Bandilang Pula

Editoryal:
Pagtibayin at ipagtagumpay ang Rebolusyong Pangkultura

Pebrero 1971


Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.


Patuloy na iwinawagayway ng hangin ang bandilang pula na nakatayo sa itaas ng gusaling AS. Ang nag-uumapoy na sagisag ng ating pakikibaka ay matagumpay na nakatanod sa kabuuan ng pinalayang purok ng Diliman.

Sa pagdating ng ikalimang araw ng ating pakikilaban dito sa kampus sa mga bayarang tuta ng pasistang si Marcos, dapat nating pag-isipang mabuti kung ano ang ating nakuha na at kung ano ang nararapat na gawin. Sa loob ng iilang araw ay malayo ang narating ng ating kilusan tungo sa pambansang demokrasya.

Naipakita natin na sa pamamagitan ng pag-iisang-loob at pagtutulungan ng mga mag-aaral, mga guro, mga manggagawa at iba pang naninirahan sa loob ng ating kampus, makakaya nating ipagtanggol ang ating mga sarili laban sa mga buhong na kagawad ng tinaguriang Sandatahang Lakas. Naipakita natin ang kahungkagan ng lahat ng pananakot ng Estado, na sa harap ng moog ng pagkakaisa ng mga mamamayan ay nauupos na tila kandila. Naipakita natin na sa pagbubuklod-buklod ng mga puwersang rebolusyonaryo, ang mga kontra rebolusyonaryo ay nagbabahag-buntot at sakmal ng takot na nagsisitakbo.

Magmula nang mabuong muli at mapagtibay ang mga barikada natin, hindi na nakalapit ang mga nananalakay na Metrocom at pulis-QC. Nakita ng lahat ang maayos na pagtatrabaho natin, mula sa mga kasamang naglakas-loob na sumagupa sa mga tuta hanggang sa mga kasamang nagsipaggawa ng ating mga panlabang bomba at iba pang sandatang pandepensa, at maging iyong mga namahala sa paghahanap ng pagkain at paghahati-hati nito sa mga magigiting nating kasamahan.

Ang likas na pagka-malikhain ng masang Pilipino ay napatunayan sa mabilisang pag-iimbento ng mga sandata na pahusay nang pahusay ang pagkakagawa at sa pagbubuo ng iba’t ibang pamamaraan ng pakikibaka. Ang igting ng paglalaban ay nakapagpalaya sa lahat ng mapanlikhang kakayahan ng masa, sa halip na masangkalan ito.

Sa kabuuan, ang mga pangyayari ng mga nakaraang araw ay nagpakita ng isang maliitang halimbawa ng pagrutunggali ng puwersang rebolusyonaryo at reaksiyonaryo, at ang kalalabasan nito. Ang pagkakasaayos ng da rating na pambansang demokratikong lipunan ay bahagyang ibinadya ng mga pangyayari — ang paggamit ng lahar ng maaaring gamitin para sa pakikibaka.

May isang bagay lamang na dapat isaisip ang lahat ng kasama na kailangang linawin din sa buong sambayanan. Ang kilusang pinangungunahan ngayon ng mga progresibong kabataan ay hindi siyang maglulunsad ng pinakamataas na antas ng pakikibaka; ang ating tungkulin ay ipagpatuloy ang kilusang pampropaganda, ang rebolusyong pangkultura. Ating isinisiwalat ang tunay na kalayagan ng bansa at ang mga ugat ng ating mga suliranin. Ipinapakita natin ang nakatagong kabuktutan ng bagong kolonyalismo at mga alipuris nito. Inaalis natin ang maskarang lumalambong sa mukha ng pasistang Estado. Binubuwag natin ang mga maling paniniwalang itinuturo ng naghaharinguri. Sa ganitong paraan ay kinukuha natin ang pagtangkilik ng sambayanan at isinusulong natin ang pambansang demokratikong pagbabago.