din ang mga matitingkad na aral sa pag-aaresto, pagbinbin, interogasyon at pagpaparusa ng mga napatunayang ringleader o utak ng naganap na impiltrasyon.
Dapat at kailangang pag-aralan ng buong organisasyon ng Partido at hukbong bayan sa rehiyon ang documenting ito. Ayaw na nating maulit ang pangyayaring, dahil sa kawalan ng sistematikong kaalaman kung papaano ginagamit ng kaaway ang impiltrasyon para wasakin tayo ay nakapamayagpag sa mahahahaba ring panahon ang mga impiltrador. Samantalang sa maraming pagkakataon ay krudo at lantana ang ginagawa nilang pananabotahe.
Ilalahad natin ang kasaysayan ng paglalatag ng impiltrasyon ayon sa pagkasunod-sunod ng mga pangyayari. Ito ay sang-ayon sa resulta ng interogasyon sa mga pinarusahang ahente ng kaaway.
Taong 1978, kinalkula na ang kaaway na makakaabot ang pagpapalawak ng Bagong Hukbong Bayan sa ibabang bahagi ng Ragay, Camarines Sur. Kagyat nila itong pinaghandaan. Binuo noong Hunyo 1979 ang kampanya sa paniniktuk (ISAFP Team Campaign) para sa buong QuezonBikol. Tinagurian nila itong Lipulin ang Rebolusyonaryong Pilipino (LRP). Pinamumunuan ang kampanyang ito ni Col. Nicasio Cordova. Nahahati ito sa ISAFP Team Campaign sa Camarines Sur Code Name: Operasyong Libogs, at ISAFP Team Campaign ng Quezon-Del Gallego.
Narito ang kanilang balangkas pang-organisasyon:
Noong panahong ito, abala ang Partido sa pagsasaayos ng organisasyon dulot sa kaguluhang nilikha ni Apolinario at sa sunog na naganap sa panrehiyong sentro noon 1977. Naglulunsad noon ng Kilusang Pagwawasto laban sa maling kaisipang naipalaganap ni Apolinario. Dahil sa kakitiran ng teritoryo, nanawagan ang Partido ng mabilis na pagpapalawak. Maging ang mga aktibistang masa mula sa baryo ay tumugon sa panawagang ito ng Partido. Nasamantala ng kaaway ang suhetibong pagnanais ng Partido na mabilis na pagpapalawak at mga limitasyon ng mga aktibistang masa upang maipaslit nila ang mga bayarang ahente ng kaaway sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.
Mula 1977-1980, nagrekluta na ang kaaway ng mga taga-baryo ng magtetreyning sa Army. Matapos ang kanilang treyning, binigyan ng oryentasyon at muling itinanim sa baryo upang paghandaan ang pagpapalawak ng BHB. Sila’y sinwelduhan ng kaaway at pinangakuan na magiging regular at/o bibigyan ng ranggo kung tutupad saa kani-kanilang misyon.
Karaniwan, ang mga nireklutang impiltrado ay yaong may masasamang rekord, iresponsable sa baryo, dating treyni sa army at yaong may malapit na kamag-anak o kaibigan sa reaksyonaryong militar.
Nang maabot ng rebolusyonaryong kilusan ang mga baryo sa kinatatalagahan ng mga impiltrador ay ganoon na lang ang kanilang pagpapanggap na masigasig. Nasamantala ng kaaway ang mabilis na pagpapalawak na ginawa ng mga aktibistang masa mula sa karatig na baryo. Matapos ang 1981, mayroon ng sampung impiltrador na nakaabot at nakapamuno sa mga sangay ng Partido sa kani-kanilang baryo, at anim naman ang nakaabot sa komiteng pangorganisa sa baryo bago sila nagpultaym. Samantala, 3 impiltrador ang nakapuslit nang hindi dumaan sa anumang organisasyong masa. Kalagitnaan ng 1980 ay may tatlong impiltrador na kumikilos na ng pultaym sa isang Pangkat ng Kadre (PK). Mula noon nakabwelo ang mga ito sa paglalatag ng kanilang network sa mga baryo sa nasasabing erya. Huling bahagi ng 1981 ay nakapasok na ang 26 na impiltrador sa sangay ng Partido sa lokalidad at sa PK.
