Bandilang Pula
Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.
Isa na namang bagong pamamaraan ng protesta ang ibinunga ng rebolusyong pangkultura. Ito ay ang barikada. Karugtong ito ng mga nagaganap na mga kongreso ng bayan, martsa ng bayan at iba pa, upang ipahayag ang pagtutol ng sambayanang Pilipino sa panggagahasa sa kanilang demokratikong karapatan ng magkasanib na lakas ng imperyalismong Amerikano, katutubong piyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Masalaalang ang pagbabarikada ay unang nakagawian ng mga rebolusyonaryong tsuper at mag-aaral upang turulan ang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina. Noon pa mang unang aklasan ng mga tsuper ay tinanggap na ng sambayanan, lalong-lalu na ng mga tsuper, na isang kalupitan sa masang Pilipino ang ginawang pagtataas ng halaga ng langis at gasolina. At noon din ay naunawaan na ng taong bayan na walang mas mabisang paraan upang tumbasan ang karahasang ito kundi ang pagpigil at pagparalisa sa mga sasakyan.
Sa ginawang pagparalisa ng transportasyon, hindi lamang naipagpunyagi ng mga tsuper at mga progresibong mag-aaral ang kanilang magiting na simulain labanan ang imperyalismong Amerikano, Sila ay nakatulong na rin sa pagmumulat sa maraming bilang ng mga mamamayan sa katotohanan ng paninikil ng imperyalismong Amerikano sa buong kabuhayan ng bansa.
Ang mga matitibay na barikada na nakatatag ngayon sa mga lansangan ng Pamantasan ay bunga ng dalawang bagay. Una, ito ay pagpapahiwatig ng simpatiya sa mga nag-aaklas na mga tsuper dahil sa hindi makatarungang pagtaas ng krudo na ngayo’y hawak ng mga monopolyong kapitalista. Pangalawa, ito ay pagpapahayag at pagkondena sa paglusob ng mga Metrocom at PC pulis sa loob ng pamantasan.
Ang kahalagaan ng barikada ay hindi lamang sa dahilang ibinabandila nito ang kalayaang pang-akademiko ng mga mag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas. Katunayan, ang paglusob sa Pamantasan ay isa nang pagyurak sa kalayaan. Ang barikada, na maaring magpanimula sa marami pang ibang barikada sa buong bansa, hindi lamang upang tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina kundi upang pigilan nang tuluyan ang pagragasa ng imperyalismong amerikano sa buong kapuluan.
Hindi maikakailang, ang barikada, ay isa na ngayong simbolo ng pakikibaka, At ang pagbabarikada, ay kalakip ng demokratikong karapatan ng mga mamamayan na ipahiwatig ang kanilang pagtutol sa lahat ng uri ng paninikil sa ilalim ng pasistang pamahalaang Marcos.
Sa malayang Pamantasan ng Pilipinas, isang makasaysayang pangyayari ang pagtatag ng mga barikadang ito buong giting na ipinakita ng mga mag-aaral ng Pamantasan na handa nilang ipagtanggol ang kanilang kalayaan at mga karapatan. Bagama’t mistulang isang Biyetnam ang itsura ngayon ng campus, ka pansin-pansin ang masayang kilos ng mga mag-aaral sapagka’t alam nila na kabilang sila sa pagtatanggol sa kalayan ng pamantasan.
Walang sinumang makapagbibigay ng kalayaan sa Pamantasan ng Pilipinas kundi ang mga mag-aaral na rin. At kahit sinupaman, maging siya ay pangulo ay hindi maaaring magkait ng kalayaang ito. Kapag, nararapat lamang sa mga mag-aaral na ito’y ipagtanggol at ipaglaban.
Patuloy ang pagmanman sa mga barikada. Patuloy ang magiting na pakikibaka ng mga mag-aaral para sa kanilang kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaisa ang mga manggagawa, guro at mag-aaral ng pamantasan, (maliban kay kriminal na si Propesor Campos). Kapansin-pansin ang pagtutulungan ng mga ito, sa paghahanda ng mga pagkain, gamot, pillbox at molotov bombs. Maging ang mga helicopter ngayon ay pinangangahasan nang kalabanin,
Kung iisiping mag-iisang daang taon na ngayon ang nakararaan ng unang matatag ang “Paris commune” isang kalugodlugod na pagdiriwang dito kung ngayo’s idedeklara ang isang malaya, mapayapa at makatarungang “Diliman commune.” Isang “commune” na pinapatnubayan ng prinsipiyo sa likod ng mga barikada.