Bandilang Pula

Ano Ang Gagawin Mo?

Pebrero 1971


Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.


Isang araw ang apo ay nagtanong sa lola
Ng ganito: “Kailan ang karahasan
Isang katibayan ng pagkamakabayan?”
Ang matanda’y huminto sa pagsusulsi,
At pinukulan ng mapanuring tingin ang apo.
“Ang karahasan, anak,” aniya, “ay kailangan
Sa panahong nilalapastangan ang karapatan ng Bayan.”
Hindi naintindihan ng apo ang sagot,
Kaya siya’y nagtanong ng ganito:
“Lola, iyang sagot po’y ipaliwanag ninyo.”
Panandaliang ipinikit ng matanda ang mga mata,
At isang pangitain ang naimbak sa kaniyang alaala.
“Anak,” ang pasimula ng lola,
“Kung tayo dito sa bahay ay biglang sinalakay
Ng mga sundalo at pinagpapatay,
Ano ang gagawin mo?
Kung ang mga dayuhang nanunuluyan sa atin,
Ay napag-alaman mong sumisipsip sa ating kabuhayan,
Ano ang gagawin mo?
Kung ang tatay mong magsasaka ay pinagsasamantalahan
Ng may-ari ng lupang kaniyang sinasaka,
Ano ang gagawin mo?
Kung ang maliit na kita ng kapatid mong tsuper,
Ay hinuhuthot ng mga pinuno ng Bayan,
Ano ang gagawin mo?
Kung ang ina mong isang manggagawa sa tubuhan,
Ay parang hay op na pinagtatrabaho subali’t napakaliit ng suweldo,
Ano ang gagawin mo?
At bilang isang estudyante at isang mamamayan,
Ikaw ay pinagkakaitan ng karapatang tumuligsa sa Pamahalaan,
Ano ang gagawin mo?
At ang bata ay sumagot ng ganito:
“Lola, kahit ako’y magbuhos ng dugo,
Ang mga karapatan ko at ng Baya’y ipaglalaban ko.
Ang karahasan ay suklian ko ng mas lalo pang karahasan,
Hanggung sa maibagsak ang mang aapi at mga kaaway ng Bayan!”
At ang lola’y nagsabi ng ganito:
“Ang tanong mo’y sinagot mo na rin.
Kayong mga Kabataan ang humabi ng Kasaysayan!”

— MOLAVE