Upang makakakilos ng pultaym sa mga yunit ng hukbo at mga PK, ginamit nila ang rekomendasyon ng sangay ng Partido sa baryong pinanggalingan nila. Binigyan din ng rekomendasyon ang mga impiltrador na nauna nang magpultaym.
Para kagyat na makasampa, idinadahilan ng karamihan sa kanila laluna yaong wala sa pamantayan ang pagiging mainit sa kaaway. Mangyari pa, taktika nila ang kunwaring pagkubkob sa kanilang bahay; pagpapatampok ng kanilang pangalan bilang kumander ng NPA; at masyadong malapit at mapag-asikaso sa mga namumunong kadre upang lalong higit na tumatag ang katayuan nila sa rebolusyonaryong kilusan bilang mga tunay na rebolusyonaryo.
Unang kwarto ng 1982, nakapuslit na ang mga impiltrador sa dalawang komite ng seksyon at isang komite sa distrito. Nakapaglatag din sila na ilang SYP at sa dalawang ganap na yunit gerilya. Ilang mga impiltrador ay naitalaga sa tatlo pang distrito. Nagsisimula na rin silang maglatag ng network ng sila’y ating matuklasan.
Bukod sa nangyari sa Hilagang CS, nagpursigi din ang ibang intelligence community tulad ng NISA, R-2, at mga local na pwersa ng PC-INP na mag-impiltra sa ating hanay. Bago mahati ang 1982, natuklasan ng komite ng Partido sa distrito ng BP ang dalawang mandirigma na, mga impiltrador na noon pang sila’y “makatakas” mula sa kamay ng kaaway. May malalim silang oryentasyon mula kat Capt. Rudy Rudolfo ng 232 PC Coy. Isang ahente naman ng NISA na galing sa isang mainit na baryo sa Ragay ang lumipat at nasalo at pinakilos ng mga kasama sa CN. “Pinatakas” naman ng 242 PC Coy na may dalang ripleng M-16 ang isang dating organisadong kabataan upang makasampa lang sa hukbong bayan. Nagtanim din ang kaaway ng mga ahente sa hanay ng mga manggagawa sa trosohan upan manmanan ang kilos ng mga kasama sa lugar. Maging ang peti-burges sa mga sentrong bayan ay hindi nakaligtas sa pakana ng kaaway. Si Col. Jose Reyes Dasal ng NISA at si Tenyente Eduardo Claro ng ISAFP ay mga matataas na opisyal ng intelligence na nakisalamuha sa ating mga alyado. Tiniktikan nila ang paglawak ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng petiburgesya habang minomonitor nila ang nangyayaring impiltrasyon sa loob.
Ang impiltrasyon ay nagsisilbing paghahanda para sa isang malakihang kampanyang militar. Lubhang napakagastos para sa reaksyonaryong sandatahang lakas ang malalaking operasyong militar kaya’t inilatag muna ng mga impiltrador ang mga impormasyon bago nila simulan ang kampanyang militar.
Lahat nga mga impiltrador ay binigyan ng pangkalahatang oryentasyon sa kanilang tungkulin at paraan ng pagkilos. Ang mga indibidwal na misyon ay isinapartikular na lamang batay sa naging disposisyon ng mga impiltrador.
Ang pangkalahatang oryentasyon ay ang sumusunod:
Ang karamihan sa mga impiltrador na nakapasok ay mga “deep penetration agent.” May oryentasyon sila na huwag tuwirang babanat sa mga kasama at sa halip ay kagyat na iulat ito para ang mga tropa ng kaaway ang bumira. Mahalaga ito sa pagpapanatili nila ng mga matagal sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, maliban lamang sa mga kasong may pagkakataon silang makabanat ng mga namumunong kadre nang hindi nabibisto. Samantala, may mga “action agent” din na may partikular na misyon at target sa namumunong kadre. Kapag nakita niya at nagkaroon ng pagkakataon ay babanatan niya at kagyat na tatakas.
