Bandilang Pula

Alay kay kasamang Sonny

Pebrero 1971


Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.


Sa maybarikada
Ang masagana mong dugo ay dumaloy.
Punglo ng reaksiyonaryo’y
pinuti ang iyong buhay.
Habang ang mga bayarang pasista’y
lubos-ngiti sa kasiyahan,
tingga’y
tagos sa iyong bungo,
baon sa iyong utak.

Sapagkat ika’y nagtayo’t nagsulong ng
BARIKADA
laban sa dayuhang imperyalista,
Pawis, dugo’t buhay iyong inialay
Ika’y nakibaka,
abutin mang
hininga mo’y magkalagut-lagot.

Ang iyong giting ay saksi
ng lahat na mapanghimagsik.
Panglaw sa iyong kamataya’y
Ngayo’y nagngangalit na tapang maka-rebolusyonaryo!
Ang mga barikada’y lubhang
dumarami, tumataas, tumatatag—
sa ngalan mo, kasamang Sonny,
at sa Pambansang Demokratikong Rebolusyon.

Ang dugo mo’t ng iba pang mga bayani,
na sa daa’y nakakalat at namumula,
ay siyang pinaka-lupa
na kung saan ang lipunang walang barikada
ay uusbong.