Kakaiba naman ito sa misyon ng isang impiltrador ng NISA. Ang oryentasyon sa kanya ay magbuo ng kahiwalay na hukbo mula sa kanyang marereklutang pultaym na kadre at mandirigma na magsasagawa ng krimen at pananabotahe sa hukbong bayan at masa.
Batay sa planong kaaway, darating ang mga panlabang yunit ng AFP sa hangganang Quezon-Bikol sa buwan ng Enero-Abril 1982. Ito ang magiging hudyat ng pagtakas ng mga impiltrador para epektibong magamit ng militar sa kanilang pagdurog sa rebolusyonaryong pwersa. Ang iba sa kanila ay babanat muna ng mga responsableng kadre bago bumaba. Ipopropaganda ang kanilang pagtakas bilag mga sumukong NPA at ang iba muling magsasanay bago sumanib sa pwersa ng kaaway. Ititip ang mga konsenstrasyon ng mga ganap na yunit gerilya at mga pulong ng mga namumunong kadre para makubkob ng kaaway. Pipilitin lang mga tukoy na kasap ng Partido at mga organisasyong masa na sumukop para sa kanilang kilusang balik loob. Ang mga ito ay epektbong gagamitin sa kanilang psychological operations (psy-ops). Malawakan ding magbubuo ng mga yunit ng ICHDF sa mga poblasyon at mga baryo.
Grandyoso ang plano ng kaaway sa QBZ. Hibang na ambisyon nila ang padapain ang Partido at Hukbong Bayan sa rehiyon.
Nang makapuslit ang mga impiltrador, sinikap nilang magrekluta mula sa hanay ng mga kadre at mandirigmang pultaym. Inilatag din ang kanilang network sa mga baryong kanilang kinikilusan. Mahalaga ito upang maging malawak at mabisa ang kanilang paniniktik at mapabilis ang pasahan ng impormasyon na nagmomonitor na kaaway.
Karaniwan sa kanilang nirekluta ay yaong mga kasamang bagong sampa; may hinanakit sa pamunuan; may problema sa pamilya, kasintahan at kalusugan; at may mga kamag-anak sa militar. Dinidikitan sila nang husto at intensibong pinopropagandahan upang higit na bumagsak ang moral. Idinidiin nila ang mga kahirapang dinadanas sa rebolusyonaryong kilusan samantalang napapabayaan naman ang kani-kanilang mga pamilya sa kanilang propaganda, ipinamamarali na maliit ang posibilidad na magtatagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Sinusuhulan nila ng pera, damit, pantalon at relo. Sa mga tiyak nilang nakuha, hihikayatin nilang huwag nang umalis sa rebolusyonaryong kilusan, manapa’y bibigyan nila ng trabaho at sweldo bilang mga ahente ng gobyerno na maniniktik sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa kanilang mga nalinlang, tiniyak nilang makasamasama parati upang maalalayan at mahigpit na binabalaan na hindi magpapaabot sa mga kasama sukdulang patayin kapag nalagay sila sa panganib.
Ang kanilang nireklutang impormer sa mga baryo ay yaong mga kumokontra sa rebolusyon; mga problemado sa baryo at matamlay makipagtalakayan sa mga kasama. Kapag may tumanggi sa kanilang makipagsabwatan ay nagiging panganib sa kanilang seguridad, kanilang pinapatay at pinaparatangang masamang elemento o impormer sa baryo.
Sa bawat impiltrador ay may kani-kanilang linya kung saan ipapasa ang mga ulat. Sa umpisa, karaniwang ipinapasa nila sa pangunahing nagrekluta sa kanila sa pamamagitan ng “rebolusyonaryong sulatan.” Malimit kumustahin ang kanilang mga “espesyal na kadre” at idinadaan pa sa poste ng rebolusyonaryong kilusan. Kung minsan ay nilalakipan nila ng isa pang sulat para sa militar. Ang mga pangunahing impiltrador naman ay may tiyak na poste at kuryer patungo sa kampo ng kaaway.
Habang nagtatagal ay nailatag nila ang “relay” ng mga ulat sa lahat ng baryong kanilang nararating. Nitong huli, sinikap nilang mahimok ang mga kapitan at mga guro sa baryo na maging poste at kuryer.
May mga pagkakataon na tuwiran silang nakapag-ulat sa mga kampo ng militar sa pamamagitan ng nag-iisang “pag-dalaw” sa kanilang pamilya at “pagpapagamot.”
Upang madali silang makilala ng mga tropa ng kaaway, gumagamit sila ng mga “password” at senyas. Nang mapalaban ang yunit ni Mark, nagsisigaw siya ng “M-14, M-14!” Kapansin-pansin din ang pagusuot ng unipormeng patig ng isang impitrador gayong matagal na ipinagbabawal ito sa mga pulang mandirigma.
Nabisto ng Partido ang mga impiltrador sa pagpapanggap nilang mga rebolusyonaryo. Pag-aralan natin ang mga kahina-hinalang kilos at ang karaniwang paraan ng pananabotahe nila sa ating rebolusyonaryong gawain.
Huling kwarto ng 1981 nang matuklasan ng Partido ang buktot na pakana ng kaaway sa rebolusyonaryong kilusan ng QBZ. Nagsimula ito nang madulas ang isang “aktibista” mula sa panggitnang pwersa na kasama sa itatayong legal na organisasyon sa isang distrito na siya’y ISAFP agent. Nalaman agad ito ng mga gumagabay na kadre subali’t hindi nabigyan ng mahalagang pansin.
Nang malaman ito ng namumunong organo sa larangan, kagyat na pinalalim ang pagsisiyasat at kinuha ang kanyang rekord ng pagkatao at pampulitika. Nakumpirma siyang miyembro ng ISAFP na nais mag-impiltra sa legal na organisasyong ating itinatayo. Gayunman, umabot pa ng ilang buwang pag-aaral bago pinagpasyahan ang pagaresto at pag-iinteroga sa kanya. Nagbuo ng isang espesyal na grupo na kinabilangan ng mga responsableng kadre ng larangan at distrito para isagawa ito. Walang nakuhang mahalagang impormasyon maliban sa pinagdiinan niya na alam ng kasama ang pagpasok niya sa ISAFP at ang layunin niya ay upang alamin din ang kilos ng kaaway bilang dobol agent.
Ang “hiningian niya ng pahintulot” upang pumasok sa ISAFP at mga pultaym na naging malapit sa kanya ay inilagay sa mahigpit na pagsusuri. Sa mga naihanay, dalawa ang natukoy at pinarusahang impiltrador at dalawa ang tumakas at tuwirang nakipagtulungan sa kaaway.
Inakala ng Partido sa QBZ na nalansag na ang impiltrasyon. Gayunman, ipinagpatuloy pa rin ang masusing pagsusuri at pag-aaral sa hanay ng mga pultaym laluna sa mga kadre at mandirigma na nanggaling sa lugar na pinamugaran ng mga pinarusahang impiltrador. Kaalinsabay nito ay nagbuo ng isang “Task Force Ragay Aid” upang banatan ang mga tropa ng militar at ang isa ng impiltrador na nakatakas at nangunguna sa mga operasyong militar. Namahagi rin ng manipesto sa mga kasamang pultaym at nasa baryo ukol sa ating tagumpay sa muling pagbigo sa balak ng kaaway na wasakin ang kilusan sa lugar, sa pamamagitan ng impiltrasyon. Nananawagan din tayo na sumuko na sa atin ang iba pang mga kasabwat nila sa kalagayang nabanatan na ang mga utak nila. Sa praktika walang kusang lumpait upang sumuko.
Noong Pebrero 1982 ay nasukol ang isa na namang ahente ng kaaway mula sa istap sa kabataang-estudyante ng isang distrito. Sa pamamagitan ng matiyaga at mahusay na interogasyon at pakikitungo sa kanya, ibinulgar niya ang isang susing impiltrador na nasa panlarangang yunit gerilya.Sasusingimpiltradornaito,nakuhaangpinakamalaking bahagi ng operasyon ng impiltrasyon sa rehiyon. Ipinamukha sa ating ng mga pangyayaring ito na suhetibo ang naging pag-aakala na nalansag na ang impiltrasyon. Bagama’t nabanatan ang puno mismo ng Operasyon Libogs na si Lt. Eddie Claro (Marsha) at isang kasabwat niya, marami pa palang ringleaders na nakapasok at napakaraming dapat isagawa para masabing nalansag na natin ang impiltrasyon sa rehiyon. Isang matingkad na aral ang mahahango natin mula dito. Sa bawat kaso ng impiltrasyong madidiskubre dapat maglunsad agad ng Background Investigation (BI) o Security Check (SC) sa lahat ng mga pultaym at mga kasapi sa baryo, lalo na yaong sa iba’t ibang paraan, pagkakataon at kadahilanan ay nagkaroon ng ugnayan sa nadiskubreng impiltrador. Mahalagang malalim na masuri ang lalim at lawak nang naganap na impiltrasyon. Higit na kapakipakinabang para sa atin ang mga maging ekstrang mapagmatyag, matiyaga at lihim na magsuri habang inaangkupan ang lahatang panig na rebolusyonaryong kilos kaysa maging kampante at magkasya na lamang sa suhetibong pag-aakala. Sa mga ganitong usapin lagi nating isaisip na ang nakataya dito ay ang seguridad ng Partido, BHB at rebolusyonaryong masa na sinumpaan natng pangalagaan, buhay man nati’y iaalay kung kinakailangan.
Dahil sa lalim at lawak nang nadiskubreng impiltrasyon batay sa itinuga ng mga pinarusahang impiltrador, itinakda ng nakakataas na organo ang mga hakbangin sa pagsasaayos ng problema sa seguridad ng rehiyon. Ang mga hakbanging ito ay ang mga sumusunod:
Alinsunod dito, itinayo ang mga IT sa bawat distrito. Pangunahing binigyang diin ang isang distrito na siyang nakakasaklaw sa mga baryo ng naging launching pad o lunsaran ng impiltrasyon. Binuo ang bawat IT ng mga kagawad ng KD, ilang myembro ng KLA at RKT. Ang mga pamantayang itinakda sa pagpili ng mga kagawad ng IT ay ang mga sumusunod:
naging pagkilos sa mga lugar na sinusuri.
Tiniyak ang mahigpit ma pagpapatupad ng mga pamantayang ito sa pamamagitan ng malalalimang pagtalakay sa rekord ng pagkatao at pampulitika ng mga napili.
Kaalinsabay ng pagtayo ng mga IT ay binuo rin ang
mga taktikal na sentro sa bawat distrito. Sila ang pangsamantalang nangasiwa sa pang-araw-araw na gawain sa teritoryo, habang di pa natatapos ang isinasagawang paglilinis sa hanay ng mga pultaym. Binuo ang mga ito ng mga nasuring malinis ang rekord ng mga kagawad at iba pang kadre mula sa kagyat na nakakababang organo na pinamumunuan nito.
Ang tungkulin ng IT ay ang mga sumusunod:
Ang bawat IT ay nagbuo ng kanya-kanyang istap sa seguridad (IS) at istap ng komunikasyon (IK). Ang mga ipinaloob dito ay yaong mga nasuri na ang rekord at napatunayang walang kinalaman sa nadiskubreng impiltrasyon. Ang IS ay kalimitang binuo ng mga kumander at pulang mandirigma ng mga Ganap na Yunit Gerilya (GYG). Tungkulin nitong pangalagaan ang seguridad ng IT at tumulong sa pag-aresto, pagbimbim, paginteroga at pagpaparusa sa mga impiltrador. Tinutugunan din nila ang pagsasaayos ng mga teknikal sa pangangailangan tulad ng kampo, mga pagkain at iba pa. Ang IK naman ang tumitiyak sa mabilis at ligtas na daloy ng komunikasyon sa pagitan ng RKT at taktikal na sentro ng distrito sa isang dulo at sa IT sa kabila. Dapat mabigyan ng oryentasyon lang mga istap ukol sa proseso ng gagawing paglilinis at ang partikular na papel na gagampanan nila dito. Ang mahusay na pagkasapol ng mga istap sa batayan at paraan ng isinasagawang paglilinis ay mahusay na kondisyon para mapawi ang pagduduhan at kumilos nang nagkakaisa batay sa kumpas na itinatakda ng IT. May mga karanasang ang kakulangan sa puntong ito ay nagbunga ng pagdududahan at panghihina ng ilan sa paggampan ng gawain.
Ang mga IT ang pangunahing nagsagawa ng pagaaral, pagtukloy sa mga kompirmadong impiltrador, pag-aaresto, interogasyon at pagpaparusa sa mga ringleader at mga aktibong ahente ng kaaway. Ang KLA at RKT ang nagpapasya kung parurusahan o nyunyutralisahin (bibigyan ng amnesti) ang isang impiltrador batay sa ulat at rekomendasyon ng IT.
Malinaw sa Partido na ang mga napatunayang impiltrador sa kalahatan ay kaaway. Ang kanilang kawalang katapatan, paglilihim ng kanilang pagkatao at pananabotahe sa organisasyon ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong masa ay subersyon sa kasaysayan ng pagsulong ng pakikibaka sa rehiyon.
Gayunman, hinati natin sa dalawa ang pagturing sa mga impiltrador. Inilagay natin sa pangunahing target na gagawaran ng rebolusyonaryong kaparusahan yaong higit na mapanganib tulad ng mga ringleaders at/o myembro ng AFP, aktibong rekruter ng mga ahente sa loob sa labas ng organisasyon o nareklutang aktibo at may nagawang pinsala o nagsikap na maminsala sa ating hanay.
Pumapangalawa ay yaong nasa labas ng unang kategorya tulad ng mga bagong rekluta o di aktibong nagpapagamit sa kaaway. Ang ating naging patakaran sa kanila ay pagnyunyuntralisa. Matapos komprontahin ukol sa kanyang kinalaman sa impiltrasyon ay itiwalag sila sa Partido at maaring isagawa ang mga sumusunod batay sa kabigatan mng kaso:
Matapos ang unang bugso ng paggagawad ng rebolusyonaryong kaparusahan sa mga impiltrador noong Disyembre 1981, sunod-sunod na nagbabaan ag iba nilang kasamahan. Nauna sa kanila ang mga mahihina ang loob habag ang marami’y naghihintay pa ng tyempo. May ilan rin sa kanila ang naghihinayang dahil di pa sila napasususpetsahan ng Partido. May pinabalik pa ang militar na dalawang impiltrador upang alamin ang nangyari sa kanilang mga nawalang kasamahan. Samantala, dalawa pa ang sumampa upang ipagpatuloy at maglatag ng panibagong network ng kaaway.
Maingat at masinop na natukoy ng IT ang mga pakanang ito at kagyat na inaresto, initeroga at ginawaran ng kaparusahan ang mga pusakal ng impiltrador. Mula Disyembre 1981 hanggang Hulyo 1982, 32 na impiltrador ang pinarusahan, 15 ang nyinutralisa at 9 ang nakatakas. Ang mga pinarusahan ay mga ringleaders na may malalim at masaklaw na oryentasyon sa militar hinggil sa operasyon ng mga impiltrador kasama na yaopng mga rekluta lang nila pero aktibong nanabotahe.
Karamihan sa mga pinarusahan ay mga ahente na bago pa man maugnayan at makapagpultaym sa kilusan. Mayroon na silang masaklaw at malalim na oryentasyon mula sa militar. Marami sa kanila ang nakapagtreyning bilang army at/o ahente. Halos lahat ay mahigpit na dalawamg taong nauugnayan o napapakilos sa baryo hanggang, magpultaym at mabisto.
Unang isinagawa ng mga IT ang pagkuha ng lahat na nakasulat na talambuhay (rekord ng pagkatao at pampulitika) ng lahat ng kasapi ng Partido at BHB na pultaym at yaong mga nasa baryo. Naglabas ng detalyadong gabay para dito. Reorganisasyon ang ginawang dahilan ng pagpapasumite ng talambuhay. Di dapat malantad na ang pagkuha ng talambuhay ay kaugnay ng isinasagawang paglilinis.
Batay sa mga impormasyong itinuga ng mga pinarusahang impiltrador at sa tulong ng mga inipong talambuhay at mga datos mula sa mga responsableng kasama ay inihanay-hanay ang mga sinusuri sa mga sumusunod na klasipikasyon:
Sa pagsusuri ng mga datos, iniliwanag gawing pangunahing batayan ang mga haka-haka at mga datos na sirkumstansyal. Tinitiyak na ang mga datos ay kumpirmado at nakakatindig sa sarili. Isa sa pinagkaisahang maaring pagbatayan ng pagkukumpirma kung impiltrador o hindi ay kung itinuga na siya ng 2 o higit pang impiltrador na nasusuportahan ng mga kumpirmado at nakakatindig na datos.
Sa pagpipinal ng desisyon ng IT kaugnay ng rekomendasyon sa RKT at KLA sa mga parurursahang impiltrador ay lagging sinisikap na maging unanimous o nagkakaisa ang lahatang kagawad.
Kailangan ang ekstrang pagmamatyag, paglilihim at pag-iingat sa isinasagawang paglilinis. Itinatakdang matapos na ang buong kaparaanan ng paglilinis bago ipabatid ang naging resulta nito sa mga di nasangkot sa impiltrasyon. Gayunman, sa praktika di naiwasang makahalata o maapektuhan ang ilan kaya nagtatanong sila at kapag di malinaw na nasagot ay lumilikha ng pagdududahan mismo sa ating hanay. Sa ganitong kalagayan, mas nakakabubuting sa kaparaanan pa lamang ng paglilinis ay agad nang ipabatid sa mga nasuring malinis ang rekord ang mga pinakahuling resulta nang isinasagawang paglilinis, lalung lalo na kung ang sinusuri o pinarusahan ay kilala nila o nakasa-kasama nila sa pagkilos. Mas pinahahalagahan natin sa puntong ito ang positibong dulot ng ganitong paraan, tulad ng makakatulong pa ang mga dagdag na makakaalam sa pagpapalalim ng pagsusuri sa mga ipinaiilalim sa BI o SC. Gayunman, dapat na mahigpit na isaalang-alang ang negatibong aspeto nito tulad ng di kinakailangang pagpalaganap ng isinasagawang paglilinis na maaring makaabot sa kaalaman ng kumpirmadong impiltrador, at makalikha pa sila ng mga pinsala o makatakas kaya bago pa man natin siya madakip o maparusahan.
Walang aarestuhin na di kolektibong pinagdedesisyunan ng NT at RKT o KIA. Ang pangunahing layunin ng pag-aresto ay hindi na upang suriin kung impiltrador o hindi kundi upang makunan na lamang ng impormasyon dahil tiyak na tayo. Kaya nga’t ang mga inaaresto ay yaong mga dinisyunan nang gawaran ng rebolusyonaryong pasya kung tumuga man o hindi. Ganoon pa man, bukas ang Partido na baguhin ang desisyon kung mapapasubalian ang mga datos na pangunahing pinagkabatayan ng paggawad ng kaparusahan.
Sa aktwal na pag-aresto dapat isaalang-alang ang mga sumusunod:
Sa kalagayang ang pangunahing layunin ng pagaresto ay mainteroga muna ang impiltrador bago parusahan, naging mahalagang usapin ang pagbimbin sa kanya habang iniinteroga. Pangunahing nilutas sa usaping ito ang suliranin kung paano matitiyak na di makatakas ang isang bihag.
Para matiyak na di makatakas ang isang bihag habang siya’y nakabimbin at iniinteroga, mahusay na ipatupad ang mga sumusunod:
Matapos arestuhin ihaharap na sa interogasyon ang bihag. Pangunahing layunin nito na makuha ang mga mahahalagang impormasyon na makakatulong sa lubusang paglansag sa impiltrasyon. Matingkad na usapin dito, kung paano mapatutuga ang iniinteroga.
Itinuro ng karanasan ang mga sumusunod na paraan para mapatuga ang isang impiltrador:
Matapos mapiga ang lahat ng mga mahahalagang impormasyon at di naman nakikitang maari siyang gamitin para magpaahon ng kaaway na pwedeng mabanatan ay pinaparusahan na ng kamatayan ang impiltrador. Mahalagang maisaalang-alang ang mga sumusunod sa aktwal na pagpaparusa:
Nagkaroon din ng ilang kalabisan sa pagpaparusa ng mga impiltrador. May isang kaso na naparusahan ng walang sapat na batayan. Ang tanging pinagbatayan ay itinuga siya ng isang gustong humingi ng damay na impiltrador. May kaso nang sumuko at malayang naglahad ng kanyang nalalaman sa pakana ng mga kaaway. Maaaring pinatawad na lang ito at nyinutralisa. May kaso ring binanatan agad ang isang rekomendado ng IT na banatan na di pa nakukumpirma ang ilan pang mga datos na dapat kumpirmahin bago banatan.
Kaugnay nito, naging matingkad na usapin kung bibigyan ng aksyong disiplina ang mga kasamang nagrekomenda at nagdesisyon sa mga kalabisang ito. Nakitang kaso por kaso pa rin ang pagtingin dito. Kung ang naging batayan ng desisyon ay simpleng pagganti lamang ng mga nagdesisyon sa binanatan dahil sa ilang personal na alitan, tiyak na may kabigatan ito at dapat bigyan ng karampatang aksyong disiplina. Kung usapin lang naman ng suhetibong pagtaya at bumabatay pa rin sa sa mga impormasyong pinanghahawakan mula sa pagsusuri, kalimitan ay mabigat na pinupuna ang mga ganitong tipo ng suhetibismo na naging dahilan ng kalabisan.
Sa kaparaanan ng paglinis sa hanay ng mga pultaym ay natutukoy na rin ang mga impiltrador at impomer sa baryo. Sa karanasan mas mahusay kung maagapang mabanatan agad ang mga natutukoy na utak lalung-lalo na yaong mga maaaring makunan ng makabuluhang impormasyon para higit na makumpirma ang lalim ng pagkasangkot ng isang impiltrador na nagpultaym. Naging mahalagang usapin ito sa isang distrito dahil may mga nasuring alyado na kabilang sa mga ringleader o aktibong nanabotahe sa kilusan. Gayunman ang karamihan sa mga pinarusahan at sinikap parusahan ay isinagawa matapos ang malaking bahagi ng paglilinis sa hanay ng mga pultaym.
Sa paglansag ng network ng impiltrasyon sa baryo, pangunahing atupagin ang pagpaparusa sa mga natukoy na utak o susing ahente na aktibong nangangalaga ng network. Kalimitan sila ang mga dugong-utang at aktibong nakikipagtulungan sa kaaway laban sa atin. Sa pagpaparusa sa kanila, dapat gawing lihim (o estilong missing) kapag di lantad na ahente at di pa hiwalay sa masa. Maaaring ilantad ang pagbanat sa mga lantad na ahente at hiwalay na sa masa basta’t kakayaning saluhin ang mga kasama’t masa sa baryo ang ganting-aksyon ng kaaway.
Ang mga kasangkot sa impiltrasyon na di naman utak at wala pang dugong utang ay nyunyutralisahin na lang matapos komprontahin at matiyak ang garantya na di sila makakapaminsala o muling paggamit sa kaaway. Dapat din silang bigyan ng mahigpit na babala.
Kaugnay nito ang mga pamilya at kamag-anak ng mga pinarusahang impiltrador na kalimitan namang nakakaalam ng ginagawang impiltrasyon ng kanilang kamag-anak o kapamilya na impiltrador ay kakausapin at ipapabatid sa kanya ang ginawa nating pagparusa at mga batayan kung bakit natin ginawa iyon. Bukod sa malilinaw sa kanila ang pangyayari ay manyunyutralisa sila para di magamit ng kaaway laban sa atin.
Nabigo natin ang kaaway sa pakana nilang wasakin mula sa loob ng rebolusyonaryong kilusan sa QBZ. Gayunman, mahalagang matukoy natin at mahanguan ng aral ang mga kahinaan at kamalian ng Partido na sinamantala naman ng kaaway upang sila’y makapuslit sa ating hanay.
M-GLOR
Pebrero
1983